The Project Gutenberg eBook of Bulalakaw ng Pag-asa

This ebook is for the use of anyone anywhere in the United States and most other parts of the world at no cost and with almost no restrictions whatsoever. You may copy it, give it away or re-use it under the terms of the Project Gutenberg License included with this ebook or online at www.gutenberg.org. If you are not located in the United States, you will have to check the laws of the country where you are located before using this eBook.

Title: Bulalakaw ng Pag-asa

Author: Ismael A. Amado

Release date: April 14, 2011 [eBook #35868]
Most recently updated: February 6, 2020

Language: Tagalog

Credits: Produced by Tamiko I. Rollings, Jeroen Hellingman and the
Online Distributed Proofreading Team at http://www.pgdp.net/
for Project Gutenberg (This file was produced from images
generously made available by the Digital and Multimedia
Center, Michigan State University Libraries.)

*** START OF THE PROJECT GUTENBERG EBOOK BULALAKAW NG PAG-ASA ***

Bulalakaw ñg Pag-Asa

[6]

Bulalakaw ng Pág-Asa

[8]

[Nilálamán]

Mga Paunang Talata

Giliw na Mangbabasa:

Kung sa pagtunghay mo ng mga akdang paris nitó ay wala kang ibáng nais kungdi libañgín ang iyóng kalulwa sa mga pangyayaring tinatawid ng dalawáng pusong nag-iibigan; dalhin ang panimdim sa silíd na pinaglalaguyuan ng mga kalulwang pinagtali ng pag-ibig; mabatíd ang mga hiwaga ng pagmamahalan ng magkasi na karaniwang ibinubuhay ng ating mga mañgañgatha; kung iyán lamang ang iyong hañgád, ay huwag ka nang magpatuloy ng pagbuklat sa mga dahon ng kathang itó, pagka’t pananaktan ka lamang ng ulo at maaaksayahan ng panahón: ang aklat na itó’y hindi makatutugon sa iyóng pita. Itó’y bulaklak na waláng bañgó, ñguni’t bulaklak. Itó’y parang lañgit na walang buwan ni tala, ni mga bítuing nakaaaliw sa naninimdim na puso; ñguni’t may araw na nakapapaso’t nakasusunog sa maninipis na balát.

Datapuwa’t kung ang layon mo’y dumamá ng isáng sugat na dinamdam ng ating bayan; humanap ng isáng buháy na adhika upang pag-arala’t dilidilihin; mag-aral ng mga makabayang halimbawa upang ituro sa ibá alang-alang sa kapakanán ng ating Lahi; kung iyán ang iyóng pita ay buklatín mong isa-isa ang [9]mga dahon ng kasaysayang itó, matiyaga mong tunghan ang kaniyang talata, pagka’t titibók ang iyong puso at mabubuhay na lalu’t lalo ang mga símulaing inaalagaan mo sa dibdib. Ito’y sigáng nagdiriñgas ñguni’t hindi nakatutupok. Ito’y súnog na naglalagablab; ñguni’t waláng mga alipatong sukat pañganibang makapagpapalakí ng apoy. Wala: ang layon ng sumulat ay bumuu, hindi gumiba.

Sa pamamagitan ng mga paunang talatang itó ay sukat nang mahinuha ng sinomán ang nilalaman ng Bulalakaw ng Pag-asa: Pag-asa sa isang Bayang matibay na mapapatayo at hindi sa isang Pag-ibig na balót ng mga pagpapakunwari. Ito’y pañgarap; ñguni’t yao’y katotohanan.

Gayon man, ang pagkakalabas ñgayon ng aklat na itó ay nañgañgailañgan ng isang paliwanag. Palibhasa’y akó—marahil—ang unang sumaksi sa pagkakasulat ng mga unang dahon nitó, kaya siyang napitang tumungkol ng kailañgang pagpapaaninaw kung anó’t ang isáng akdang limbag na noon pang Agosto ng 1909 ay ñgayon lamang natuluyang palabasín at ipagbibilí sa mga aklatan.

Ang Bulalakaw ng Pag-asa ay natapos sa limbagan noon pa ñgang 1909. Inaaklat na lamang ang kaniyang mga salin nang ang kumatha’y tumanggap ng mahihigpit na payo [10]buhat sa maraming “nakatataas” sa kaniya, at kung bagá sa isáng sumisintang ibig mag-asawa, ang nangyari sa kumatha’y natira sa pananabik, pagka’t nang dumulóg sa magkakasal, ito’y nagkaít ng tulong at iminatuwid na bukód sa “menor de edad” ay wala pang “konsentimiento” ang mga magulang. Ang kasál ay naurong. O sa lalong maliwanag: ang aklat ay hindi lumabas. Pinigil ang pagpapalabas.

Bakit?

Ang sabi ng nañgagpayo: masama ang panahon, sa papawiri’y naglipád-lipad ang mga ibong mangdaragit ... ang mga sisiw ay kailañgang mañgagtago upang huwag mapahamak. Nang mga araw na yao’y sariwang-sariwa pa ang usapín ng “Muling Pagsilang”, at pinag-aalinlañganan ng marami ang katibayan ng malayang paglalathala ng anománg babasahin, magíng ito’y aklat o pahayagan kaya. At ... sa pakikibagay sa panahon—hindi sa takot—ang kumatha nitó’y dinaíg ng makatuwirang payo at ang kaniyang aklat ay malaong natulog sa “isang madilím na silid”.

Buhat noon, ang pañgalan ng kumatha, na, nang mga araw na sinabi’y hinañgaan ng Bayang Tagalog dahil sa matatapang niyang lathalang lumalabas sa mga pahayagan, ay naligpit na rin at di na napagdiníg. ¿Saan naroon si Ismael A. Amado? ¿Saan naroon [11]ang batang manunulat na tubo sa San Mateo? Kasalukuyang hinahanap ng sumusulat nitó ang katugunan sa mga tanóng na iyan, nang walang anú-anó’y sa sisipót at inilalahad sa akin ang kaniyang palad.

—Isang mahigpit na kamáy at yakap, kaibigan—ang wika niya sa akin;—akó’y maglalayág na patuñgo sa Amerika.

—At ang Bulalakaw ng Pag-asa?—ang pamangha kong tanong.

—Aywan ko kung saan naparoon, at aywan ko rin kung ano ang kaniyang kahihinatnan. Marahil ay sinunog na nilá.

Nakaraan ang mga buwan at taón. At... patí na akong isá sa matatalik na kaibigan ng naglalayag ay hindi tumanggap ng kahi’t anóng balita. Parang namatáy sa larañgan ng Panitikang Tagalog ang pañgalang Ismael A. Amado!

Walang anú-anó, pagkaraan ng ilang taón, ay napabalitang ang manunulat na tagá San Mateo ay dumating, matapos makapag-aral sa Amerika. Sa una naming pagkikita’y wala kamíng napag-usapan kungdi ang kaniyang “nakatulog” na Bulalakaw... Ang kaibigan ko’y napañgiti lamang at nagpahayag ng ganito:

—Ang Bulalakaw ng Pag-asa ay dinatnan ko pa sa aking silíd, naroong nagtalaksan; ñguni’t marahil ipasusunog ko na. Kay [12]sama ng pagkakasulat at akóng itó ang una-unang nakakakilala ñgayon ng kasamaan, hindi lamang ng pagkakasulat, kungdi lalu’t higít ng iláng isipang doo’y aking inilarawan.

¡Sayang na aklat!

Gayón man, salamat sa pagpapayo ng maraming kamanunulat sa wikang tagalog, at si Amado’y napilitang sumunod sa kanilang adhika.

—Natalo akó kaibigan,—ang wika sa akin.Ang Bulalakaw ng Pag-asa ay tila ipaaaklat ko rin; ñguni’t hindi na upang masunod ang una kong hañgarin, kungdi upang makatulong na lamang sa pagpapayaman ng mga aklat na nasusulat sa ating sariling wika. Dapat mong mabatíd na akó ang una-unang kumikilala na ang aklat na iyá’y hindi nababagay sa panahong itó ng pagtutuluñgán at mabuting pagsasama ng sinasakop at nakasasakop. Ang paglalathala ko nitó’y buñga na lamang ng aking nais na magkaroon ng kahi’t isáng aklat na magpapaalala ng mga nangyari ng panahong nakapaiibabaw rito ang katuwiran ng lakás at di ang lakás ng katuwiran. Alaala sa panahong iyan, at wala... Iyán lamang ang nagbunsod sa akin upang ipaaklat ang maralita kong Bulalakaw.

At narito’t pinaaklat ñga at ñgayo’y buong pusong inihahandóg sa mga giliw na mangbabasa. [13]

Gaya nang nasabi na sa dakong unahan nito, ang Bulalakaw ng Pag-asa ay limbag na noon pang Agosto ng 1909. Mula noon hangga ñgayon ay mahigit nang siyam na taón ang nakararaan. Kung ang naturang aklat ay isá lamang buñgang kahoy, nanatili man ang magandang kulay, marahil ay tuyo na’t walang katas. Sukat ng makuro ng mga mangbabasa na ang aklat na ito, dahil sa ganiyang pangyayari, ay wala ng katas na pangkasalukuyan. Gayon man, palibhasa’y buháy ang mga pangyayaring tinutukoy sa aklat, ito’y maaaring pakinabañgan ng sinomang may ibig makinabang.

¿May katañgian ang aklat na ito? Sa ganang akin ay mayroon, ñguni’t wala. Datapuwa’t may isang dakilang katañgian: nakahambing siya ni Kristong umano’y nabuhay na muli, matapos malibing sa hukay.

¿Marami kayang kamalian? Sa ganang akin, ay marami rin; ñguni’t wala. Marami, sapagka’t talagang marami. At wala, sapagka’t ang kumatha na rin ang una-unang nagsasabing napakasama ng pagkakayari sa aklat na ito.

Nguni’t sinabi ko na: kailañgang isaalang-alang natin ang pangyayaring ang aklat na ito’y sinulat ng kumatha noong bago siya magtuñgo sa Estados Unidos at kaya lamang niya pinalabas ñgayon ay sapagka’t siya’y napilitan. [14]

Gaya nang nasasabí na sa dakong unahan nito, ang layon ng sumulat sa aklat na itó’y dakila sa lalong dakila: itanim sa puso ng lahat ng Pilipino ang pag-ibig sa Tinubuang Lupa. Lamang ay mapapansing ang sumulat, ay wala sa kanyang sarili nang ito’y sulatin. Manapa’y pinapagsasalita siya ni Rizal, minsa’y sa pamamagítan ni Elias sa “Noli Me Tángere” at kadalasa’y sa pamamagitan ni Simoun sa “Filibusterismo”. Ang wika niya: “... kinakailañgang mátanim sa puso at mabatid ng bawa’t Pilipino, na ang una at hulíng tungkulin niya sa iyo (sa Bayan) ay ang matutong gumiba, gumutay, tumupok, nang walang kapañgipañgimi, sa dapat igiba, gutayin at tupukin”. Nguni’t ang kumatha’y may katwiran. ¿Ano’t hindi iukilkil tuwi na ang makabuluhang aral ni Rizal, hinggil sa Bayan at sa Lahi?

Ang mga giliw na mangbabasa’y hindi naman dapat mag-isip na ang kathang ito’y nakakatang sa mga pag-iisip ni Rizal. Ni hindi maituturing na hañgo. Ni plahio! Ni ano pa man! Kung baga sa paghahasik, ang mga isipang naririya’y tinipon ng ating Bayani sa isang sisidlán at isinasabog namán ni Amado, hindi upang aksayahin, kungdi upang itanim at nang tumubo, mamulaklák at mamuñga.

May isang mañgañgathang nakabasa na [15]nitong Bulalakaw ng Pag-asa na sa aki’y nagpahiwatig na karamihan pang mga isipan ng kumatha ay hañgo sa ilang isipan ni Rizal, tungkol sa Bayan natin. Ako’y hindi naniniwala sa bagay na itó, pagka’t kung magkakaganyan ay matitiyák nating ang Busabos ng Palad ni Aguilar ay plahio sa Resurrección ni Tolstoy, itó nama’y plahio rin sa La Dama de las Camelias ni Dumas ... At, itó namán, ang Dama de las Camelias, na isang kathang nagtamó ng papuri sa sangdaigdig ay isang plahio lamang sa isang dramang hapón na pinamagatang Kami Ya-Giyé. Ang “argumento” ng mga kathang iyan na aking binanggit ay halos nañgagkakaisa: si Celso ni Rita ay siya ring si Neclindeff ni Maslova sa Resurrección; ñguni’t si Neclindeff ni Maslova ay siya ring si Armando ni Margarita sa La Dama de las Camelias; datapwa’t ang Armandong itó ay siya ri’t di iba ang Giyé ni O’Hare sa dramang hapóng Kami Ya-Giyé, na, unang di hamak sa La Dama; ñguni’t kailan ma’y walang nañgahas na magsabing ang walang kamatayang kathang iyán ni Alejandro Dumas (anák) ay plahio lamang sa isang dramang hapón.

Ang totoo, sa ganang akin, sa apat na panulukan ng Sandaigdig, ay di nawawalán ng dalawa kataong nagkakaisa ng isipan sa iisang araw at oras. Ang mga isipan ni [16]Amado ay may sariling uri at taták, kay sa mga pañguñgusap ni Rizal sa mga labi ni Elias at ni Simoun.

Sa anu’t anó man, ang aklat ay narito’t yari na. Sa pañgalan kong sarili’y buong pitagang inihahandog sa mga giliw na mangbabasa at sila na ang bahalang humatol.

Opo, hatulan ninyo ang aklat na itong kinalalarawan ng isang pusong pinag-aalaban ng pag-ibig sa Tinubuang Lupa, ng isang dibdib na pinatitibok ng dalisay na pagsinta sa Lahi, ng isang kaluluwang pinadadakila ng adhikang mapatayo ang isang Bayan matibay at malinis, sa ibabaw ng mga labi ng isang Bayang bulók at pinaghaharían ng mga kasamaan.

Iñigo Ed. Regalado,
Tagapamatnugot ng Ang Mithi. [17]

[Nilálamán]

Bulalákaw ng̃ Pag-ása

I

Mg̃a Duwág!!...

—“Ako’y makapangyaríhan dito.

“Ang báyang itó ay akin.

“Ang mg̃a báhay na iyan ay akin.

“Ang mg̃a búkid at bundók na iyón ay akin din.

“Ang mg̃a táong iyán ay nanúnulúyan laang dito. Walâ siláng báyan. Ang báyan nila’y binilí ng̃ aking báyan.... Silá ang mg̃a talúnang gúgu, ang mg̃a di dápat lumayà at magsarilí, sapagka’t walang káya, sapagka’t mg̃a mangmáng, mg̃a incivilizado, mg̃a tamád, at sapagka’t kapag pinalayá, silá at hindî kami ang mabubusóg sa mg̃a búkid at bundók na iyan na bawa’t kimpál ng̃ kanilang lupa ay isang kimpal na gintô!”

Humigit kumúlang ay ganitó ang wari baga’y ibig ipahiwatig ng̃ lákad, dagunot ng̃ paa, imbáy, [18]galáw ng̃ mg̃a nagluluwáng̃ang matá, at anyô ng̃ mukhâ ng̃ isang anaki’y leon na nagkatawáng tao; isa manding Nicholás II; isang tila baga matáas na matáas na di marunong yumukô, ó di nakakakilála sa alin mang punô.

Ang máginoong ito ay isa riyan sa mg̃a diyosdiusang mister na laging puputákputák sa Pilipinas. Kararating laang niyá noóng umágang iyon sa báyan ng̃ Libís.

Sa walang tígil na kalalákad, siya’y sumapit sa tapát ng isáng tindahán ng̃ álak. Lumapit. At pagkatapos na matingnán ng̃ isang ting̃ing-uháw ang mg̃a boteng naggigilásan sa loob, ay sinutsután pagdaka ang may-áring si Julio at ípinahiwatig dito ang kanyang ibig.

Ibig niya ay makitang umíkot ang mundó, dapwa’t sa kasamáng palad ay walang dalang maibabáyad sa magpapaíkot; kaya’t isanamó niyang siya’y pautang̃in.

Si Julio ay di pumayag; sapagka’t totoóng malabis ang pag-aalinláng̃an niya sa táong ito, na hanggá ng̃ hanggá ay noón lamang natamaan ng̃ kanyang matá. Sa mukhâ, pananamit, mg̃a anyô, pananalitâ ng̃ bagong datíng, ay wala siyang sukat mabanaágang tandâ ng̃ pagkamalínis na budhî.

Dahil sa walang màliw na pagtanggí ni Julio, ay biglang umínit ang tuktók ng̃ maginoong mister. [19]

Ipinalálagáy daw siyang masamâng tao na di marúnong magbáyad ng̃ utang—sa makatwid, tulad na ng̃ magnanákaw! Sa nóong kunót ng̃ kausap, ay isang malamig na ng̃itî ang itinugón ni Julio.

—“Hindi pô iyan ang dahil”;—anya—“talagá pong naugalían na ng̃ aming tindahan ang huwag magpaútang sa mg̃a di naniniráhan dito, kaya’t inyong ipagpatawad.”

At hinagísang muli ng̃ isang ng̃itî ang nabigô. Ng̃uni’t hindi naampát ang ding̃as. Lalong sumikláb ang sigâ. Kumanyón na nang sunód-sunód at walang lagót, ang Diyos Bung̃áng̃á. Katákot-tákot na bála ng̃ pag-alimurà ang lumagpák sa mg̃a tayng̃a ni Julio! Ito’y nakapagpígil sandalî, dapwa’t sandalî lamang, at di na nakapagbatá ang kanyang dang̃al. Ang paláng̃itî niyang mukhâ, ay bigláng nagdilím. Yaóng tumitibók sa kabilâ ng̃ kanyang dibdíb, ay bigláng napukaw. Natikom ang mg̃a daliri, nang̃inig ang mg̃a bísig.

—“Ginoo!”—ang inihadláng ni Julio sa nagpúpuputók—“wika ko sa inyo’y di ko kayó pauutáng̃in at ang pasyá kong itó ay waláng pagkatinag! Walang tao sa ibabaw ng̃ lupà na may kapangyaríhan pumílit upang bagúhin ko ang aking salitâ. Ako ba’y inyóng nauunawàan?...

Pagkasábi nitó, si Julio ay tumalikod nang [20]kauntî. Sinamantalá ang pagkakataóng iyon ng̃ kanyang kaalít. Maliksíng hinúgot ang daláng rebólber, lumundág sa loób ng̃ tindáhan at pinukól ng̃ tatangnán ang úlo ni Julio. Ito’y nanghinà nang kauntî, gayón ma’y hinaráp niyá nang pang̃atawánan ang mapang̃ahás. Di naglaon at gumúlong kapwà sa sahíg; animo’y nililindól ang tindáhan; ang mabuway na kinahahanayán ng̃ mg̃a bóte ng̃ alak, ay nátagilid; gumuhô ang lahat ng̃ lamán. Katákot-tákot na íng̃ay! Dumalóng nagtutumilî ang dalagang anák ni Julio. Isang sípang ikinasubásob ng̃ binibíning nananáng̃is, ang dito’y isinalúbong ng̃ halimaw. Kahabág-habág na mag-amá!

Sa karátig na tindahan ay may ibáng nangyayari:

Dalawáng pulís ng̃ bayan at si Gerardo ang nahandoon. Si Gerardo ay isang binatang maglálabing-siyám ang gúlang: Matibay na pusò, maliwanag na isip, katawáng malakás, at mapang̃ahás na loob sa alin mang gawàing mapang̃anib.

Mula pa sa mg̃a unang sandaling mabanaágan ni Gerardo ang masakláp na bung̃a ng̃ mg̃a sagútan ni Julio at ng̃ kaniyang kalában, ay sinimulán na niya ang pagpapaála-ála ng̃ kanilang katungkúlang sa mg̃a pulís na nataunán [21]niya roon; alalaong baga’y mamagitnâ silá sa dalawa.

Umakmáng lalapit ang mg̃a pulís, di ang hindi. Datapwa’t sa masamáng pagkakataón, ay násabay ang paglápit na ito sa pagbunot ng̃ rebólber ng̃ kaaway ni Julio. Isip yata’y sila na ang susugúrin, kaya’t biglâng nang̃amutlâ at dáli-dáling nang̃agsiúrong.

—“Ano’t tíla kayo’y nátukâ ng̃ áhas?”—ang pagdáka’y itinanóng ng̃ binata sa bayáning mg̃a pulís.

—“Abá!”—ang kaniláng tugón—“kami ba’y mg̃a ulól at ipapáin ang áming búhay sa kamatáyan? Di mo ba nakikita’t marrikáno iyang may ‘ribulber’? Kami’y waláng kaarmás-armás, kung kami’y labánan, anó ang aming magagawâ?”

Nagng̃itng̃ít si Gerardo sa mg̃a salitâng ito.

—“Mg̃a duwag!”—ang malakás niyang sigaw na sinabayan ng̃ isang matinding túlak sa mg̃a pulis na kamunti nang ikinábaligtád nilá; at di lamang ito ang nagawâ: nilabnót pa sa mg̃a bayaning iyon ang dala-daláng mg̃a batúta.

Singtulin ng̃ kidlat na dumaló ang binatà sa sigalót. [22]

[Nilálamán]

II

¡Sakâ Kayó Magsisísi!...

Si Julio sa mg̃a sandaling iyón, ay latâng latâ na sa kanyang pakikilámas; kaya’t ang pagdalo ni Gerardo ay napapanahón. Pagpások ng̃ binatà sa loob ng̃ tindáhan ay sinigawan siya ng̃ kalában ni Julio na huwag manghimások sa kanilá. Hawak nitó ang rebolber; dapuwa’t sa gayóng anyô ng kaáway, ang batóng loób ni Gerardo ay lalong tumigás mandín, lalong nabuhay ang kanyang dugô. Waláng ágam-ágam na lumápit sa nananampalásan, at úbos lakas na inihátaw sa ulo nitó ang daláng káhoy; ng̃uni’t ang hinataw ay nakapagpaputók din, at saka dahan-dahang nahílo, nalugmók, nawalán ng̃ diwâ.

—“Mang Julio, nakagantí na kayó!!—ang noó’y biglang pumúlas sa mg̃a labi ng̃ mapúsok na binatà.

Tumagís ang bála sa kaliwang bisig ni Gerardo.

Tumutulò ang kaniyang dugô; samantalang sa tapat ng̃ tindáhan ay nagkakatípon ang mg̃a táong páwang pagpuputlaan, nagluluwáng̃an ang mg̃a matá, at naghahabaán ng̃ liig.

Isang lalaking mataás ang di nagluwat at pumások; siya ang sargento ng̃ mg̃a pulís. Kasunod [23]niya ang dalawáng bayani ng̃ sindák. Nilapitan ang binatà at tumanong:

—“Bakit inágaw ninyó ang mg̃a batúta ng̃ mg̃a pulis na iyan?”

Hinagísan muna ni Gerardo ng̃ isang nagbabágang ting̃in ang tatlóng kawal na iyón ng̃ pamunúan bágo tumugón:—

—“Sapagka po’t áking kinailáng̃an sa pagsugpô sa kapaslang̃an ng̃ isang táong ganíd! Ng̃ayón na di ko na kinakailáng̃an, sila’y akin nang isinasaulì.”—At inaabót ng̃ binata ang mg̃a batuta sa sargento, na muling tumanong:

—“At bakit naman sila’y di man laang ninyo pinagpitaganan?”

—“Sapagka’t iyang inyong mg̃a pulís ay mg̃a duwag!”—ang napabiglang tugon ng̃ binata.—“Sapagka’t sila’y aayaw magsitupad sa kaniláng katungkúlan; nakíta, ng̃ kaniláng mg̃a matá ang gayóng pagyúrak at paglaít sa kaniláng mg̃a kabalát, ang gayong pagluhà ng̃ Matwid; at gayon man, sa haráp ng̃ karáwaldáwal na nangyari, ang mg̃a pulís na iya’y di nag-kaloób na kumílos, humalukipkíp na lámang, nagpatáy-patáyan!... Ganyan po ba ang mag-iing̃at ng̃ kapayapaan? Sa mg̃a táong gaya nila’y anó ang mahihintáy ng̃ Báyan? Walá! kundi isang di makakátkát na kahihiyán at pagpulà sa kanyá ng̃ ibáng láhì!... [24]

Dito’y hinaráp ang nagsisiksíkan at nagng̃ang̃ang mg̃a tao sa labás ng̃ tindahan; ibináling muna ang paning̃ín sa lahát ng̃ dáko at sakâ nagpatúloy:

—“Sa mg̃a sandalíng itó, mg̃a kababáyan, huwag lilimútin na ang Matá ng̃ boong Sangdaigdigán ay napapakò dito sa Pilipinas. Báwa’t kilos, báwa’t gawâ, pagkakámalí ó pagkakásulong, ay minamasdan nilá. Kinukúro, tinitimbàng lahát na iyân, upang pagkatápos ay pasiyáhan kun táyong mg̃a pilipino ay may matwíd ó walâ sa paghing̃î ng̃ Kalayáan! Kaya ng̃a nararápat na sa mg̃a araw na itó ay magpakaíng̃at tayo sa áting mg̃a kílos. Huwag tutulútang makasinag dito ang mg̃a tagá ibáng lupâ, ng̃ anó máng gawáng maipupulà sa atin. Iyáng kahináan ng̃ loob, tákot sa mg̃a gawang lában sa katwíran, ay di nararápat kailán man na ipamálas ng̃ isáng báyang gaya nito, na naghahang̃ád lumayà. Upang ang báyang iya’y kaalang-alang̃anan ng̃ ibá, ay kailang̃ang ipakíta sa lahát nang panahón, na ang kanyang mg̃a anak ay di natutulog sa hang̃ad ng̃ ibáng dung̃isan at idiwarà ang kanyang puri’t karang̃álan—Iyang mahálay na pag-aalaála sa saríli na nababagay láang sa mg̃a loob na marurupók ay kinakailang̃ang iwaksi sa mg̃a ganitong pagkakataón; sapagka’t ang malíng pag-aalaálang [25]iyán ay siyang nagdudulot ng̃ karupukán sa pusò, siyang nagpapatúlog sa dugô, gumuguló sa isip, at nagpapaúrong sa kaluluwá úpang lumayô at tumalikod sa pang̃ánib na dapat sagupàin at sugpuin!”...

Napútol ang salitâ ni Gerardo, dahil sa bigláng pagkílos ng̃ nalulugmók. Násaulì na ang pagkatáo, idinílat ang mg̃a matá at titindig sana, ng̃uni’t ¿sino yaong nasa kanyáng haráp at pígil sa kamay ang isang rebólber na nakaúmang sa kanya?... Nápaupông muli. Sino itó? Si Kamatáyan na ba? Kakalawitin na kayâ siya? Inapúhap sa likód ang kanyang sandata: dapwa’t walâ!... Lálong namutlâ ang mukhâ, lalong nang̃iníg ang katawán.

Nang̃usap ang kinatatakútan sa wikà ni Shakespeare:

—“Kung ang búhay mo’y iyóng pinahahalagahán ay huwag kang kikilos!... Nauunawáan mo ba?”

Isa na lamang tang̃ô ng̃ pagáyon ang naitugón ng̃ nang̃ang̃atál, sapagka’t di maibuká ang bibig, di mabigkás ang íbig sabíhin.

Nagpatúloy si Gerardo.

—“Ibig kong mabatíd kung ikáw ay taga-saán.”

—“A-a-amerikano”, ang maráhang sagót ng̃ nanglálamig.

Ah!, amerikano!... amerikano!”—ang úlit [26]ng̃ binatà, na may kahálong mapaít na ng̃itî.—“At anó ang sumuót sa amerikáno mong tuktók at ikáw ay nanánampalásan díto?”

—“...........”

—“Ang akála mo ba’y sapagka’t natúran kang amerikáno at ang kaharáp mo’y mg̃a kayumanggí ay maaárì mo nang yurákan ang kaniláng karapatán at isalúsak ang kaniláng karang̃álan?...

“Di mo na inalaálang silá ay iyóng kapwà? na silá ay iyóng kapantáy?

“Oh, kayóng mg̃a dayuhang halímaw!

“Sino kayóng paparíparíto sa isang báyang di inyó at pag-náhandito na’y walang kakalasagin kundí ang pangdadahás at paghaharìharìan?

“Iyán bagá ang inyong igagantí sa báyang itó na kahima’t hiráp na’y tiís pa rin nang tiís, masunód lang kayó? kahi’t hapô na’y híla pa rin nang híla, kayó lámang ay mapagbigyáng loob?

“Ah, mg̃a walang túring!.... Mg̃a pusòng masasakím at mapagmatáas!

“Di na ninyó inísip na doon sa Lang̃it ay may isáng Diyós!—Isáng Diyos na nagmamasíd sa inyóng mg̃a kilos, isáng Diyos na walang kinikilíng̃an, ang Diyos na huhukóm sa inyóng mg̃a gawâ!!... [27]

“May araw ring kayó’y sasayáran ng̃ Kanyáng kamay, may araw rìng lalagpák sa inyóng mg̃a úlo ang mabisàng sumpâ at higantíng kakilákilábot ng̃ isáng Báyang dinadayá!

“Ah! mg̃a kahabághabág!... Sakâ kayó magsisísi!!...”

Hindî nasáyang ang mg̃a salitâ ni Gerardo: sa labás ng̃ tindáhan ay boong báyan na halos ang sa kanya’y nakikiníg.

Pagkaráan ng̃ iláng sandalî ay pinatindíg ang amerikano. “Lumabás ka rito”—aniya,—“at humaráp ka ng̃ayon din sa hukóm.”

Ang inutusan ay nakayukông tumindíg, nakayukông lumabás at nakayukông sumapít sa pintô ng̃ hukuman. Sinusundan siya nina Julio, Gerardo at ng̃ maraming táong bayan.

Di naláon at dumatíng ang mg̃a nagsasakdál sa tanggápan ng̃ hukóm; ng̃uni’t sa masamáng pagkakátaon, itó noo’y walâ sa loob ng̃ bayan. May nagsasabing siya’y napa sa Maynilà, at di máalaman kun kaylán babalík.

Inaharáp ang sakdál sa pang̃alawáng hukóm, dapwa’t ito’y tumanggíng lumítis sa usapín, sapagka’t siyá’y kamag-anak ng̃ nagsasakdál na si Julio.

Ayon sa kautusán, ang presidente municipal ng̃ isang bayan ay siyang mákakahalíli ng̃ mg̃a hukóm kapág ang mg̃a ito’y walang kaya ó [28]karapatáng lumitis sa isang usapíng “criminál”. Sapagka ng̃a’t ito ang ipinaguútos, ang mg̃a magsasakdal noon di’y nagsitung̃o sa báhay-pamunúan upang dumulóg sa haráp ng̃ presidente.

[Nilálamán]

III

Si Kápitang Memò.

Máximo San Jórge de los Santos ang túnay na ng̃alan ni Kápitang Memò, ulo ng̃ yaman at presidente municipal sa Libís. Siya ay isang lalaking may matáas na tindig, mukhâng bilóg na kinabábanaagan ng̃ ilang paták ng̃ dugông diláw, úlong tihabâ na napapalamutíhan ng̃ mapuputing buhók, mg̃a matáng busóg na animo’y ipinaglihí sa mg̃a matá ni Mutsu-Hito, ilóng na hinirám kay San Mateo, bibig na inihawig sa bibig—Limahóng at tiyang kauri ng̃ tiyang—Taft.

Ang máginoong itó ay isá riyán sa mg̃a nábantog na kápitan noong mg̃a araw na ang Pilipinas ay kasalukúyang iniinís ng̃ kakastilàan; siya’y nábantog, sapagka’t tang̃ì sa masalapî, ay lubhâng malupít sa mg̃a táong bayan, mapagbalák ng̃ mg̃a masasagwâng útos na pawàng udyók ng̃ kasakimán, mapagparátang at mapagparusa ng̃ mg̃a parúsang háyop sa mg̃a binúbuhátang nagkásala. Walang tumutol sa mg̃a [29]hidwâ niyáng kagagawán na di niyá sinumbatán ó pinang̃akùan ng̃ ganitó ó gayóng pagkapahámak.

Ibig supilin ang lahát; paáno’y walâ siyáng pinakamimithî kundî ang sambahín, kilalánin at tawaging harì—harì sa lahat ng̃ bagay, harì ng̃ lahát ng̃ táò, kung mangyayári, ng̃ kanilang mg̃a pag-aarì, katawán at damdamin... Iyan ang kanyang adhikà sa gitnâ ng̃ gayóng mg̃a nagyukòng masunúrin, mg̃a tikóm na bibig, mg̃a dilàng alípin.

Iyán ang kanyáng pinang̃ápang̃árap, ang boô niyáng hang̃ad mulâ sa sandalîng mapasakanyà ang tungkód ng̃ kápitan—ang mahiwagà’t makapangyarihang tungkód na siyáng lálong pinagkakautang̃an ng̃ kanyáng pagkamasalapî, pagkamalupain, at pagkamapalalò.

Sa haráp ng̃ ganyáng mg̃a adhikà, katakátaká kayâ na nang mabágo ang pámahalaan, pagkalagánap dito ng̃ kautusáng nagpapahintúlot sa mg̃a bayán-bayán ng̃ maláyang pagpilì sa kanikanilang pinunò; katakátaká kayâ na maisipan ni Kápitang Memò na samantalahin ang pagkakátaon sa pagbabakásakáling siya ang máhalal na presidente sa kanyang bayan?

Alám ni Kápitang Memò na lubhâng marami ang kanyáng kaáway; na ang kanyáng kabang̃isán ng̃ panahóng lumípas ay di pa nalilimot [30]ng̃ mg̃a manghahalál; na ang tákot at pang̃ing̃ilag sa kanyá ay di pa nakakatkát sa mg̃a apdó ng̃ karamíhan; na ang kanyáng kalupitán sa pamumunò ay sariwàng-sariwà sa kanilang alaala. Batid ni Kapitang Memò ang lahát ng̃ iyan. At iyan ang mg̃a dahil kung bakit siya’y maláon ding nabalisa at nagalinlang̃an, bago natuluyang magharáp ng̃ kanyang kandidatura sa nálalapit na halalán.

Dápwa’t hindî ang isang Kápitang Memò ang uúrong. Bakit ba hindî niyá titikmán? Ay anó kun sakálì ma’t siyá’y mátalo? Hindî ba siyá datihan sa pagkatálo ... sa mg̃a templo ng̃ San Jórge at mg̃a titiláok?

—“Walâ! walâng úrong-úrong!” ang matigás niyáng sábi sa kanyá rin.

At hindî ng̃a namán umúrong.

Sinimulan na ang pang̃atawanang paglákad.

Nagkatúsak ang kanyang mg̃a leaders na walâng humpáy ng̃ talumpatì dini at talumpatì doón.

Nagpagawâ sa Maynilà ng̃ libo-libong carteles na kinatítitikan ng̃ mg̃a salitang:

VOTAD POR
Sr. D. Maximo San Jorge de los Santos.
CANDIDATO para PRESIDENTE.
Libertad, Igualdad, Fraternidad.

Sa di kawasà’y dumatíng ang áraw ng̃ halalán. [31]Dumatíng ang oras ng̃ pagbílang ng̃ mg̃a boto.

Nápagaláman sa wakás na tatlong-daan at limá ang bilang ng̃ boto kay Kápitang Memò; samantalang dádalawang-dáan at ánim ang tinanggap ng̃ kaniyang kapáligsahan.

¡Talinghagà ng̃ mg̃a pang̃akong matatamis!

¡Talinghagà ng̃ mg̃a gantíng-palang makalansing!

¡Talínghagà ng̃ mg̃a mukhâng-hudas na nakang̃itî!...

Tigás na tuwâ ng̃ Kápitan.

Sa tatlong araw na sumunod sa halalán, si Kápitang Memò tuwing magiisá, maging sa pagkain, maging sa paghigâ hanggang sa pagtulog, ay wálang nábibigkas kundî ang gayari:

—“Sa makatwid, ako ay presidente na ng̃ayón ha! ha! ha! At sa makatwid, akó ay makapangyarihan na namán! ha! ha! ha!... Ganitó, ganitó ang mabubuhay ... láging nasa itáas, láging tiniting̃alâ at hindî nasusuwáy! ha! ha! ha!

Iyán ang si Kápitang Memò. [32]

[Nilálamán]

IV

Ang mg̃a Máginoo...

Talagá yatàng sinasamâ ang mg̃a magsasakdal. Ang presidenteng sinadyâ sa bahay-pámunuan ay walâ rin doon.

Hindi pa dumárating. Ang oras na iyon ay hindi pa oras ng̃ pagdatíng ni Kápitang Memò sa kanyang tanggápan. Iyón ay oras lamang ng̃ kanyang pagbáng̃on, ng̃ paghiwaláy sa mapanghalína niyang higàan, ng̃ pagpapaalam sa isang kinawilihang pang̃arap....

Si Kápitang Memò ay di nararápat bumang̃on ng̃ maága; hindi ito nababágay sa kanya. Siya’y isang máginoo, isang kápitan, isang presidente na sumasahod buwán-buwán ng̃ walongpúng pisong matunóg. Bumáng̃ong maága ay nababágay lámang sa mg̃a mahihirap, sa mg̃a magsasaká, sa kanyang mg̃a kasamá, alila at mg̃a hindi máginoong gaya niya.

Tinutugtóg ang ikasampung oras nang si Kápitang Memò ay magbáng̃on noong umagang iyón. Ang mg̃a hikáb niyang sunodsunod at mg̃a matáng pipikitpikit ay nagpapakilálang di pa nasisiyahán sa túlog. At mulî sanang mahahandusáy ang mahal nating ginoo, dang̃an at nagitlá sa íng̃ay ng̃ maraming táo na noó’y naghuhugusan sa tapát ng̃ [33]kanyang báhay. Ang mg̃a táong ito’y siyang kasunódsunód nina Gerardo mulâ ng̃ iwan nila ang tindahan ni Julio; ibig sana nilang mapanoód ang paglilítis, dapwa’t nabuktót na lahat sa pagiintáy sa presidente, kaya’t ng̃ayo’y nang̃aguuwian na. Salámat sa ing̃ay nila at nabugábog ang masipag na pinunò ng bayan; sa wakás ay natulúyan ding mámulat ang mg̃a namumugtông matá na animo’y nagsasábing “¡Kami ay busóg na busóg!”

Pagkakáin ng̃ almusalán, ang ating máginoo ay humílig sa isang sillón; at dito’y sinimulán ang waláng lagót na pagpapaúsok sa isang “Germinal”.

Hinintáy pa munang mang̃alahátì ang sagisag na iyón ng̃ isa sa mg̃a masasamáng hilig ng̃ tao, bágo nagbihis si Kápitang Memò upang dumaló sa bahay-pamunuan.

Tinutugtóg ang ika labing-isáng óras ng̃ umága nang siya’y sumapit doón. Pagpások na pagpások ng̃ pintô, ay isang tuksó ang kaagád ay sumagupà sa kanyá. Sa dákong kaliwâ ay may isang malápad na bangkô at sa ibabaw ng̃ bangkô ay nakatukmól ang isang pulís na uugâ-ugâ ang ulo, nakabuká ang bibig, at untî-untîng nábababâ ang mg̃a balintataó. Sa ganitong anyô na bilang pasalúbong sa kanya ng̃ káwal niyang hinihíla ni Antók, ang makisig na pinunò ay [34]biglang siniglán ng̃ pang̃ung̃upinyó. Anó ba’t ang buísit na iyon eh, tila ginagagád ang anyô niya kanina ng̃ siya’y bago lang kagigísing?

Dáhandáhang lumápit ang nagng̃ing̃itng̃ít, sinunggabán sa bátok ang tuksó at walang sábi-sábi’y niluglóg ito ng̃ walang kapatúpatumanggâ.

—“Ah, salbáhe! demónyo! di nahúli rin kitá!... Iyán, (suntok) iyán, (sipa) at iyán (dagok) ang bágay sa iyo, tamád! walang hiyâ! háyop! Kung kayâ ka bá binabayáran ng̃ sampúng piso buwán-buwán ay para magtulóg ka rito? Waláng hiyâ!”

Gitláng gitlá ang pinupog ni Kápitang Memò. Sa kagulatan ay nakálundag tuloy sa di oras ng̃ limáng dipá.

Samantalang nagbúbubusá ang bibíg ng̃ Kápitan ang iba namang mg̃a pulís ay pawang nagpuputlàan at nang̃ing̃iníg, lahat ay nang̃agtáyò ng̃ tuwid na tuwid, walang makahumá kahi’t isa.

Pagkatápos ng̃ ganitong pagpapakíta ng̃ gilas sa silong, ang mabang̃ís na punò ay dahandahang nanhík na nanglilisik ang mg̃a matá.

Sina Gerardong inis na inis na sa pagiintáy ay napabuntóng-hining̃á na lamang ng̃ maramdamang siya’y dumádating. [35]

[Nilálamán]

V

Sa likód ng̃ kasalukúyan

“Aba, mang Julio”, ang bigkás ng̃ binatà; “lumuhód po kayó at nárito na ang ating Czar!”

Si Julio’y napabulalás ng̃ tawa.

“Angkáp na angkáp ng̃a sa kanyá ang ng̃alang iyan!”

Hindi lumawig ang pagtatawá ni Julio; humalili sa kanya ang isang pagkamanghâ, pagkatapos na maibáling ang paning̃in sa dákong hagdánan. Pati si Gerardo ay nápa-abá!...

Katakátaká ng̃a nama’t lubhâng mahiwagà ang mapapansín ng̃ isang nagmamasíd sa pinamagatáng Czar na sa sandalíng iyón ay kapapanhík pa lamang.

Pagkákitang pagkákita sa amerikánong isasakdál (na noó’y nagkátaong nakatalíkod at kasalukúyang nawiwíli sa pagting̃in sa isang nakasábit na magandang laráwan ng̃ nunò ng̃ mg̃a Federál,) ang presidente ay natigilan nang biglâng biglâ; túlos na túlos sa púnò ng̃ hagdanan; ang mg̃a matá ay pinanáwan ng̃ panglilisik at kúsang napakò sa likod ng̃ amerikáno. Tumindíg sina Julio at nagbigáy ng̃ “magandang araw”, dapwa’t ni tang̃ô, ni ting̃in man lang, ni ano pa mang tandâ ng̃ paggantí, ay dí sila nagkamít. [36]

Papaáno’y ang boông pag-iisip ni Kápitang Memò ay nabubuntón sa isásakdál na mulâ, nang tamáan ng̃ kanyáng matá ay pinasikdósikdó ang loob niyá nang gayón na lang. ¡Kanyá mandín natatandâan ang húbog ng̃ pang̃ang̃atawán ng̃ amerikánong itó!... Túnay ng̃a kayáng ito’y si ... si ... si Stag?

Habang nagtatagál ang kanyang pagmamasíd ay lalò at lalòng nakikilála ang pinagmamasdán.

Isang matinding tikím na kinaugalían, at isáng magasláw na kilos ng̃ nakatalíkod, at ... ¡biglang namutlâ ang natutúlos sa punò ng̃ hagdán!

Ang tikím at kilos na iyón ay kilaláng-kilalá niya; wala kundi si Stag lang ang marunong kumílos at tumikím ng̃ ganoon.

“At bakit itó’y nápaparíto ng̃ayón?...”—ang kahi’t di sinasadya’y naibulong sa sarilí ng̃ namumutlâng pinunò—“Akó kayâ ang talagáng hanap?... Alam kayáng presidente na ako ng̃ayón?... Maánong huwag ng̃ maalaála...!

Hindî man ibig ni Kápitang Memò ay kusang ipinadpád siya ng̃ kanyang gunitâ sa panahóng nagdáan—sa taóng 189...—sa isang háting-gabíng madilím nang silang dalawá ng amerikánong itó, ay magkasámang lumanság sa isang pintóng nakalápat sa lalawigang Tarlak.

Sariwàng sariwà pa sa kanyáng alaála ang [37]mg̃a nangyari noón! Hindi, oh hindî niya malilimutan ang pagkaparoól ng̃ isang amá, isang amáng tagalog, na noo’y walang malay na naligò sa sariling dugô—dugông pinaágos ng̃ kanyang kamay, kamay niya—ni Kápitang Memò!

Hindi pa rin nakakatkát sa kanyang gunitâ ang mg̃a himutók, at pananambítan ng̃ dalágang anák ng̃ amáng iyon—anák na sa isang sandalî ay inagáwan ng̃ magúlang, at pinagnakáwan ng̃ táng̃ing kayamánan ng̃ isang dalága: ang saríling púri. At ang nagnákaw, ang naglubálob sa lusák sa púring iyón ay siyá rin, siya—si Kápitang Memò!

At lalong hindî pa rin naliling̃íd sa kanyáng guniguni ang kináng at dámi ng̃ pilak na sa bahay ding iyon ay kanyáng nalíkom. Ang pílak na itó ay umabót sa halagáng -P-10,000—salapîng pinagkayariang hatiin nilang dalawá ni Stag na lubhang malaki ang pagod na ginugol sa kapang̃ahasa’t katampalasánang iyon. Ang paghaháting ito, sapagka’t hindí maáring gawin noon din, ay ipinagpaliban sa umága ng̃ kinabukasan at sa bahay ni Kápitang Memò sa Tarlák.

Dapwa’t ang paghahatì ay di natupad: noon ding gabing iyon, ang makisig at túsong kápitan ay nakalipád sa ibang lupálop. Tagláy niya ang -P-10,000 piso at isang sariwàng katawán. [38]Sa minsang sabi, si Stag ay nàlinlang niya, ni Kápitang Memò!....

Ang Kápitan ay papanáog na sána at ang tangka’y umuwî noón din upang siya’y makapagtágò sa pinang̃ing̃ilágan.

Dapwa’t, ¡hulí na! Hindi pa man lang nakatátalikod ay hinaló na siya nang sunódsunód ng̃ dati niyang kasákasama.

Kun sa pagbatì sa Kápitan ang bibig ni Stag ay nakang̃itî ang kaluluwá naman niya’y nagng̃ing̃itng̃it sa pagsigáw ng̃: “Háyop, di ka na muling makawawalâ sa akin!”

Ang kaawà-awàng presidente ay hindî na nakatulóy ng̃ pagpanáog. Anó ang dápat niyáng gawin ng̃ayón? Wala, kundî ang maglakás loob. Hinaráp ang kanyang dáting kaibígan at bumigkás ng̃ ganitóng mg̃a pang̃ung̃úsap:

“¡Oh, si Mr. Stag! Kayo palâ! Hindi ko kayó nákilala! Ipagpatáwad ninyo! Saán kayó gáling? Ang akalá ko’y umuwî na kayó sa Amérika. Ng̃uni’t magtulóy, magtulóy kayó!”

Binuksán ang pintô ng̃ tanggapan ng̃ presidente at silang dalawá ay nagsipások.

Maláwig ang kaniláng salitàan. Tuwâng tuwâ, si Stag nang maaláman na itong kaibígan niyá ay “umasénso” na palâ. At laló pa mandíng nag-ibáyo ang kanyáng pagkatuwâ nang maalámang ang batà niya’y siya palâng huhukóm [39]sa usapín niláng dalawá ni Julio. Si Kápitang Memò namán ay punông punô ng̃ salitáng “patáwad!” Bawa’t pang̃ung̃úsap niyá ay may kalákip na isang “patáwad!” Walang magasláw na salitâ si Stag na di niya tinugón ng̃ isang malambíng na “patáwad!”...

Natápos ang kaniláng lihim na pagpapanáyam pagkaráan ng̃ isang óras at kalahatì.

Binuksán ng̃ presidente ang pintò ng̃ kanyáng opisina at sinigawán ang sargento ng̃ mg̃a pulís. Ang tináwag ay hálos mag-kandarapà sa pagmamadalî nang pagharáp sa kanyang pinunò.

“Papasukin dito iyang mg̃a táong may ihaharáp na sakdál”, ang utos ng̃ presidente.

“Opó, señor!”—ang tugón naman ng̃ sargento. [40]

[Nilálamán]

VI

¡Talagáng Palalò!

Iká isáng óras ng̃ hápon nang máharap sa presidente siná Julio at gayón ma’y malaon pa ring sila’y naghintáy na hindî man lang kinikibô. Sinamantala ni Gerardo ang panahón; pinagaralan sandalî ang nalalaráwan sa mg̃a mukhâ ni Kápitang Memò at ng̃ kanyang katóto. May isa siyang hinalà, na ibig maláman kung túnay ó hindî. Tiningnáng una ang amerikano. Ibáng ibá ito ng̃ayón: walâ na ng̃ayón ang úlong kanína’y nakayukô; walâ na rin ang mg̃a lábing kanína’y nang̃ang̃atál; walâ na ng̃ayón ang mg̃a matáng duwág na kanina’y dî makalában sa kanyá ng̃ títig. Ibáng ibá ng̃â ng̃ayón si Stag; mistúlang harì na namán na íbig magpasukò sa lahát, pati sa Diyos! Ang báwa’t títig niyá kay Kápitang Memò, wari’y naghahatíd ng̃ mg̃a ganitóng salitâ: “Ako ang pang̃inóon mo ng̃ayón. Ó ako’y ililigtás mo sa usapíng itó, ó ang úlo mo’y aking paliliparín! Mamilì ka!”

Sa bawa’t títig ni Stag na may ganitóng kahulugán ang kápitan ay may isang magiliw na tugón: [41]

“Huwág kang magalaála katóto... Madalî ang pagliligtás sa iyó.”

May katwíran si Kápitang Memò sa kanyang sinabi: ililigtás niyá si Stag at ang paráan na kanyáng gagamítin ay madalîng madalì. ¡Dadaánin sa bagsik, sa dahás, sa sigáw! Aling kaluluwá sa boóng báyang iyón ang di mang̃ing̃iníg sa isa niyáng dárag, sa isa niyang pandidílat?...

Síno doón ang di niya mapaaáyon sa kanyáng maibígan? Walâ! Síno ang mang̃ang̃ahás na makipagsagútan ó makipagtálo sa kanyá? Walâ! Síno ang humaráp sa kanyá na di niya napayukô? Walâ!

Ng̃unì’t ... si Gerardo? Si Gerardo! Pshé! Síno iyán? Isang nagtatapáng-tapáng̃an; isang palalò, hambóg, walâng gálang! Iyan ang hang̃ál na láging lumilibák sa kanyang pagkapinúnò. Iyan ang nagdudunúng-dunúng̃an na tumatáwa sa palákad ng̃ kanyáng pamahalàan. Iyan ang ulól na maláon nang iniíbig niyáng másukol sa isang súlok úpang ... máalis ang pagka-ulól!

Salámat, at ng̃ayo’y násukol na niyá!

Ng̃ayón niyá malalasáp ang tamís ng̃ pakikipagtálo sa isang Kápitang Memò.

Ng̃ayon silá magkakaalám at ng̃ayón magbabáyad ng̃ mg̃a útang ang hambóg na iyan!

Pinanglísik ng̃ Kápitan ang kanyang mg̃a [42]matá, kinunót na mabuti ang nóo at saka minasdan ang binatà......

Talagáng walâng hiyâ, talagáng hambóg, talagáng palalò!

Diyata’t ang títig niyáng iyón ay dî man lang iginalang, hindi man lang ininó? Diyáta’t hindî man lang kumisáp, diyata’t ang ulo’y hindî inayukô? Ano’t ang anyô ng̃ “ulol” na itó ay animo’y nanghahamón, animo’y nagtatawá, nang̃ung̃utyâ? Bakit at ang mg̃a kamáy ay hindî nakahalukipkíp, bakit hindi namumutlâ, bakit hindi nang̃ing̃iníg gayóng nasa haráp niyá—niyá, ni Kápitang Memò?...

Nang mamalas ito ng̃ mabalasik na pinunò, ang di masáyod na pagkapóot niya sa dati nang kinapopoótang binatà, ay lalong nagíbayo, lalo siyang ininís.

Sa wakas, ay hindi na nakapagpigil, hindi na nakapagbatá: inalabás na ang pagka-Kápitang Memò! [43]

[Nilálamán]

VII

Halagá ng̃ Búhay

Pagkatápos na masípang makaitló ang inupáng silla, ang presidente ay hinaráp si Gerardo at nang̃ing̃iníg na tumanóng:

—“Ikaw! anó ang daládalá mong iyán?”

Lumápit ang binatà sa mesa ng̃ hukóm, inilapág doón ang rebolber ni Stag, at saka sumagót:

—“Iyan po, G. Presidente, ay....”

—“Sssttt!!” ... ang putol ni Kápitang Memò; “Ang rebólber na iyán ay akíng kilalá, kilalá ko! Alam ko na ang may arì diyan ay hindi ikáw. Bakit at ng̃ayo’y nasasa iyó? Bakit ayaw mong ibigay sa may arì? Ha? Bakit ka nakikialám sa arì ng̃ may arì? Ha? Bakit at kabatang-batà mo pa ay lubhâ kang mapanghimások? Vamos á ver!...

—“Ginóo!” ... ang hadlang ni Gerardo.

Ang Kápitan ay dî napigil:

—“O ng̃ayón di’y isasaulì mo iyán sa tunay na may arì, ó papások ka sa bilangúan! Mamilì ka!...

Isang madiîng suntók sa mesa ang isinunod sa “bilangúan.”

—“Magdahandahan, po tayo...!

—“Anóng dáhandáhan!” [44]

—“Napakabilís pò kayóng humátol, G. Presidente. Ang útos mo pò”...

“Ha?” ang pakli ng̃ pinunò. “Ang aking útos? Ay anó ang aking útos? Ang útos ko ay tumpák, nasasálig sa matwíd! At anó? Hindi ba matwíd ang ipasaulì ang arì ng̃ may arì? Kun ayaw kang sumunód, kun ikaw ay magmamatigás, kun di mo isasaulì ang rebolber na iyán, ng̃ayon di’y papások ka sa...”

“Kahi’t pô saán ako’y handáng pumások,” ang matigás na sagót ni Gerardo; ibig ko po lang dinggín ninyó ako sandalî kung mangyayari. Tingnán ninyo: ako’y inyong pinipílit na isaulì ko ang rebolber na itó sa amerikanong iyán. Wika ko po sa inyo’y waláng kailang̃ang ako’y inyóng pilítin, walang kailáng̃ang ako’y inyó pang baláan at lálong waláng kailang̃ang kayo’y magpadiníg ng̃ mg̃a ganganyáng pang̃ung̃úsap at magpakíta ng̃ mg̃a ganganyáng kílos na mulâ ng̃ likhâin ang hukúman ay di nakikíta sa alin mang hukóm na may iwing dang̃ál. Ang lahát ng̃ iyán ay hindî kailang̃an, ang sábi ko, sapagka’t tantuín mo pô, G. Presidente, na ang isá sa mg̃a dáhil ng̃ áking ikináparito, ang isá sa mg̃a dáhil kung kayâ ko napagtiisán ang hálos kalaháting áraw na pagiintáy sa inyóng kamahálan, ay upang áking maibigáy kaagád sa ilálim ng̃ kapangyaríhan [45]ng̃ hukúman ang sandatang itó na tinikis kong kúnin sa nagmamayarì. At ang dahil po kung kayâ ko tinikís ito ay sapagká’t sa pamamagítan ng̃ sandátang iyán, ay muntí na niyang baságin ang ulo nitong aking kasáma, at kung nagkataon ay munti na niyang alisan ako ng̃ búhay. Naito pô ang aking sugat na hangga ng̃ayo’y dumudugo pa”....

—“Sugat!” ang hadláng ng̃ hukóm na may kahálong ing̃os; “At anó ang mapatutunáyan ng̃ sugat na iyán? Kung kayâ ka sinugátan ng̃ iyong kalában ay sapagka’t hinátaw mo siyá sa ulo!”

—“Kung kayá ko pô siya ginanón ay sapagka’t lumábag siya sa átas ng̃ matwíd, yumúrak siya sa kadakilàan ng̃ tahánan at tinaksíl doón ang isa niyang kapwà dáhil na dáhil lang sa di pagpáyag nitó sa hidwâ niyáng nais!”...

—“At ikáw ba ang tinaksíl, ikaw ba ang tinampalásan?” ang tanóng ng̃ nandidilat na Kápitan.

—“Hindî pô ako, ng̃uni’t.....

—“Ikáw ba’y kamag-anak noón?

—“Hindî pô, datapwa’t.....

—“Ah! gayón pala, ay ano’t ikáw ay nanghimások sa kanilá? Sino ka bagá rito sa báyan?

Hinagísan ni Kápitang Memò ang kaibigan niyáng noo’y walang kakibô-kibô, ng̃ isang [46]ting̃in na wari’y nagsasábing: “Ligtás ka ná!” Paniwalàng paniwalà siyá na ang mg̃a hulí niyang salitâ ay yuyukûang pílit ng̃ binatàng katálo. Anó pa ang ikakatwiran ng̃ binatíllong uhúging iyón?

Nabigô ang pag-ása ni Kapitang Memò. Ang nóong iniintay na iyukô, ay lálong ipanagtáasan.

—“Itinanóng mo pò,” ang marahang sapól ni Gerardo, “kung ako’y síno sa báyang itó. Hindî ko na pô sána kailáng̃ang sagutin iyán sapagka’t lábis na ninyóng talós. Gayon man ay pagbibigyan loob ko rin kayo. Akó pô, G. Presidente, ay isang hámak na mámamayán, isang may mababàng urì, isang musmós. Datapwa po’t sa gitnâ ng̃ aking pagkamababà, sa gitnâ ng̃ aking kamusmusán, ay may isá akóng kayamánang nakikilála at maipagmamalakí—ang mg̃a gintóng karapatán, ang mg̃a katutubòng kapangyarihan ng̃ báwa’t táong malayà.

“Karapatán pô at kapangyaríhan ng̃ isáng táo na ipagtanggól ang saríling búhay; kapangyaríhan din niyá ang itagúyod ang búhay ng̃ ibá, ng̃ isang inaapí at tinatampalásan.

“Naitó pô ang dáhil kung bákit akó, akó na isang hámak, ako na isang mababà, akó na isang musmos, ay nanghimások na mamagitnâ sa amerikánong iyán at dito sa [47]áking kasama nang sila’y nagaáway; at náriyan din pô ang dáhil kung bákit di akó nagalinláng̃ang hatawin noóng sandalíng iyón iyáng inyóng katabí, na, kagáya ng̃ lahat ng̃ mg̃a duwág, ay sinamantalá ang isang pagkakaling̃at ng̃ kanyáng kalában upang ito’y lubós na mapipílan at nang sa gayo’y sumakanyá ang pagwawagí.”

Si Kápitang Memò ay tumung̃ó, nagsalikód-kamay at lumakad ng̃ paroo’t parito.

Nagpatuloy ang binatà:

“Hindî ko ng̃a pô lang ináring karapatán at kapangyaríhan ang manghimások at ipagtanggól ang áking kakilála sa mapang̃ánib niyang kalagáyang yaón, kundî ibinílang ko pang isáng katungkúlan rin sa áking lagáy na pagkatáong-báyan. Iyáng inyóng mg̃a pulís na nang̃aroón, iyán pông mg̃a káwal ninyó na siyáng lálong may tungkúling tumupád sa áking tinungkól, ang mg̃a iyán na sakdál ng̃ tatápang sa pagdárag sa kapwà niláng tagálog at pagdahás sa mg̃a mahihinà, ng̃ mákitang amerikanong malaki palá at hindî tagálog na maliit ang nanampalásan,—ang mg̃a iyan ay páwang nang̃agsitanggíng sumugpô sa gayóng katampalasánan, pawang nang̃agsiúrong na animo’y hinágad ng̃ libolibong kulóg. At ang iminatwíd ay sapagka’t may sandáta raw ang sinapantáhang Anti Kristo, ng̃uni’t silá ay walâ!” [48]

Biglâng tumígil ang pinunò sa kanyang inalakad-lákad; hinaráp si Gerardo at di magkantutúto sa pagsigaw ng̃:

—“Pu—pu—pués, may katwíran silá! May katwiran siláng maging̃at; at, at, at, ¿kung sila ng̃a nama’y barilin? Hindi ba’t ikaw rin ang may sabing karapatan ng̃ isang tao ang itaguyod ang saríling búhay?”

—“Tunay ng̃a pô, dapwa’t ang taal na púsong laláki—ang púsong tinatangkílik ng̃ karang̃álan—ang púsong nananálig at umiirog sa matwid—ang púsong napopoót sa mg̃a hidwâng ásal, ay huling nagaala-ala sa kaniyang sarili, nililimot ang halagá ng̃ saríling buhay at iniíbig pang ito’y maparoól maipagtanggól lámang ang katwíran ng̃ isang kapwàng nilulúpig!”

—“Ha?”—ang pútol ni Kápitang Memò,—“di yata’t pipilítin mo siláng magpakamatáy, mailigtás lang ang búhay ng̃ iba?”

—“Ang lahat pô, G. Presidente, ay dapat pang̃ahasán kapag kailáng̃an.”

—“Kaululán!” ang sigáw ng̃ pinunò na muling tumung̃ó, nagsalikod kamay at nagyao’t dito—“Ang mg̃a ulol na nagsasawa sa búhay ang tang̃i lang makasusunód sa mg̃a áral na iyán! Ang mg̃a pulís ko ay hindi mg̃a ulól! Kung kayâ sila nang̃agsiúrong na gaya ng̃ sabi mo ay hindî sapagka’t sila’y mg̃a duwag, kundi [49]sapagka’t sila’y nátutong gumamit ng̃ ulo, natutong gumamit ng̃ sentido común. Alám nilá ang halagá ng̃ búhay; silá ay mg̃a padres de familia; may mg̃a anak, asáwa, magulang na sa kaniláng-kanilá lang umaása; bakin kayâ at hihinting sila’y magpatiwakál?”— at dito’y hinaráp na naman ang binatà.—“Bakit sasawiín ang búhay nilá sa walang katuturán? At ang kaniláng mg̃a magulang, mg̃a asawa, mg̃a anák? Mapapantayán mo ba ang luhà at dalitàng sasapítin ng̃ mg̃a ulílang iyán?”

—“Kung sakálì man pò, G. Presidente,”—ang banayad na sagót ni Gerardo—“sakáli man pò at sinápit silá ng̃ pagkasawî, ang mg̃a kamag-ának niláng maiíwan ay hindi dapat manghináyang ni dí dapat ipaghinagpís ang kaniláng kamatáyan, sapagka’t kagáya ng̃ mg̃a tunay na laláki, sila’y nagpakamatáy sa pagtupád ng̃ katungkúlan! Nábaon man ang mg̃a katawán nilá sa ilalim ng̃ lupà, ang kaniláng alaála ang kaniláng mg̃a ng̃álan, ang kaniláng kabayaníhan ay makikintál sa diwa’t pusò ng̃ kaniláng lahî upang kailan ma’y manariwà doón. Ang mg̃a anák nila, ang kaniláng kaapú-apúhan, at lahát káming mg̃a bagong síbol ay láging aawítin ang kadakilaan ng̃ kaniláng gawâ, pipintuhúin námin at igagálang ang kaniláng alaála, at sisikapíng tuláran ang inihasík niláng [50]halimbawà. Ang Ináng Báyan, ang pinakaiírog na Ináng Báyan ay yayakápin ang kaniláng mg̃a bangkáy, hahandugán silá ng̃ matatamís niyáng halík, at pagkatápos na maisúlat ang sagísag na “Mártyr” sa kaniláng mg̃a nóo, ay ituturò silá sa boóng Sangsinúkob, kasabáy ang sábing:—‘Ang mg̃a anák ko ay mg̃a bayáni ng̃ Matwíd!’—May kamatáyan pô bang diya’y dadakilà pa?”

—“Pshé!”—ang íng̃os ng̃ presidente;—“que bayani ni que buláti ... que bayani ng̃ matwíd!—Bayani ng̃ kaululán!” At pagkatápos na makámut ang úlo ay nagpatúloy:—Ng̃uni’t... pero ikáw ba namán ay walà nang kaísip-ísip, at di mo makúrong ang pinagsasabí mong iyán ay pulós na kahibang̃án? Síno bagá ang iyóng mapaniniwalá na... Jesús Maria y José!—ako lang ay pinagtatawá mo! Diyáta’t ako’y magpapakamatáy mailigtás ko lang ang isa kong alílà, ang isang íta, ang isang insík? Diyata?

“Laking kabulastugán!... Ha, ha, ha!”...

—“Ang isá pong magliligtas”—ani Gerardo—“ay hindî sinisíno ang sinasaklolóhang napapang̃ánib hindi inuúsisà kung ang ililigtás niya ay kamag-anak, kaúrì ó hindî, hindî siya tumiting̃ín sa kúlay ng̃ balát; ang kinukurò niyá ay kung nararapat na iligtás ang napapang̃ánib: alalaóng bagá’y kung ito’y kinakandilì ng̃ katwíran”. [51]

Mulíng napahalakhák si Kápitang Memò; ang pagkapoòt niya kay Gerardo at pagkatigagál sa mg̃a pinagsasabí nito ay nagtatálo sa kanyáng loób.—Iilíng-iling na sumagót:

—“Mg̃a halíng na pag-iisip! mg̃a halíng!... Palibhása’t ikaw’y bátà pa, ay hindî mo kinukurò ang iyong pinagsasabí.”

Napang̃itî si Gerardo; muntî na siyáng mapa-Ehem!

—“Pero... Ibig mo bagáng ipakíta ko sa iyó ang kaululán ng̃ iyóng teoria?—ang dagdág ng̃ Kápitan na ng̃ayo’y nagbóses-parè.

—“Ipagkákapuri ko pô, kung inyóng mamarapátin.”

—“Bueno!”.....

Si Kápitang Memò ay nagsindí muna ng̃ isáng tabáko, bago nagpatúloy:

—“Makiníg ka:

“Sa kaníno mang táong may gadáling noó ang sariling búhay ay siyáng lálong pinakámahalagá, siyáng pinakamámahal niyá higit sa alín mang bágay at sa kaníno man.

“Ito’y isang katotohánang di mo mapupuwíng sa áking haráp; ako’y matandâ na,... at kilalá ko ang lákad ng̃ mundó.

“At sa katunayan ng̃ aking sinábi ay náriyán ang líbolibong táong napa-aalípin úpang magkaróon lang ng̃ maipagtatawíd buhay; nariyán [52]ang dáan-dáang babáe sa Maynilà na ipinag-bíbili sa bálana ang kaniláng mg̃a katawán at púri úpang magkaroón lang ng̃ maikabubúhay! Nariyán ang mg̃a táong taga-labás na nanghahárang at pumapatáy ng̃ kapwà úpang magkaróon lang ng̃ ikabubúhay! Ano pa’t lahát ay ginagawâ upang mabúhay lang! Samakatwíd, lahát ay búhay at búhay ang hánap!

“Ng̃ayon”—at dito’y ipinaglakásan ang salitâ—“Ng̃ayón, anó iyáng katunggakang ipinipílit mo na katungkúlan ng̃ isáng táo na sagipín ang napapang̃ánib kahi’t na masawî ang kanyáng búhay? Diyáta’t lahát na’y ginagawâ úpang lumawig lang ang búhay at saká ng̃ayo’y ipang̃ang̃alandákan mo na di kailang̃ang mamatáy mailigtás lang ang iba?

“Anó ang iyóng mapapalâ sa pagliligtás na iyán?—Aakyât ka ba ng̃ láng̃it?

“Oh, áking tinatawánan ang mg̃a isipáng iyán na walâng kaúlo-úlo!

“Isipin mo na lang ang nangyari sa iyo kanína. Magtandâ ka at madalâ ka na sa napalâ mong iyan sa panghihimások sa di mo dápat panghimasúkan. Mabúting mabúti na lang at sa bisig ka tinamâan ng̃ bála... at kung sa tiyán?.... maráhil kung nagkataón, ha! ha! ha! ay inaagunyás ka na ng̃ayón!”

Napang̃itî si Gerardo ng̃ isang malungkot na [53]ng̃itì. Pagkaráan ng̃ ilang sandalî ay banáyad na sumagót:

“Kung akó man pô ay nagkaduróg-duróg, ang gayón ay waláng kailáng̃an sa ákin! Hihimláy ako sa libíng̃an ng̃ walâng pagsisísi, kakaulayáwin ko roón ang tang̃i kong Ligáya—ang ligáyang pílit na sasaákin sapagka’t ako’y namatáy sa pagtupád ng̃ aking katungkúlan, sapagka’t ako’y namatáy sa pagpupunyagîng igálang ang watáwat ng̃ wagás at katutúbong Matwíd! Sa gayón ay di na akó masisísi ng̃ áking Bayan!”...

—“Puff! Mg̃a pang̃árap!” ang sabád ni Kápitang Memò, at muling kinamot ang kanyáng tuktók—“mg̃a malíng pang̃arap! Oh! hanggáng saán nakikilálang ikáw ay bátà pa ng̃a lang! Hanggáng saán mo ipinakikíta na walâ kang kamuwâng muwâng sa pamumúhay!... Anó iyáng ligáyang sinasábi mo? Búng̃a ng̃ kahibang̃án! Ibig mo bang iturò ko sa iyó ang túnay na ligáya—ang ligáyang dápat mong sikápin?”

Itinaás ng̃ nang̃ang̃áral ang kaliwâ niyang kamay, pinag-abót ang mg̃a dúlo ng̃ hintuturô at ng̃ hinlalakí, at saka nagpatúloy:

“Ang salapî!! Ang salapî! Kapag ang tao ay mayroong salapi, sa kanya ay walang hindi maaarì!

“Sa pamamagítan niyán, at niyán lang, makakaránas [54]ka ng̃ tunay na ligáya; iyán lang ang makapagbibigáy sa iyó ng̃ kariwasáan sa pamumúhay... Kaya ng̃â, wika ko sa iyo, ay huwág mong sayáng̃in ang iyóng búhay sa mg̃a hibáng na pang̃árap. Samantalahín mo ang panahóng itinadhanà ng̃ Diyós para sa iyó dito sa mundó. Hábang ikáw ay nabubúhay, pues mágpasasà ka sa tamís ng̃ búhay. Iyáng biyayáng sinasábi mo na dadatíng sa iyo pag ikaw ay nalilibíng na, ay hindi mo maaasáhan... Mabúti na lang kung ikáw ay papasukín sa pintô ng̃ láng̃it, at kung hindi?, at kung doon sa isang pintô ka mapasuot?... Ha! ha! ha!

—“Hindi pô ako dapat magtakhá, G. Presidente”—ang saló ng̃ binata—“hindi pô ako dapat magtakhá sa mg̃a sinasabi ninyo. Ang mg̃a ganyáng paghahakáng bulok ay palásak na palásak pa ng̃â dito sa atin.

“Pára sa mg̃a gaya ninyó, ang búhay ng̃ táo ay dápat gúgulin sa loób ng̃ isáng palasyong gintô, sa láot ng̃ kariwasáan at lubós na ginháwa.

“Pára sa inyó, ang láyong dápat sikápin ng̃ lahát ay ang makapagtayô ng̃ mg̃a kamálig ng̃ salapî.

“Ang salapî, sa mg̃a gáya ninyó, ay katumbás ng̃ láhat; salapî ang una, at salapî ang katapustapúsan; kung walâng salapî ay walâng ligáya.

“Pára sa inyó, ang táo ay dapat tumalíkod sa láhat, dápat isatábi ang mg̃a katungkúlan, [55]isalímot ang pag-íbig sa báyan, láhì, matwíd, at karang̃álan, kung ito ay kakailang̃ánin upang lumági sa pagkamasalapî”.

—“Talaga!”—ang sabád ni Kápitang Memò.

—“Ako pô”—ang patuloy ni Gerardo—“ay may ibang paghahakà ukol sa halagá ng̃ buhay—paghahakang di ko ikamamanghâ kung sakali ma’t inyong tawanan. Sa akin pô, ang buhay na araw at gabi ay ibinababad sa pulot ng̃ kaginhawahan—ang buhay na walang pinipintuhò kundi ang Diyos Salapî—ang buhay na walang hanap kundî ang kagaling̃an ng̃ sarili, ay isang buhay na mababà, walang halagá, karumaldumal!”....

Tumalikod ang presidente sa binatà at animo’y di nadidinig ang sinasabi nito. Si Gerardo ay nagpatuloy:

“Ang buhay pô kung ibig magkahalagá, ay kailang̃ang ilaan at gugulin sa isang adhikang mataas, sa isang láyong marang̃al... Ang yaman na kinahahaling̃án ng̃ boóng Sangdaigdig hálos ay hindî makapagpapadakilà sa búhay ng̃ táo: maaari siyáng magpaginháwa, magdulot ng̃ kasaganâan sa lahat ng̃ bágay; dápwa’t hindî kasaganâan, hindì kaginhawahan ang naghahatíd sa táo sa pagkadakilà.

“Ang karunúng̃an man, líban na lang kung siya’y ginugúgol sa ikagagalíng ng̃ báyan, lahì, [56]Sangsinúkob, ay dì ko rin masasábing sapát na makapagpadakilà sa búhay.....

“Ang táo pô, G. Presidente, ay kailáng̃ang gumawâ pára sa lahát; kailang̃ang magbatá ng̃ susón-susóng pagtitiis, dúsa, pighatî, para sa lahát; kailang̃ang sumagupà sa libo-líbo mang kamatáyan pára sa lahat; kailáng̃ang siyá’y maging isáng taga-hasík ng̃ kalayàan, taga-tagúyod sa dang̃ál ng̃ tinubúang lupà, taga-kandilì sa púri ng̃ matwíd na malímit lupígin.......

“Kapág ang isáng táo ay nakasunód sa mg̃a ganyáng katungkúlan, mayáman man ó mahírap, marúnong man ó hindî, siyá ay may karapatán nang ipagmalakí ang saríling búhay, at humimláy sa píling ng̃ mg̃a lálong dakilàng kalulwá sa boong Sangsinúkob!”

Hindi na nakasagót si Kápitang Memò noong sandaling iyón ay siyáng pagpasok ng̃ tunay na hukóm ng̃ bayán.

Ito ang sa wakás ay sumurì sa naaantalang usapín at pagkatapos na mádinig ang mg̃a pang̃ang̃atwíran ng̃ báwa’t isa ay inilagdâ ang kanyáng maayos na hátol.

Si Stag ay nagkamít ng̃ mabigát na parúsa: multá at bilanggô.

Dapwa’t, anó pang parusa!

Maánong napanindig ang balahibo ni Stag! [57]

Papaanó’y mayroón siyang isang kristo-krístuhang inaasahan!

Si Kápitang Memò ang nanagót sa multá.

At sa bilanggô?

Aywan pa natin......

[Nilálamán]

VIII

Kilabútan kayóng Lahat!

Pagkaráan ng̃ dalawáng áraw, ang isang malagánap na páhayagáng pilipino ay kinábasáhan ng̃ mg̃a ganitóng balità:

“MGA PUNONG MAKIKISIG

“Isang amerikanong nagng̃ang̃álang John Stag na nabilanggô sa báyan ng̃ Libis, ay nakatákas noóng gabí ng̃ ika 7 ng̃ kasalukúyan. Hanggá ng̃ayon ay di pa naaaláman kung saan nagtatagò ang umalpás.

“Hindî lang itó ang nangyayári sa Libís. Ang báyang iyán ay isá pa mandin sa mg̃a matitíbay na kutà at matalinghágang púgad ng̃ Bisyo sa Pilipinas. Nagkakatusak doon ang nagkikisígang mg̃a sabung̃án. Sa báwa’t súlok, magíng áraw at magíng gabí, ay may mónte, túpada, hweteng at kung anóanó pang mg̃a laróng báwal. [58]

“Ang mainam nitó, ay kundî pa dumayo dóon ang mg̃a sekrétang-Maynilà, ang mg̃a iya’y di matututóp!

“At ang maginoong Presidente? at ang mg̃a pulés?

“Nang̃aghihilíkan bang lahat.”

Ang balítang tumutukoy sa pagtataanán ni Stag ay inámin ni Kápitang Memò; ng̃uni’t lubhâng malakí ang pagkapoót niyá sa tumutúkoy sa sugál at sábong. Ito’y kanyang tinutulang mahigpít kahimá’t di nalilihis sa katotohánan; datapwa’t tútol bibíg lamang naman, pagtutol na kung kayâ lang ganapin ay pag násasa haráp ng̃ matitinong tao...

Talagáng gayón si Kápitang Memò.

Kaaway kunwâ ng̃ bisyo, dapwa’t siya ang nagpalagò sa kanyang bayan ng̃ sugal at sabong—iyang mg̃a laróng walang tumatangkilik kundi ang lahat ng̃ mg̃a tamad, ang lahát nang ibig mabuhay nang nakang̃ang̃á, ang mg̃a nanghihináyang na gamítin ang útak, magpatulò ng̃ páwis at batákin ang butó, ang mg̃a ulól at mg̃a duwág na natatákot yumápak sa mg̃a baitang ng̃ hagdánang matarík na patúng̃o sa karang̃álan at katinuán ng̃ táo sa pamumúhay...

Ng̃uni’t hindî ang mahálay na pagkagúmong sa mg̃a hilig na iyang karápatdápat pakásumpâin, ang siyang tang̃ing maibabalità ng̃ mg̃a [59]páhayagan tungkól sa báyan ng̃ Libis. Mayroón pang ibá na lalong mahalagá.

Kung suriìng mabúti ang pamunúan ni Kápitang Memò, ay mapagkikítang ang mg̃a pang̃ákò nitó sa bayan, mg̃a pang̃ákong sagana sa háng̃in at pulótpukyutan, ay untiuntíng nang̃aunsiyámì. Ang mg̃a tungkúling mabibigát na ikinápit sa kanyá ng̃ kautusán ay maíng̃at na iniwásan hanggáng maaárì. Kung alin yaong kanyang napagtutubúan ng̃ walang págod, kung alin ang di nararápat gawín ay siyang pinag-ubusan ng̃ kaya.

Sa maiksing sábi, ang pamahaláang umiral ay isáng pamahaláang kailán ma’y hindî nakasunód sa tunay na niloloób ng̃ bayan, sa itinatadhanà ng̃ mg̃a utos-pamahaláang waláng nakapangyári kundi ang isáng Kápitang Memò.

Na ito’y di maaarì sapagka’t may Konsého Munisipal? Kabulaánan!

Túnay ng̃â na ang konsého, sa pagkakinatawán niya ng̃ bayan, ay di nararápat bumálak ó umáyon sa alin mang bálak na salung̃át sa ikagiginháwa ng̃ mg̃a mámamayán; na ang mg̃a konsehal ay kailáng̃ang magpakatalíno, mamuhúnan ng̃ sipag at pagiing̃at sa paglikhâ ng̃ mg̃a kautusán; na sila’y dápat gumálang, sumunód at ipagmalasákit ang mg̃a damdamin at náis ng̃ báyang sa kanila’y naghalál. [60]Tunay ang lahat ng̃ iyán dapwa’t sa kasaliwâang palad ay di siyáng nangyari. Sa loob ng̃ konsého sa Libis ay dádaladalawá ang mg̃a konsehal na natutong gumámit ng̃ talíno, dádaladalawá ang nagkaloób na tumútol, at kailan ma’y di napatang̃áy sa mg̃a lisya’t walang wastông panukala ni Kápitang Memò. Datapwa’t anó ang kaniláng magagawâ sa sila’y dádaladalawá? ¿Paánong magkakabisà ang matwíd niláng pagtútol sa haráp ng̃ ánim na kalábang bing̃í sa sigáw ng̃ Katwíran? Anim na konsehal na sunudsunúran saan man batákin ni Kápitang Memò; ánim na konsehal na tuwíng magpupúlong ay harì ng̃ tamád sa pakikitunggalì sa mg̃a bagay na tumutúkoy sa báyan; anim na konsehal na kung kaya lamang gumising nang gisíng na gisíng ay kung ang pag-uusápa’y ang pagpapahintúlot sa malayang pagsambá kay “San Sabong” at “San Sugal”, ng̃uni’t pag ibá nang bagay na may kahirápang suriin, ay daig pa ang ipinatdâ ang mg̃a dilà sa ng̃alang̃ála!

Iyán ang mg̃a táong may mg̃a matá ay di makakita, may mg̃a tayng̃a ay di makadiníg. Kapag hining̃án ng̃ pasiyá sa isang panukálang binálak ó inayunan ni Kápitang Memò, siláng lahat ay pawang mg̃a áyon; ng̃uni’t hindi silá sangáyon kapag nákitang iilíng-ilíng ang kanilang [61]pang̃inóon, ang kanilang Diyos! Maánong magisip-isip; maánong harapín at kilalanin ang Matwíd!... Oh, alíping asal na ulirán sa kahaláyan! Oh, mg̃a táong walâng sariling damdámin! Salámat at ang mg̃a konséhong gaya ng̃ inyóng kinaaníban ay iilán-ilán lamang. At kung hindi, anóng talas na sandátang makakalaság ng̃ mg̃a káaway ng̃ Pagsasarilíng pinakamimithî ng̃ Báyan!

Malinaw ng̃ang lumálabas na dahil sa pagkauring busábos ng̃ konsého ay patúloy pa rin si Kápitang Memò sa kanyáng ugáling paghahariharian; na dahil din diya’y ang bawa’t ibígin niyá, matwid ó baluktot, ay siyáng nangyári.

Dapwa’t salámat at sa mabúting kapaláran ay di na ang lahat doo’y natutúlog, gaya ng̃ panahóng nagdaan; hindi na ng̃ayón ang lahát ay kampon nila “Talagá ng̃ Diyos;” hindî na ng̃ayón pawang pipi ang madlâ.

Sa bayang iyon ay mayroón nang naglitaw na ilang káwal ng̃ Bágong Panahon. Si Gerardo ay isa sa kanila. Sa haráp nang gayong pagdáyà ng̃ isáng pinunò sa kanyang mg̃a nasasakóp, ay siya ang kaunáunáhang gumamit ng̃ karapatan; sa kanya unang nádinig ang makapangyaríhang sigáw ng̃ katwírang niyuyurákan. Si Gerardo ay di nagalinláng̃an munti man. Sa [62]isang malaking papúlong ng̃ kanyáng mg̃a kapanálig ay maáyos na tinuligsâ ang kabulukán ng̃ pamunúan. Bumanggit siyá ng̃ mg̃a nangyári, inihayág ang mg̃a tiwalîng gawâ ni Kapitang Memò, ang mg̃a palákad nito na pawàng salung̃át sa mg̃a kautusán. Ipinakilala niya sa madlâ ang túnay na Kápitang Memò, isinalaysáy ang boóng kabuháyan nito, na pinagarálang maíng̃at ni Gerardo mulâ sa punò hanggáng dulo. Inalaráwan niyá ang pagkawalâng-káya, ang pagkatamád, ang pagkawalâng-malasákit sa pinamumunúan, ang pagka-di-dapat na mamunò, ang pagkamagnanákaw, ang pagkamámamátay—anó pa’t sa minsáng sabi, ang boóng lihim at túnay na kataúhan ni Kápitang Memò, na, sapagka’t natutong magbalat kayô, ay nang̃ing̃ibabaw ng̃ayón sa kanilang lahát.

Upang mapatunáyan ang lahat ng̃ ito, si Gerardo ay nagharáp sa papúlong na iyón ng̃ maráming saksí. Natatang̃ì sa mg̃a itó ang isang babáeng may ápat na púng taón na maráhil. Dukhâng-dukhâ ang kanyang pananamit na bukód sa nanglilimahid na, ay punít punít pa. Sa haráp ng̃ mg̃a táong doo’y natitípon, ay isinalaysay ng̃ babáeng ito ang napakalungkót niyáng kabuháyan.

“Bihirà sa inyó”—anyá—“ang di nakakakilála [63]sa ákin. Dapwa’t lahát kayó ay pawàng di nakababatid sa napakaabáng pálad na ikinapadpád ko sa ganitóng kalagáyan.

“Akó’y inaanák sa isáng malayong bayan—doón sa gitnâ ng̃ lalawígang Tarlák. Ang áking mg̃a magúlang ay mg̃a táong payapa’t mararang̃ál.

“Mayayáman silá, dapwa’t noong nang̃abubúhay, ay mg̃a kaibigang tapát ng̃ báyang maralitâ.

“Walâ pa akóng sampúng taón nang ako’y maulila sa iná. Palibhasa’t nang̃amatáy ang lahat ng̃ áking kapatíd, nagtamasá ako ng̃ boong láyaw at kasaganáan sa piling ni amá.

“Hindî namán ako páng̃it noóng mg̃a áraw na iyón, kayá’t sabihin pa ba, hindì kakauntî ang mg̃a binátang nagnasang maglingkód sa ákin.

“Dumatíng ang sandalî na ako’y natútong umíbig.

“Dapwa’t ¡ay! Pagkatápos na áking maihandóg ang iisa kong pag-irog sa náhirang ni Bathalang pang̃inoónin niyaring pusò, pagkatápos na áking maasámasám ang ligáyang pílit kong lalasapín sa kanyáng kandúng̃an, ay saka ako sinikíl ng̃ pagkálupítlupít kong kapaláran!.....

“Isáng háting gabí, noong panahón ng̃ paghihimagsik, ako ay nágulangtáng sa áking [64]pagtúlog. Sa mg̃a únang sandalî, áking hininalang yaon marahil ay bang̃úng̃ot lang. Ng̃uni’t ¡sa aba ko! Nang mamúlat ang aking mg̃a matá, nang luminaw ang aking pag-iisip, ay napagmalas kong yao’y di pala bang̃úng̃ot kundî isang túnay na kataksilán!... Isang lílo, isang tampalásan, isang púsong háyop, ang noo’y pumipígil sa sawîng pálad kong katawan sa pagkagupíling! Ako’y mahinà at siyá ay malakás! Tinawágan ko ang Diyos; dapwá’t ang Diyós na iyón ay di ako dininig! Ang Diyos na iyón ay di tumúlong! Ako’y nasawî! ¡Nadung̃isan ang áking puri! Ang háyop ay nagtagumpáy!......

“Nagbang̃on akó at hinánap ang aking magulang. Pinások ko ang kanyáng silíd. Dapwa’t ¡oh! ¡Mahabagíng Lang̃it! Ang áking pinakaiirog na amá, ang pinagkakuutáng̃an ko niríng buhay, ang tang̃i kong kasákasáma araw at gabí, ay naroon sa kanyáng hígaan, nakababád sa dugô, putól ang úlo!

“Ako’y nálugmok at nawalán ng̃ diwà.

“Nang másaulì ang aking pagkatáo, ako’y nasa saloob ng̃ ibáng bahay.

“Yaon ang tahanan ng̃ tampalasang sumukáb sa aming mag-amá. Ibig kong tumákas, dapwa’t ako’y nakúkulong. Ibig kong magpatiwakál dapwa’t may nakabantay sa akin áraw at gabi. Anó ang minarapat kong gawín?... Ang Diyós [65]ay di ko na tinawágan! Hindî ko na siya hining̃án ng̃ abuloy!... Ako’y nádalâ na!... Walâ akong túlong na inaasáhan noón kundî ang kabayanihan ng̃ kasumpàan ko sa pag-irog. Dapwa’t ¡ay! si Fidél na aking minahál higit sa buhay, ay hindi ko na nákita hanggáng sa sandalíng ito! Siyá man yata’y tinikís na ang magwaláng bahalà sa aking pagtáng̃is! Siyá man yata’y nawalán din ng̃ habág sa mapait na pagdadalamhatì niyaring kálulwa!...

“Sa haráp ng̃ mg̃a ganitóng kalagáyan anó pa ang sa áki’y nalalabing gawin? Walâ nang iba kundî ang makibágay sa áking pálad. Yaring pusò ay dahandáhang tumigás, untîuntîng nasabík sa kaputíkan, untîuntîng natútong umíbig sa isáng lilo, sa pumatáy sa ákin ding amá!

“Malaon din na kami’y nagsáma ng̃ tampalásan.

“Datapwa’t pagkatápos na masalantâ niya ang áking katawán, pagkatápos na mabusog sa akin ang kanyáng kahayúpan, pagkatápos na makapagpasasà sa aking lamán, ang ganid na iyon ay di na nakitung̃o sa akin; ginútom na ako, ipinagbilí ang mahuhúsay kong damit, binawì ang mg̃a aláhas na bigay niyá sa akin, at di nagkásiya sa ganitó, akó’y ipinagtulákan sa kusinà ng̃ báhay upang doon gumawâ, doon kumain, at matúlog sa ibabaw ng̃ mg̃a panggátong [66]na kahoy, kahalubilo ng̃ mg̃a pusa’t áso! Sa minsán sabi, ginawâ akong isang alípin, isang busabos!

“Ganitó ang áking lagáy ng̃ kami ay málipat sa báyang ito.

“Pagdatíng na pagdatíng namin, ako’y sinumbatán ng̃ tampalásan kong pang̃inóon. Ipapapatáy daw niyá ako kapag di ko ining̃átan ang líhim ng̃ pagkasawî naming mag-amá.

“Sapagka’t púsong-babáe, ako’y malaong nadalá ng̃ tákot at kahinàan: ining̃átan ko ng̃â ang lihim.

“Dapwa’t ng̃ayón, ng̃ayón ay sumápit na ang sandalî na sa láot ng̃ aking pagkaabâ ay di na akó napang̃ing̃ilábot ng̃ kamatáyan; ang kahináan ay walâ na sa ákin!... Tuparín kung ibig ng̃ pang̃inóon ko ang kanyang sumbát!... Ang kanyáng líhim ay nasisiwalat na!...

“Ng̃uni’t, bágo ko wakasán ang áking salitâ, ay ipahintulot na aking maitanóng:

“Alám ba ninyó, mg̃a táong báyan, alam ba ninyó kung síno ang napakabúti kong pang̃inóong iyan, kung sino ang tumaksíl sa kaawà-awà kong magúlang, nagnákaw sa puri ko’t dang̃ál at nagbulíd sa akin sa bang̃ín ng̃ pagkabusábos?

“¡¡Kilabútan kayóng lahat, oh mg̃a taong walâng málay!!... [67]

“Siyá ay yaong sa inyó ng̃ayo’y namumunò ang pinagkatiwaláan ninyo ng̃ mg̃a kautusán, dang̃ál at kabuháyan ng̃ isang bayan!!...”

Ang mg̃a pinagtahî-tahî at pinagarálang kabulaánan, ay madalíng makikilala ng̃ isang maálam magmasíd. Ng̃uni’t sa kabuhayang isinalaysáy ng̃ babáeng iyón, ay walâng nakádama nang kahi’t gabáhid na kasinung̃aling̃an.

Bawa’t anyô ng̃ kanyáng mukhâ, bawa’t galáw ng̃ mg̃a matá, bawa’t salitâ ng̃ maáyos niyang salaysáy, ay isang taták ng̃ katotohánan, isang matibay na panghikayat sa lálong dì mapaniwalaing kálulwa.

Kaya’t napang̃ilabot ng̃â ng̃ babáeng iyón ang madlâng sa kanya’y nakikinig!...

Nang sa wakás ay imungkáhì ni Gerardo ang paghing̃i kay Kápitang Memò na magbitiw ng̃ tungkól, lahát ng̃ nang̃aróon ay kumatig sa kanya; lahat, hanggáng ang mg̃a dating kapanalig ni Kápitang Memò, ay naniwalang sila’y nálinlang. Gayón na lang ang kanilang pagsisísi! [68]

[Nilálamán]

IX

Kay Samâng Pagkakátaon!

Nang matápos ang papúlong, si Gerardo ay nilapítan ng̃ isang pulís.

—“Ipinatatáwag pô kayó ng̃ presidente”.

—“Saan siya nároon?”

—“Sa báhay-pamunúan pô”.

Noon di’y lumákad si Gerardo. Dinatnáng bukás ang tanggápan ni Kápitang Memò, kaya’t agád siyang pumások. Masiglang binati ang dinatnan:

—“Magandáng araw pô!”

Ang binatì ay walang itinugón kundî isang ting̃íng nagbabága sa poot.

—“Ginoó, ako ng̃a pô ba’y inyong ipinasusundô?”—ang pabulalás na tanong ng̃ binatà.

Bigláng nagtindíg ang mabang̃ís na Kápitan at nang másulyapan ang nakang̃ang̃áng pintô, ay nilapítan ito at inalápat sa pamamagitan ng̃ isang síkad. Kumalabóg ang pintô na ikinabuláhaw ng̃ boong báhay. Pagkatápos ay sinúgod si Gerardo at nagng̃ing̃itng̃it na tumanóng:

—“Anó ang sumúot sa walang hiyâ mong úlo at nakaisip kang gumawâ ng̃ ganitong kaululán?” [69]

—“Kaululán? Anó pong kaululán?... Aling gawâ ko ang inyóng tinutúkoy?”

Tumalikod si Kápitang Memò at pagkatápos na maibalabág sa sahíg ang tang̃ang aklát ay iing̃os-ing̃os na sumagot:

—“Pshe! Magmámaangmaáng̃an ka pa!”

—“Kápitang Memò,”—ang paklí ng binatà—“dí ko kayo maunawàan. Ang tinutúkoy ba ninyó ay ang pagmumungkáhi ko sa áking mg̃a kapanálig na kayo’y pagbitiwín ng̃ tungkól sapagka’t di kayó tumutupád sa mg̃a itinatadhanà ng̃ mg̃a kautusang isinumpâ ninyóng tutuparin? Kung iyán ang tinatáwag ninyóng kaululán, kayó po’y namamalî!”

—“At anó ang mayroon sa iyó kung di ko man tinútupad ang aking sumpâ? Sino ka bang makikialám sa akin? Bákit mo imumungkahing alisán ako ng̃ tungkól?”

—“Ah, sapagká’t kayó ay di nararápat mamunò!”—ang maliksíng tugón ng̃ binatà na ikinasúgod muli sa kanyá ni Kápitang Memò.

Ang dágok na iyón ay lubhâng malakás.

—“Nápakalabis kang totóo!”—ang ng̃itng̃it ng̃ nandididilát—“walâ ka nang kagálanggálang sa iyóng kaúsap! Nawalán ka na ba ng̃ pag-iisip at nalimutan mo na kung sino akó, akó na iyóng kaharáp?”

—“Hindî pô akó nakalilímot: kayó po’y [70]isang hámak na táong gaya ko rin, na sa kasamáang palad ng̃ bayang itó, ay náhalal na magpunò sa kanyá.”

—“Ah!” ang sambót ni Kápitang Memò—“kinikilála mo palá akóng pinunóng ínahalál, ay bákit at ganyán kung ikaw’y mang̃usap sa áking haráp? Bakit áyaw mo akóng igálang?”

—“Sapagka pô’t hindî kailáng̃an!”

—“Hindî kailáng̃an? Híndî kailáng̃ang igálang mo akó, akó na iyóng pinunò? Nauulól ka na ba?”

—“Námamali pô kayó”—ang tugon ni Gerardo—“ang isáng pinunò na dumadayà sa kanyáng bayan sa pamamagítan ng̃ mg̃a pang̃akong di tinutupad, nagaákay sa mg̃a nasasakop sa mahahálay na hílig at ásal—ang isáng pinunò na kinatátatakán sa nóo ng̃ taták ng̃ mg̃a magnanákaw at mamamátay ng̃ kapwà—ang pinúnong ganyán ay hindî dapat kaalang-alang̃ánan ng̃ mg̃a táong matitinô!”

—“Waláng hiyâ!!... At ang mg̃a bintáng bang iyán ang ipararátang mo sa ákin? At ang isáng musmós na gáya mo ang mang̃ang̃ahás?”

—“Oo pô, akó!”

—“Diyáta’t ikáw ang mang̃ang̃ahás? ikáw? ikáw? ikáw?”

Nilundág ni Kápitang Memò ang isáng talibóng na nakasabit sa dingdíng. [71]

Sa sumunód na sandalî, nang silá ay nagkakasunggában na, ay siyáng pagbuká ng̃ pintóng nakalapat. Sumung̃aw ang isang kalbóng tuktók, isang mukhâng nagkakangng̃ing̃iwì, at isáng tiyáng matabâ.

Si Kápitang Memò ay párang tinamáan ng̃ kulóg, kundî man parang isáng batà na nakakita ng̃ nunò....

Ng̃uni’t, sino ang nunòng ito?

¿Sino ang naghihintáy?... Siya ang mapaglagalág sa automobil, ang mapagamá-amáhan, ang kataástaásang punò sa Sangkapulúan, na kung bakit sa kanyáng pagdálaw kay Kápitang Memò, ay tinaón yátang talagá ang pangyayáring iyón!


Si Gerardo ay nasugátan na namán.

Si Kápitang Memò, ay animo’y kinakalambre. Papaáno ang pakikiharáp niyáng gagawin sa kanyáng punò? Kay lakí ng̃â namáng kahihíyan nitó!

Isáng mahigpít na paguúsig ng̃ Gobernador ang sumunód. Inahayág sa kanyá ni Gerardo ang hang̃ad ng̃ báyan na pinagkáisahán sa papúlong na idináos sa umága ng̃ araw na iyón.

Noón di’y nátiwalag sa katungkúlan si Kápitang [72]Memò. Walâng imík na tinanggáp niyá ang gayóng pagkápahámak sa matá ng̃ madlâ; dapwa’t oh! ang kanyáng póot!....

Siya’y umuwî na anaki’y isáng ulól. Ang kanyáng báhay, at báwa’t sang̃á, báwa’t dáhon, báwa’t bung̃a ng̃ kanyáng mg̃a haláman, wári baga’y ipinagsisigáwan sa kanyá ang mg̃a salitáng “MAGHIGANTI KA, O KUN HINDI, IKAW AY DUWAG!”.... [73]

[Nilálamán]

X

Si Elíng

Itó ang ng̃alan ng̃ dalágang anák ni Julio. Magíng sa gandá, at magíng sa katalinuhan man, si Elíng ay hindî maitatáng̃ing lubós sa mg̃a bulaklák ng̃ kanyáng bayán.

Ang hiwágà, ang líhim ng̃ kanyáng pagkamapanghalína ng̃—kanyáng makapangyaríhang pagkamapanghalína—ay di nátin masusumpung̃án sa dilág ng̃ mukhâ, ni sa ningníng ng̃ kanyáng útak, hindî.

Ang hiwagà at lihim na iyón, upáng mádamá, ay kailáng̃ang makipagkilála kay Elíng; kailáng̃ang kaulayáwin siyá nang maláon; kailáng̃ang táwagan ang kanyáng pusò; tarukín ang pagkamababà, ang pagkamasunúrin, ang pagkagintô ng̃ kanyáng loób; kailáng̃ang titígan ang mg̃a títig ni Elíng, ang mg̃a títig niyáng nagpapakilála sa isáng kalulwáng malambíng at mapang̃ambáhin, isáng kalulwáng masintáhin at mahabagín, isáng kalulwáng puspós ng̃ línis, ng̃ gandá at kahinhinán.

Náriyan ang líhim, ang hiwagàng bumibílot sa kataúhan ni Elíng. Náriyan ang talàng nákikintál sa maalindóg niyáng noó. Náriyan ang [74]kayamánang maipagmámalakí ng̃ kanyáng kadukhâan.

Si Elíng, mulâ sa pagkabatà, ay mahiligín sa pagaáral. Marúnong ng̃ kastilà, gayón din ng̃ ingglés. Isang taón na siyá’y nagtirá sa Colegio de Sta. Isabel, at dalawáng taón namán sa Dormitory School. Díto sa hulí, siya ay nag-áral ng̃ Nursing, ang mahúsay at tumpák na pagaalága sa may sakít. Panggagáling sa Dormitory, siya’y tumirá sa Hospital de San Pablo úpang isagawâ doon ang kanyáng napagarálan. May iláng buwan din ang kanyáng nagúgol sa pagsasánay na ito, sa píling ng̃ mg̃a amerikánang enfermera.

Ng̃uni’t hwág isiksík sa guniguní ng̃ bumabása ang hinalà, na, sapagka’t naturang taga dormitory, at sapagka’t maláong nákahalubílo ng̃ mg̃a amerikana, si Elíng marahil ay pinanáwan na ng̃ mg̃a katutúbong kílos, at mg̃a katutúbong ugalì sa pananamít at pakikipagkápwà.

Hindi gumawî nang ganyán ang binibining itó; hindî siya pumapára sa mg̃a nagsalasalambáy diyáng miss, na di na nang̃íming ipailalim ang pagka-pilipína sa kanilang pagaaméamerikanahan di lang sa gayák, di lang sa kilos, kundí ang lalong kasákitsákit at kahináhináyang ay patí ang budhi, ang kalulwa’t [75]mg̃a paghakaka ay pinipilit na igáya’t ipabusabos sa mg̃a dayuhang iyán.... na siyáng nagnákaw sa kalayáan ng̃ kaniláng báyan at untî-untîng humihigpít sa tanikaláng madalî ó malaon ay siyáng ikabubulusók ng̃ Kapilipinuhan sa bang̃ín ng̃ pagka-aba!...

Nasusuklám si Elíng sa mg̃a bágay na ito, kaya’t mahigpít na iniing̃átan ang pagka-pilipína. Tandâ ng̃ pag-iing̃at niyang iyan at paglayò niya sa mg̃a ugaling dáyo, ang kanyáng madalás na dî pagpanáog sa kaniláng tindáhan, kapag ang dumudulóg doon ay mg̃a amerikánong magagasláw. Ugali ito ni Elíng, hindî sapagka’t binubulag siya ng̃ “prejuicio de raza” (alalaong baga’y ang pagting̃in sa kúlay ng̃ balát at di sa kataúhan ng̃ isang táo,) kundî sapagka’t ang kanyáng kahinhinán ay hindî makababatáng malásin ang magagaspáng at mahahálay na kilos na karaniwáng gawiîn dito ng̃ di iilang amerikáno.

Si Elíng ng̃â ay hindî kapára ng̃ mg̃a ibang dalaginding diyán, na, pagkagát na nang dilím, ay nagpupuláhan ng̃ damít sa loob ng̃ kanikaniláng kantina, nagkakapálan ng̃ palábok sa mukhâ, nagdadamihan at nagpapalalúan ng̃ urì ng̃ mg̃a mister na sa kanila’y nakalilígid, na anáki’y mg̃a ásong kakáwkáw-káwkáw, aamóy amóy at didilà-dilà.... [76]

Si Elíng ay poót na poót sa mg̃a asal na iyáng lubhâ ng̃a namáng nakaririmárim. Minsan siyáng mang̃iníg sa gálit at minsáng mápaiyak sa habág sa mg̃a kadalága niyang halíng na halíng sa ganganyáng gawâ, na kadalasán at sa tuwírang sabi, ay lumalabás na isáng malinaw na pagtitindá ng̃ dang̃ál at púri!

Magsábi, kung hindî, iyáng mg̃a kinasasadlakán ng̃ayón ng̃ pulà ng̃ bálana.

Magsábi, iyáng mg̃a nakátikim ng̃ buhay-kantinéra sa áting mg̃a bayánbayán.

Ilán na sa kanilá, ang úpang mapawili lang sa tindahan ang isáng amerikánong manglalásing, ay tutulútan nang sila’y kutyâ-kutyâin nitó sa likód ng̃ mg̃a salitang “Sweetheart, give me a kiss!”?

Ilán na sa kanilá ang natulúyan na ng̃ang mahagkán ng̃ mg̃a lang̃ó?

Ilán na sa kanilá ang ng̃ayo’y kinikilabútan sa hiyâ sa ibang táo, sapagka’t sa ganitó ó gayóng gabí, silá ay náyapus ng̃ mg̃a ganitó ó gayóng négro?

At humahanggá ba rito ang mg̃a nangyayári?

Bakit at may mg̃a kantinera diyang ng̃ayo’y kaabra-abrasete ó kaya’y kalúlan sa bagól ng̃ mg̃a itim? Maaáring, sapagká’t narahiyô sa pilak ng̃ mg̃a ito; dapwa’t kadalasá’y sapagka’t sa [77]ganito ó gayong pagkakátaon sa loob ng̃ kantina, ay may isang milagrong nangyari!...

Mg̃a sawîng pálad!...

May katwirang lumuhà ang isang Elíng dahil sa inyó!

[Nilálamán]

XI

“Anó sabi iyón eh?”

Si Gerardo ay hindî santó. Anák din siyá ni Eva’t ni Adán na kapwà makasalánan.

Totóo ng̃â na, para kay Gerardo, Báyan ang una at Báyan ang hulí; na, ang pagkamakabáyan, hindî sa salita kundî sa gawâ, ay siyang damdaming pinakamahalagá at nang̃ang̃aibábaw sa boô niyang kataúhan. Totóo rin namán na walâ siyang pinakamamahál na pang̃arap mulâ sa pagkabatà kundî ang maihandóg ang iisa niyáng pusò sa dámbanà ng̃ kanyáng lahì.

Dapwa’t hindî dahil sa lahát nang itó, ay walâ nang maiisip si Gerardo sa boô niyang búhay kundî “bayan.” Maminsánminsán din namang masubukan niyá ang kanyang sarili na [78]nang̃ang̃arap hindî sa kandúng̃an ng̃ báyan, kundî sa kandung̃an niyáng mg̃a anáki’y tálàng nagantiantilaw sa láng̃it ng̃ Pilipinas... Katakátaká kayâ na ang Gerardong iyan ay maakit sa bang̃óng humáhalimúyak ng̃ isáng sampagitang nananariwà na gáya ni Elíng?

Oh, si Elíng!

Sa kanyáng hárap si Gerardo ay nagíging makátà, nagíging mang̃ang̃arap, at magiliwin sa mg̃a bulaklák, paró-paró, tala, bítuin...

Ang mabaít niyáng pusò sa haráp ni Elíng ay kung bákit nagíging manunuksó; ang mg̃a payapa’t maaamò niyáng sulyáp ay kung bákit nagíging malilikot at mg̃a magnanakaw!...

Silang dalawá ay malaon nang magkaibígan. Hábang lumaláon ang kanilang pagkikilála, ay lalo at lálong nasasabík si Gerardo sa pagmalas sa dilág ni Elíng, sa pagdiníg sa mg̃a mahihiwagà’t matatamís niyáng salitâ, sa pagpúkaw sa mg̃a ng̃iting mangbibíhag ng̃ binibining yaon na ipinaglihí yatà sa dako pa roon ng̃ hinhín ni María Clara...

Ng̃uni’t hanggán diyán lang si Gerardo.

Hinahang̃aan niya ang ganda ni Elíng, dapwa’t di pa sumasambá.

Siya lang ay natutuwâ, naiigáyang malásin ang himalâng yaon ng̃ Kalikasán.


[79]

Noong mangyari ang sigalót sa bahay-pamunùan, si Elíng ay nakaupô at nanánahí ng̃ isang panyô sa loob ng̃ kanyáng tindáhan. Ang mukhâ niyáng kaáya-áya, ay minsáng magníngning sa lugód, at minsáng mang̃ulimlím sa panglaw. Bakit? Ang kanyáng paning̃ín ay láging nakapakò sa malayò, bihírang mátigil sa tinatahî. Báwa’t táong magdáan ay kinikilalang mabúti malayò pa.

Si Elíng ay may ináantabayánan; hinihintáy niya ang pagdáan sa kanyáng tapát noong mainit sa sínag ng̃ Bagong Araw na kabatang-batà pa ay bayani na. Para kay Elíng, ang binátang yaon na láging nahahandáng ipáram ang lahat maitaguyod lang ang dinuduháging Matwíd, ang binátang yaon na nagsanggálang sa dang̃ál ni Julio na kanyáng amá, ay isa nang Krísto na dápat niyáng igálang, mahalín, itáng̃i, pagukúlan ng̃ báwa’t paták ng̃ kanyáng pagíbig, at paghandugán ng̃ báwa’t tibók ng̃ kanyáng pusò!


Hindî nainíp si Elíng sa pagaantáy kay Gerardo, na sínapantahà niyáng sa paguwî mulâ sa presidencia ay dadáan sa tapát ng̃ kanyáng tindáhan.

Malayo pa ay nakilála na ng̃ binibini ang magílas [80]na tindíg nang líhim niyang kinakauláyaw sa kaibutúran ng̃ kanyáng pusò.

—“Elíng!”—ang pagdaka’y ibinati ng̃ binatà pagkalapít sa tindáhan.

—“Gerardo, halika sandalî!”

Si Gerardo’y lumapit at boong galak na kinamayan ang binibini na noo’y singpulá ng̃ gumámela, aywán kung dáhil sa pagaálaalang siya’y lumábis sa kanyáng nápakalambíng na “Halíka!”

—“Ipagpatáwad mo, Elíng, ang pakikikamáy ko sa iyó ng̃ kaliwâ.”

—“Bákit? anóng mayroón ka sa iyóng kánan?”

Si Gerardo’y nagkúlay sagà.

Inakalà niya na isáng pagbubunyî sa saríli kung ipagtátapát ang tunay na dáhil; kaya’t ng̃umitì na lang at nasiyahan sa ísang maráhang:—“Walâ!”

—“O, ay bákit at may tálì?”

—“Walâng ano man; nákagat lang akó ng̃ putakté doon áh... sa púnong bayábas nina Tikikò.”

Si Elíng ay alang̃áng mapang̃itíng alang̃áng magálit. Alam niyá, gáya ng pagkaálam sa kanyáng A. B. K,... na ang mg̃a salitâng iyon ay isang kimpál na kabulaánan. Hinagisan muna ang binatà ng̃ isang ting̃in na wari’y nagsísisigáw ng̃ “Sinung̃aling itó ah!,” bágo sumagót: [81]

—“Putakté? ay bákit at may dugô?”

Si Gerardo’y lálong namulá.

—“Diyatà, Gerardo,”—ang dugtong ni Elena—“diyatà namá’t iyán lang ay ipagkákailâ mo pa sa akin?... Sapagka ba namá’t ang tumátanong ay...ah! siya ng̃a palâ naman!... Isáng walâng kabuluháng gáya ko, ay di ng̃â nararápat...”

Ang binatang tigagál na tigagál sa mg̃a salitâ ng̃ kanyáng kaharáp, ay walâng naihumá kundî isáng:—“Hindîng hindî, Elíng, oh, hindî ng̃â!”

—“Súlong na, maaabála ka lang sa akin,”—ang patúloy ng̃ binibinì na may kahálong wari’y hinampó.

—“Patáwad, Elíng!... Binibirò lang kita.... Huwág mong damdamín ang áking pagkukúlang... at sasabíhin ko na sa iyóng lahat!”

Isang ng̃itî, isang ng̃iting malambíng na ‘kapilas ng̃ lang̃it’ ang nagpahiwátig kay Gerardo na ang pinang̃ambahán niyang nagtampó ng̃ang túnay, ay nagtamputampúhan palâ lang.

—“Anó iyon? Sabihin mo na.”

—“Isa lang muntíng súgat, Elíng.”

—“Na namán!”—ang may padaóp kamáy pang sagót ng̃ dalága, na animo’y noon lang nabatíd ang nangyári kay Gerardo, gayóng sa katunáyan ay nagmamaángmaáng̃an siya.

Pagdaka’y kumúha ng̃ isáng palanggána, [82]isáng boteng may lamáng gamot at saka isáng kahitang punô ng̃ búlak at pangtalì ng̃ súgat.

—“Gerardo”—ang bigkás ng̃ binibinì;—“nakatupad ka na ng̃ iyong katungkúlan; bayaan mo namang tuparín ko ang ákin. Lilinisin ko ang iyóng súgat.”

—“Oh Elíng! Kay gandá ng̃ iyong loób!... Dápwa’t ikáw, mutyâ ng̃ áking báyan, linisin ang súgat ng̃ isáng abâng dukhâ na gaya ko?...

—“Kung anó-anó ang pinagsasabi ng̃ Gerardong itó!”—ang tugón ng̃ dalága pagkatápos na máhagisan ang kaúsap ng̃ isang napakalagkit na títig.—“Tingnán ko ng̃a ang iyóng kamay.”—At umakmang aabutin ang sugatáng kamay ni Gerardo na dalidali nitóng inaurong.

—“Huwag na, Elíng; maráming salamat.”

—“O tingnán mo siyá!”

—“Hindî nábabagay. Bayáan mo ná’t...”

—“Bayáang anó? hindi ba’t tuwî kang magtatalumpatì ay ipinang̃ang̃aral mo na ang lahát ng̃ táo ay dápat tumupád sa kanikaniláng katungkúlan? Hindî ba’t ito’y katungkúlan ko? Ako ba’y hindî táo sa iyo? Hindî ba....”

—“Súkat na, Elíng, súkat na; dapwa’t iyang mg̃a sutlâ mong dalirì ay di dapat marumhán ng̃....”

—“Diyatà nama’t akó’y iyóng bibiguín?”

—“Oh! Hindî sa ibig kitáng biguín... [83]

—“Ah, ayóko ng̃â nang maraming salitâ. Ipalínis mo sa akin ang iyong súgat at tapús!”

Si Gerardo’y di na tumutol sa pagaala-álang baká ang ánghel na iyón ay magtampó na namán.

Samantálang hinuhugásan ng binibinì ang kamáy ng̃ binatà, itó nama’y walang tahán ng̃ panunuksó:

—“Oh Elíng! Sa pinakamalálim kong mg̃a pang̃arap, sa pinakamaláyang galáw ng̃ aking gunitâ, kailán ma’y di ko nasumpung̃án ang anó mang pahiwátig na sa áraw na itó ay áking mapapaláran ang pagkakáwang-gawâ niyáng mg̃a dalirì mong bawa’t isá ay katumbás ng̃ boô kong buhay!”

—“Palalò!”

—“Elíng, kaúsap mo yaring pusò!”

—“Sinung̃áling!”

—“Elíng, dinggín mo ang isáng katotohánan!”

—“Anó iyón?”

—“Isáng damdaming iniing̃at-ing̃átan ko at maláon ng̃ tinitimpî-timpî?”

—“Sabíhin mo kung anó.”

—“Huwág kang magagálit?”

—“Bakit kayâ akó magagálit?”

—“Tatanggapín mo?”

—“Anó sabi iyón eh?”

—“Ipang̃akò mo muna!”.... [84]

—“Na anó?”

—“Na iyong tatanggapín!”

—“Kung hindì masamâ’y... tatanggapín ko.”

—“Elíng, iniíbig kita!”

—“Ha?”—ang pamangháng saló ng̃ angkán ni Venus.

—“Iniíbig kitá!”...

—“Dáhan-dáhan, Gerardo! Ikáw ay magmunimuni.”

—“Walang kailáng̃an, kita’y kilaláng malaon na... Ako rin nama’y kilalá mo: sumagot ka. Elíng, iniíbig mo ba akó?”

—“Ay! ang pusò ko, Gerardo, ay di na akin; kinusà ko siyang ihandóg sa dápat kong mahalin; luming̃ap sa ibá ay di na mangyayári!”

Ang binata’y sandalîng napípi. Kinintalán ng̃ isang títig ang bitúing kauláyaw bago tumugón:—

—“Elíng, di ko mawatásan ang iyóng salitâ. Ibig mo bagáng sabihin na ako’y walâ nang pag-asa?”

—“. . . . . . .”

—“Iyon ba ang kahulugan?”

—“Aywán ko.”

—“Aywán ko dáw!”

—“Abá!”

—“Wikà mo’y di na mangyayáring luming̃ap ka pa sa ibá? Anó ang kahulugán at [85]kang̃ino tumutúkoy ang ibang iyan? Sa ákin kayâ, Elíng?”

—“Aywán ko!”

—“Si Elíng namán! Bákit mo kayâ pinamamáhay ang kalulwá ko sa pang̃ang̃ambá?... Sagutín mo sana akó. Sa akin ba tumutúkoy?

—“Hindî....”—ang wari’y walâ sa loob na sagót ng̃ binibinì.

—“Oh, Elíng ko! At ang ibig mong sabíhin ay di ka na makalilíng̃ap kanino pa man, líban sa ákin?”

Isáng busilak na lang̃it ang nabuksán kay Gerardo. Pagdaka’y hinawakan ang kamay ni Elena at inalapit sa lumulundag niyang pusò.

—“Abá! hindî!... aywán ko! hindî!... abá!—ang sunod-sunod na pagbabang̃ong-puri ng̃ dalagang nagpúpumiglás.

—“Ah, Elíng! Huwág mo nang ikaít sa akin ang tibók niyáng iyong pusò. Ipagtapát mo na! Hindî mo ba ako iniíbig, Elíng?”

Iláng sandalî na napipi ang binibinì. Walang maláang isagót. Kundang̃a’y napasukol siyá kaagad! Gayón na lang ang kanyáng pagsisisi. Mang̃aní-ng̃aníng kagatin ang tuksóng dilà na sa pamamagítan ng̃ isang “Hindî”, ay isiniwálat ang boông líhim ng̃ kanyáng pusò!

—“Elíng ko”,—ang mulìng samô ng̃ binatà. “Hindî mo ba ako iniíbig?” [86]

Kálulwá na ni Elíng ang tumugón:—

—“Oo, Gerardo, oo iniíbig kitá!!”

Pang̃ahas na laláki! Isáng matindíng halík at isang mahigpít na yákap ang pagdáka’y ninákaw sa bulaklák na yaon ng̃ Kasilang̃ánan.

Mabuti na lang at wala silang saksi!


Si Gerardo’y umuwî noon na taglay ang dalawâng pagwawagíng magkaibá ng̃ urì: Tagumpay lában sa kasikismo ng̃ isang pinunò at tagumpay lában sa pulutóng ng̃ mg̃a naggigilásang kandidato sa kamáy ni Elíng. [87]

[Nilálamán]

XII

...At ang Justicía?

Kulóng na kulóng sa kanyáng silíd.

Walâng humpáy nang kayayao’t dito. Nakayayaníg sa boóng báhay ang madadalás niyáng yabág na ipinagdidiínan sa sahíg na tablá. Ang mg̃a lagutók ng̃ kanyáng mg̃a abellanang sapátos na nanggigipalpál sa putik ay nakabubulahaw hanggang sa mg̃a nagtutulúgang kápitbahay—hanggáng sa mg̃a manók na namamahing̃á sa isáng púnong kamatsiléng nakatánod sa trangkahan. Ang mg̃a bintî at bisig ay pára-parang naninigás; ang mg̃a dalirì ay tikóm na tikóm, na animó’y may isang sasagupáing kalában. Minsán baltakín nang paibabâ ang kamiseta niyang putê na pigtâ ng̃ pawis; minsáng pag-itíng̃an nang higpit ang bigkís na nakakabít sa pantalong kake na dahandáhang dumádausdós sa kaluwáng̃an ng̃ baywang.

Walâng pumupúlas sa nakáng̃iwî niyang mg̃a labì kundi páwang pagng̃ing̃itng̃ít, pawang buntóng-hining̃á, pawang mg̃a “huhm! hm! huhm! hm!”

Walâng anó-anó’y lumapit sa isáng mésa at umupô; pinagábot ang mg̃a kílay na pumapalamúti [88]sa mg̃a naglalalimang matá na nagpapahiwátig ng̃ tatlóng gabíng di pagkatulóg; sinabunot ang mg̃a mapuputê niyang buhók; tining̃alâ ang isáng laráwang nakasábit sa dinding; kinagát ang labì, nagbuntóng-hining̃á, sumuntók ng̃ boông diín, pumadyák, tumindíg at nagyáot dito na naman.

—“Hu hm! hm! hm!”—ang mulî niyang ng̃itng̃it—“Papatayín ko! papatayín ko! hu! hm! hu! hm!... Noóng áraw, noóng áraw ¡hu hm!... akó ang harì sa báyang itó, óo harì! harì!... Sa áking haráp lahat ay nanunuyò, lahát ay lumuluhód, lahát ay “óo pô” sa ákin, walâng “hindî” ni “ayóko”! Noóng araw, ¡hu hm!... ako’y isáng don, isáng mahal na máginoo sa matá ng̃ madlâ.... ¡hu hm! Lahat ay naniwalà na ako’y mayáman sa lahat; na ang yáman ko ay áking nakamtán sa tulò ng̃ sarili kong páwis! ¡hu hm!.... Lahát ay naniwalà na malinis yaring budhî ¡hu hm!...

“Ang mg̃a lihim na pinakatagòtagò kong mahigpit, noon ay walâ kundî akóng akó lang ang nakababatíd! ¡Hu hm!...

“Ng̃uni’t ng̃ayón! ng̃ayón! oh ng̃ayón! ¡hu hm!... Sa ákin, ay walâng di umiiring, walâng dî kumukutyâ, walang dî lumilibák, bawa’t matá ay násusuklám sa kataúhan ko, bawa’t dilà ay ako ang isinusumpâ, bawa’t dalirì ay sa ákin [89]nakaturò—sa akin na kung tawágin ng̃ayón ay di na “ang kapitan” “ang presidente;” kundì ang magnanakaw, ang magdaraya, ang mámamátay! ¡Hu hu! hu hm!... At bákit ako’y nagkaganitó ng̃ayón? Bakit ako ng̃ayo’y hámak na hámak, dustâng dustâ, mababang mababà? Sino, sino ang gumanitó sa ákin?... ¡Hu hu! hm!

“Oh! Pagpápapatayín ko ang mg̃a iyán!...

“Oh Gerardo! Oh Rustica! Magsipagtagò na kayó, mg̃a walânghiyâ!... Sáyang ang áking pagkamámamátay kapág kayo’y pinatáwad ng̃ aking patalím! !Hu hm!!”

At lálong dinalasán ang hakbáng, lalong ipinagdiínan ang yabág. Walâng anó-anó’y bigláng tumígil.

—“Dapwa’t... ako’y pápatay?”—ang kanyang patuloy.—“Diyata’t pápatáy na namán akó?... Iba na ng̃ayón ang pamahalàan!... Hindi na itó panahón ng̃ kastilà! Diyata’t pápatáy na namán ako?... At ang Justicia? ang Justicia?”—At muling nag yáo’t dito ang mistúlang ulól; at sa kátatanong ng̃ “ang Justicia?” ay naala-ala tuloy ang pagtatálo ng̃ isang huklubáng pederál at isang binatàng independista.

—“Justicia?”—anitóng huli sa pagtatalong nábanggit.—“Sa ating Bayan ay walâ pang Justicia! Ni noóng panahón ng̃ kastilà, ni sa mg̃a sandalîng itó ay walang taál at wagás na Justiciang [90]umíral ó umiíral dito. Ang dito’y tinatawag na Justicia, ay Justiciang kábilanin: Ang isa niyang matá ay dilát, dapwa’t ang isa ay bulág. Yaong úna ay siyang ginagámit kapag ang dapat tangkilikin sa isang usapin ay amerikáno laban sa pilipino. Kapag ang dapat tangkilikin ay pilipino laban sa amerikáno, ang malimit hing̃an ng̃ pasiyá ay ang matáng bulág!... Ayaw kayóng maniwalà?... Ibig ninyóng patunáyan ko ang pagkakábilanin ng̃ tinatawag na Justicia ng̃ kasalukúyang pamahalaan?... Náriyan ang huling pagkakabilanggô ni Dr. Gómez. Bákit siya hinatulang mabilibid?... Tanung̃in ang Kagálanggálang na hukóm na humátol sa kanyá, at sarì-sarìng kuskósbalúng̃os ang imamatwid, dapwa’t sumanggunì kayo sa isáng malayàng pagíisip na walâng kinikiling̃an, at inyóng mababatid na ang tunay at táng̃ing dahil ng̃ pagkabilanggô ni Dr. Gómez, ay sapagka’t si Dr. Gómez, na isang pilipino, ay iminungkahing magsiaklás ang mg̃a manggawà, na mg̃a pilipino din, sa isang Samahan ng̃ mg̃a puhúnang amerikano!... Iyán ba ang tinatáwag na Justicia?...

“At Justicia bagá ang naguudyók sa pamahalaang iyán na kupkupín at panatilihin sa kanyáng tungkól ang isang “Ibong Mangdaragit,” na upang lálo’t lálong makapagsamantalá [91]at magtubò sa kanyáng kapangyaríhan, ay nanghihimások sa di dapat panghimasúkan, nagpapasasà nang lihim sa yáman ng̃ may yáman at umaangkín sa arì ng̃ may arì?...... Anóng Justicia iyán?

“At anóng Justicia iyán na pumapatnúbay dito sa bawa’t hakbáng ng̃ pamunúang amerikáno?..... Justicia ba ang sakúpin ang áyaw pasakóp? ¿pagharìan ang ayaw paharì kaníno pa man, tang̃i na lang sa sariling loob?... Justicia ba ang di pagtupád ng̃ pamahaláan sa kanyang pang̃akò sa pinamumunúan? Di ba’t nang̃akò ang pamahaláang iyán na palalayàin ang ating Bayan? Anó ang ginagawâ niya ng̃ayón? Ipinagbabáwal ang ating Bandilà; pinanánatíli ang pagkakatang̃ìtang̃ì; hinahámak ang pagkakapantáypantáy ng̃ amerikáno at pilipino; ipinagbabáwal sa kabatàan ang kumatig sa Pagsasarilí; tinatawánan, tinatáwag na ulól ang Báyang ito tuwing magbubukás ng̃ dibdib, tuwing ipagtatapát ang kanyáng pinakadalisay na damdámin, ang wagás at katutubong pag-írog sa isáng malayang búhay—pag-irog na dî magmamáliw ni matitinag sa kanyang pusò, bumagsák man ang líbolíbong unós at buhawi!....

“At humahanggá ba rito ang mg̃a matalinghágang panukalà na isinasagawâ ng̃ Pamunúang amerikáno sa Pilipinas?... At ang Bill Payne? Ang [92]Bill Payne na madalî ó maláon, kapag nagkataón, ay magiging isa nang makapangyaríhang utos na kailáng̃an yukûan at sundín ng̃ Bayang Pilipino? Ah, ang Bill Payne! Iyan ang pinakatúso at pinakadakilà sa lahát ng̃ mg̃a binalak na kautusán ng̃ Pamunúan! Tagláy ng̃ Bill Payne ang dalawáng binhî: Búhay at kamandág!... Búhay para sa báyang namumunò, at kamandág sa báyang nasasakóp! Búhay sa mg̃a trust, sa mg̃a puhúnang amerikáno na dito’y magsisidagsâ úpang sakmalín ang yáman ng̃ ating lupà, hititín ang kahulihulíhang paták sa ating dugô hanggang walâng natitirá sa Báyan kundì ang kanyáng balát at mg̃a buto!... Kapág ang Báyan ay nagíng buto’t balát na lang, kapag nabungkál na ang ating lupà, kapag natibág na ang ating mg̃a bundók, kapág walâ nang masasakmál at mahihitít, ay saka, SAKA, SAKA tayo iíwan ng̃ mg̃a Trust na iyán, sakâ tayo bibigyán ng̃ Pagsasarilí, sakâ ipagsisigáwan ng̃ mg̃a angkan ni Taft na ang Báyang Pilipino ay handa, handang handa na sa Kalayaan!!...

“Ng̃ayón, sabíhin sa ákin kun díto sa Pilipinas ay may Justicia! Iturò sa ákin kun saán naroon ang Justiciang iyán!”....

Humigít kumúlang ay ganitó ang mg̃a salitang umuukilkíl sa alaála ng̃ walàng tígil ng̃ kayayáo’t dito at kátatanong ng̃ “ang Justicia?[93]Pederál man siyá, ay kun bákit nahihikáyat siyang paniwaláan ang mg̃a salitáng iyón ng̃ isáng independista.

Sa di kawasa’y lumápit sa higáan, inabót sa karátig na lamensa ang isang bóteng kinadidikitan ng̃ isang laráwan ng̃ unggóy, at itinunggâ ang nang̃ang̃aling̃ásaw na lamán.

Tumikím muna ng̃ makálimá na sinabayan ng̃ limá ring tapík sa dibdib bágo náhigâ.

Aywan kung nátulog ó hindî.

Pagkaráan ng̃ may kalaháting óras ay mulíng binuláhaw ang katahimikan ng̃ kanyáng silid.

—“Ha! ha! ha!”—ang kanyáng halakhák na pairíng mulâ sa higàan.—“Ha! ha! ha! Nápatáy na kitá, Gerardo, nápatay na kitá! Ha! ha! ha! Si nasírang Gerardo ka na ng̃ayón! Madalî ang umútang, mahírap ang magbáyad! ha! ha! ha! Sulong, takbó, humánap ka ng̃ Justicia, súlong! Di akó natatákot sa justiciang bulág!...

“Ha, Stag? Handiyan ka na palâ. Tinamáan ka ng̃.... Anó ká? At bákit ka nagtatawá, ulól? Nasunód mo na ang ipinagagawâ ko sa iyó? Nápatay mo na ba? Hindî? Sáyang ang salapî ko! Ulól ako’t pinawalán pa kitá... Ha? At nápatay mo ba? Siya ng̃â ba? Saán mo inabútan ang walanghiyá’t dalahirang babáe?... [94]Mabúti, mabúti kang batà!... Ang kapupunán?... Huwág ka bang apurádo...!

“Juancho! Juancho! Gísing, gísing ka, tamád. Dilát ka na ba? Halíka rini’t ikaw ay makiníg... Susunód ka, ha?... Pag hindi, baság ang iyóng ulo; hále, lumukólukó ka!... Ikaw ay mang-aágaw ha? aagáwin mo ha?... Alám mo ba kun bakit?... kun bákit di ka maibig ni Elena?... Dáhil kay Gerardo! Si Gerardo’y pinatáy ko, ikáw ang umágaw sa kanyáng katipán?... Ha? at naágaw mo na ba?... Mabuti kang batà, ganyán ang laláki!

“Ha! ha! ha! Busóg na busóg ako...! Usigin, ipang̃áw, mamatáy, walâ na ng̃ayóng kailang̃an sa ákin! Ha! ha! ha! Ganáp na ganáp ang paghihiganti ko!...” [95]

[Nilálamán]

XIII

Sa bahay ni Pepe

Utang sa síkap ni Gerardo at ng̃ iláng kabinatà niyá, sa di kawasa’y nátatag sa Libis ang isáng kapisánan na pinamagatáng “Dakilang Mithî.”

Kagáya ng̃ lahát ng̃ mg̃a samaháng pilipino, ang “Dakilang Mithî” ay ulirán sa gílas at siglá noóng kanyáng mg̃a únang buwán.

Noóng mg̃a únang buwán, ang kapisanan ay makálawá sanglinggó kung magpúlong, at ang bilang ng̃ mg̃a nagsisidaló sa mg̃a púlong na itó ay di lumiliít sa tatlongpû.

Noóng mg̃a únang buwán, ang mg̃a talumpatì, pagtatálo at ang mg̃a bálak na inihaharáp tuwíng magpupúlong ay punông-punô ng̃ mahahalagáng láyon at madláng kaparaánang magagámit upang lalong mapalúsog at mapadakilà ang kapisánan. Náriyan ang pagtatayô ng̃ isáng aklátán (biblioteca); náriyan ang pagbubukás ng̃ isang paaralán sa gabí, na walâng úpa; náriyan ang pagpapalabás ng̃ isáng paháyagang-linggúhan; náriyan ang pagdadáos ng̃ mg̃a papúlong; náriyan ang mg̃a sárì-sarìng campaña lában sa Bisyo—laban sa sugál at sábong—laban [96]sa mg̃a mahahálay at di wastông kaugalían, hílig, atb.: at nariyan ang kung anó-anó pang matatáyog na panukalà.

Ang lahat ng̃ kasiglaháng itó na napagmálas sa loób ng “Dakilang Mithî,” noóng mg̃a unang buwán ay lubhâng ikinaalíw ng̃ mg̃a nagsipagtatág sa kapisánang iyon. Naákit siláng umasám-asám sa isáng maligáyang búkas at napanibúlos silá sa pag-ásang madalî ó maláon ay málalasáp nilá ang masasagánang búng̃a ng̃ kaniláng mg̃a pinuhúnang págod.

Dapwa’t ¡ay! Katúlad ng̃ isáng kimpal na kugon, na pag sinilabán ay minsan sikláb lang at walâ ná, ang kapisánang iyón ng̃ mg̃a náturang pag-ása ni Rizal (pa naman!), pagkaraán ng̃ mg̃a únang buwan, pagkatápos na makapagdáos ng̃ iláng sayáwang malalakí, nang isasagawâ na ang mg̃a panukálang binalangkás ng̃ boông sípag at talíno,—ang kapisánang iyón ay biglâng dinatalán sa noó ng̃ karumaldúmal na kamandág ng̃ panglalamíg, pagkahapò at pagwawalàng bahalà ng̃ hálos lahát ng̃ mg̃a kaánib!

Sinimulán ná ang isang búhay kapisánang kukutápkutáp, kagáya ng̃ isang ílaw na nauubúsan ng̃ lang̃ís.

Anó mang pagsusumákit ang kalasagin ng̃ Páng̃ulo at Kalihim, ang bahay-kapisánan ay [97]láging áalóg-alóg tuwîng tatáwag ng̃ púlong. Lahát ay nang̃ang̃akóng dádaló, dápwa’t pagsápit ng̃ oras ay pálad na pálad ná kung sumipót ang sampû.

—“Anó ang dápat gawin úpang maipon ang mg̃a iyán?”—Itó ang pabuntóng-hining̃áng tanóng ng̃ pang̃úlo ng̃ kapisánan.

—“Upang maipon?”—ang sambót ni Gerardo na kanyáng kaharáp,—“kung úpang maipon lang ay may isang paráang madalî. Búkas pistá din lang ay ikálat nátin ang balità na sa kinágabihán ay magkákaroón sa inyó ng̃ isang malakíng sayáwang handóg sa Samahán. Anyayáhan ang mg̃a kinalílituhan diyang binibinì, ang lahát ng̃ mg̃a makikísig sumayáw, at maniwalà ka, katóto, na mamúmunô ang iyóng báhay... Pag handoón ng̃ lahát ay paalisin ang orkésta at simulán ang púlong.”

At ganitó ng̃a ang kaniláng ginawâ.


Madilímdilim pa kábukásan, ay sumabog na sa impápawíd ang balità na sa ika 7 oras ng̃ gabí ay magdadáos sa báhay nina Pepe ng̃ isang maring̃al, at mahabang sayáwan na handóg ng̃ pang̃úlo sa masisipag na mg̃a ginóo at binibinìng bumubuò sa “Dakilang Mithî.”

Hindî nagkabulâ ang hulà ni Gerardo. Orasyón pa lang ay pulúpulutóng na ang mg̃a panaúhing [98]nagsisiratíng. Ika 7 óras na ganáp ay natitipon doón ang ápatnapû sa limangpûng kaánib sa “Dakilàng Mithî.”

Lahát ay galák na galák lubhâ na ang mg̃a binatâ. Walang labì na di nakang̃itî, walang matáng di nagniningning, walâng kílos na mabágal. At sino ng̃â namán ang di magágalák, alíng pusò ang di lálakasán ng̃ tibók, kanínong damdámin ang di mapupúkaw sa lílim ng̃ mapanghalina’t malalagkit na títig, at sa halík ng̃ bang̃óng núnukal sa mg̃a sutlâng talúlot ng̃ mg̃a gayóng “bulaklák ng̃ búhay” na doo’y naliligò sa mahínhing liwanag ng̃ mg̃a “Reina de las luces”? At sinong mahiligin sa sayáw ang makukuhang magtulug-tulugan, kaninong mg̃a páa ang mapapakalí sa gayong idinulásdulas ng̃ sahíg na binudburán ng̃ pirápirásong ballena, sa inihabá-haba’t inaluwang-lúwang ng̃ pagsásayawáng salas sa anyáya ng̃ malalambíng na tugtúging handóg ng̃ orkésta?


Iká 7:15 na ng̃ gabí, ng̃uni’t ang sayáwan ay di pa pinasísimulán. Hálos lahát ay iníp na iníp na. Dáng̃an lang at sila’y nadadaíg ng̃ hiyâ, marami na sanà ang nagúumikit noón sandalîng iyón, káhi’t na walâng anyáya ó pahintúlot ng̃ may báhay. [99]

Samantaláng naghihintáy ay makinig táyo sa mg̃a sáli-salitáan.

Sa isáng súlok ng̃ salas, ay nakaupóng magkaharáp ang dalawáng binibinì na kung mámasdán ang kaniláng mg̃a mukhâ, ay mapaghuhúlong sila’y may isáng mahalagáng bagay na pinagúusapan.

—“Bákit, Pacita,—ang bigkás ng̃ isa,—“bakit wikà mo’y di ka na makapagaáral?... Sáyang na sáyang pag nagkátaon!”

Si Pacita’y isang bulaklák na kabubuká pa lang. Lalabing-apat na taon ang kanyang gulang.

—“Walâ akong magagawâ, Elíng. Ang mg̃a tátay ang siyáng áyaw pumáyag na ako’y magpatúloy.”

—“Ayaw pumáyag?... Diyata’t áyaw pumáyag? At anó namán ang dahil?”

—“Ang sabi nila’y sapát na sapát na ang kauntî kong nátutuhan sa Primary grade; na ang isáng babáe raw ay di kailáng̃ang mag-áral nang matagál, súkat na lang ang siya’y matutong sumúlat at bumása; walâ raw siyáng katungkúlan kundî ang maglínis, maghúsay at tumáo sa bahay; maglingkód sa kanyáng mg̃a magúlang at asáwa, at mag-alagà sa mg̃a anák kun sakali’t magkaroon.”

—“At pati ba namán ang mg̃a tatay mo, Pacita, ay napadádaig sa mg̃a ganyáng bulág na [100]paniniwalà na dápat sumpain ng̃ lahat! Diyatà namán at tayóng mg̃a bábae ay di kailáng̃ang mag-áral ng̃ anomán máliban na lang sa pagsúlat at pagbása ng̃ kauntî? At ang karunúng̃an sa isáng wastô at ginháwang pamumúhay, ang mg̃a mararang̃al at tumpak na paguugali, ang mg̃a katungkúlan natin sa Kapisanan, sa ating báyan, at sa Sangkataúhan—ang mg̃a bagay báng iyán ay pagpipikitán na natín ng̃ matá, di na natin paguukúlan ng̃ panahón?

“Laking kamalían!

“Túnay ng̃â na katungkúlan ng̃ isáng iná ang mag-álagà sa kanyáng mg̃a anák; datapwa’t ang pag-aalagà sa isáng anák ay di basta’t siya’y palakihin, padamitan, pakanin, iligtás sa mg̃a sakit, sundin ang bawa’t maibigan at palakasin ang kanyang katawán. Hindî, hindî humahanggá ríyán ang mg̃a katungkulan ng̃ iná sa anák. May ibá pa siyáng tungkúlin na lalong dakilà!

“Italâ sa noo at pusò ng̃ anák, sa pamamagitan ng̃ halimbawà, ang katotohánan na siyá ay táong malayà, may púri, dang̃ál at mg̃a karapatán; na walâ siyang Diyós ó pang̃inóon sa ibábaw ng̃ lupà kundî ang sariling Bayan, ang dakilàng Matwíd, ang Katotohánan at ang Katungkúlan; na ang táo ay dapat múnang magpakamatáy bago siya manakáwan ng̃ kanyang [101]kalayáan, bago madung̃ísan ang kanyáng dang̃ál, bago siyá mahubdán ng̃ kanyáng mg̃a karapatán, bago umiwas sa isang katungkulan, bago mámalas na ang Bayan niya’y talúnan at abâ, bágo makitang ang matwíd ay nilulúpig at binabaluktót ang katotohánan... Ikintál sa kanyang diwâ sa pamamagitan ng̃ halimbawà, na ang panahon ay gintô, at dahil dito’y di dapat sayang̃in sa mg̃a halíng na pang̃arap kundî gúgulin sa mg̃a bágay na pakikinabáng̃an niyá at ng̃ kanyáng mg̃a kapwà; na ang táo ay di nilaláng upang mabúhay at pagkatápos ay mamatay, tulad sa mg̃a gamógamó; kundî upang sa pamamagitan ng̃ kanyang lakás ay makatulong siyá, kahima’t gabuhang̃in lang, sa lalòng ikasusúlong at ikadadakilà ng̃ Sangkataúhan. Iyán at marami pang katulad niyán, ang mabibigat na tungkulin ng̃ iná sa anák. At ng̃ayon ay aking itinátanong: ¿Anó ang magagawâ ng̃ isang ináng hang̃ál sa haráp ng̃ mg̃a ganyáng katungkúlan?

“Sinasábing katungkúlan ng̃ isang babáe ang maglingkód sa kanyáng mg̃a magúlang at kabyák ng̃ dibdíb. Mabúti! Ng̃uni’t di masasábi na itó ang hanggán ng̃ katungkúlan niyáng paglilingkód. Bakit? Sapagká’t gaya rin ng̃ mg̃a lalaki siya’y may isáng Inang Báyan na dapat niyang ling̃apin.—May isang Lupàng siniláng̃án, [102]Lupà na kanyáng pinagkukúnan ng̃ lahát ng̃ ikabubúhay—Lupà na tinubuàn at kinalibing̃án ng̃ kanyang mg̃a nunò! Di kayâ marápat na ang Báyang iyán ay kanyá ring paglingkurán, at paka-ibiging higit sa sariling búhay, higit sa kanino man, higit sa kanyáng mg̃a magúlang, asáwa’t mg̃a anák?

“Oh Pacita! marámi pa sa áting mg̃a matatandâ ang di nakababatíd sa di mapupuwíng na katotohánan na ang katubúsan ng̃ Lahì ay nasasakamay din nátin na magiging mg̃a iná sa araw ng̃ búkas!...”

May ilán pa sanàng paghahakà na inulat si Elena; dapwá’t sa lálapit noon sa dalawang magkaibigan ang isang binatà na nang masulyapán ni Elíng ay biglâng nagpapulá sa kanya nang gayon na lang at ikináputol tuloy ng̃ salitaan nila ni Pacita.


Iwan nátin siláng tatló, at tayo’y makiníg sa bulúngbulúng̃an sa kabiláng pánig ng̃ salas. Pulos na laláki ang náhandoón. Pinagkákalipumpunán nilá ang isáng malápad na papel na nakapakò sa dindíng at kinatititíkan ng̃ salitâng programa. Sa ibabâ nitó ay ipinaaálam na ang sayáwan ay bubuoín ng̃ labingánim na Waltz, labindalawáng two-steps at dalawáng rigodon. [103]

—“Ano’t may rigodon pa?”—ang payamót na tanóng ng̃ isáng naka-lana sa kanyáng kálapit—“Que torpe! Anóng mahihitâ sa rigodon?... Walâ kundî.... kamáy. Mapapágod ka ng̃ walâng... saysáy. Nakaaaksáya ng̃ panahón! Kalukúhan sa ákin iyán!”

—“Masamâ namán ang walâng rigodon, katoto,”—ang sagót ng̃ isáng naka-térnong-itím.—“At si Choy?”

—“Que Choy ni que báchoy!”—ang áng̃il ng̃ naka-lana, at hinagisan ng̃ dalawang ing̃os ang isáng naka-kakeng kulot ang buhók na sa pagka’t lubhâng mahiluhín ay walâng ináabang̃an sa alín mang sayawan kundî ang pasimulâng-tugtóg ng̃ mg̃a rigodon. Itó ang si Choy na noo’y kasalukúyang nagpapantíng ang mg̃a tayng̃a, sapagka’t malayôlayô man siya’y kanyang naulinígan ang salitaan ng̃ dalawa. Mang̃aníng̃aníng sugurin ang naka-lana at sikang̃an ang walâng pitagang bung̃ang̃à nitó. At kamuntî na ng̃ang manugod noon ang ating si Choy, kundî niya naala-alang gagawâ siya ng̃ malakíng kahiyâhiyâ, at kundî niya nataunan ang isang malambíng na títig ni Mameng—títig na wari’y inahihímok sa kanya ang, “Pacencia, Choy ko!”...

—“Pero, demonyo!”—ang mulîng putók ng̃ naka-lana—“Anó ang hinihintáy nitóng si [104]Pepe?... Bakit áyaw pang simulán ang sayáwan, diantre?.... Co—! naghihintay ang mg̃a visita,—pu—!”

—“Huwág kang mainip, katóto”—anáng naka-itím—“huwag kang mainip at sásapulan na raw!”

—“Sásapulan! pero kailán pa? ¡demonyo!

Isang binatà ang noón ay pumagitnâ sa karamíhan, at pagkatápos na makaupô ang lahat, ay bumigkás ng̃ ganitó:— [105]

[Nilálamán]

XIV

Ako’y Nang̃ang̃amba!...

“Mg̃a binibinì at ginoóng kaánib sa ‘Dakiláng Mithî’:—

“Kayóng lahát ay pumarito na tagláy sa pusò ang masaráp na pag-ása, na táyo’y uumagáhing pára-pára sa pagpapasasà sa isáng malambíng na sáyawan. Hindî kayó mabibigô mg̃a ginóong magigitíng.

“Sáyawan at walâng ibá kundî sayáwan ang inyong ipinarito, kaya’t sáyawan at walâng ibá kundî sayawan ang dito’y áting pagdudumugan.

“Akin lang ipinagpapauna na ang sáyawang itó ay kakaibá sa lahat ng̃ sáyawan na inyóng alám. Wikà ng̃â’y, bágong sistema; mapapálad kayo sapagka’t kayó ang unang makakákilala sa kanya!

“Sapagkâ ng̃â’t bágo, ay kailáng̃ang siya’y ating ipaaninaw mabúti. Sa sayáwan pong itó, mg̃a ginoó at binibinì, ay hindî mg̃a páa, kamáy at baywang ang magsisiindák. Ang dito po’y magpapakitáan ng̃ gílas at kisig, ay ang mg̃a dilà’t ng̃alá-ng̃alá; kaya’t sayawan ng̃ mg̃a dilà’t ng̃alá-ng̃alá ang sa ng̃ayóng gabí ay siyáng yáyaníg sa báhay ng̃ ating pang̃úlo!” [106]

—“Nilint... na!!—anáng naka-itim.

—“Pero que bruto”—ang tugon namán ng̃ galít sa rigodon.

—“Batid ninyóng lahát mg̃a binibinì at ginóo,”—ang patúloy ni Gerardo—“na dito sa ating báyan ay may isang kapisanang di pa nalaláon ay ítinayô ng̃ kabatáan. Batíd din ninyóng lahat na sa mg̃a sandalîng itó ang kapisánang iyán ay kasalukúyang naghihilik sa lálim ng̃ pagkahimbing.

“Ang di na yatà makasanglibong pagtawag ng̃ púlong na laging nabibigô, ay labis na nag-uulat sa katotohanang itó. Ang pagkakabitin sa impapawíd ng̃ lahat ng̃ mg̃a panukalang inaharap at pinag tíbay sa lóob ng̃ kapisanan, ang pagkabigô ng̃ aklatang itatatag, ang pagkabigô ng̃ páhayagáng palálabasin, ang pagkabigô ng̃ mg̃a papúlong, ng̃ paaralán sa gabí, at ng̃ mg̃a kung anó-anóng campaña na sagánà sa hang̃in—ang lahát ng̃ iyán mg̃a binibinì at ginóo, ay isa pang di mapupuwing na saksí ng̃ pagkaúring mantikang-tulóg ng̃ ating Kapisánang kagúlatgúlat noóng kanyáng mg̃a únang áraw!

“Sa gitnâ ng̃ ganitóng kalagáyang dápat ikahiyâ ng̃ kabatáang Libís, síno ang áting dápat sisíhin?

“Ang mg̃a nang̃ung̃ulo sa kapisánan? [107]

“Akó na maláon nang nagmamasíd sa ginagawâ niláng pagtupád sa kanikaniláng tungkúlin, ay walâng úlikúlik na makakapagsábi na ang mg̃a ginóong iyán ay nagawâ ná ang lahat ng̃ abót ng̃ kaniláng káya.

“Ipinatútúpad ng̃ pang̃úlo sa áting mg̃a kaanib, ang palatuntúnan at mg̃a alituntúnin, dápwa’t áayaw táyong magsisunód! Kaniláng iminumungkahì na isagawà ang mg̃a panukala’t bátas na pinagkayarian nátin, dápwa’t áayaw tayong magsikilos!

Tumatáwag ang kalihim ng̃ púlong áraw-áraw halos dápwa’t áayaw táyong magsidaló!

“Mahúsay na hinihing̃î ng̃ Ing̃at-yáman ang ambag sa bawa’t buwan ng̃ bawa’t isa, ng̃uni’t átin siyáng pinagtátaguan!

“Síno ng̃ayón ang dápat managót sa pagkadiwarà ng̃ kapisánang itó?

“Síno ang dápat lagpakán ng̃ ating pagsisisi kundî táyo rin—táyo na bubuô ng̃ isang kautusán at pagkatápos ay táyo rin ang sa kanya’y susúay?

“Síno ang dápat nating sumpâin kundî ang átin ding mg̃a katawán—Táyo, na lilikhâ ng̃ isang matáyog na panukalà para sa ikabubuti ng̃ bayan at pagkatápos kapag isasagawâ ná, ay tayo rin ang kaunáunahang malululà, ang kaunaunáhang uurong? [108]

“Síno ang dapat managót sa lahát ng̃ itó, mg̃a ginóo, kundî tayo rin—táyo na kadalasa’y dahil lang sa kaunting sakít ng̃ ulo, ó kaya’y ng̃ ng̃ipin, ó dúlo ng̃ kukó; dahil lang sa kauntíng ulán, sa kauntíng ínit ng̃ áraw, sa kauntíng antók, sa kauntíng layò ng̃ pagpúpulung̃an, sa pagkawalâng mákasáma, ó sa pagkawalâng mabuntutan—dáhil na dáhil lang diya’y di na táyo magsisidaló sa púlong?... ¡¡Samantalàng kápag isáng sáyawan ang atíng dádayúhin, ay sumasagasà táyo sa unós at buháwi, nawawalâ ang sakít ng̃ ulo, napapawì ang antók, di iniindá ang ínit ng̃ áraw ni sinusukat ang layò ng̃ pagdaraanan!!

“Sino ang dápat kilabútan sa hiyâ kundî táyo rin na kung makaísip mang dumaló sa púlong, ay panayon na lang mg̃a hulí—panayón na lang animo’y mg̃a kúhol?—Táyo na muntíng maantig ang bulsá, munting mahing̃an ng̃ maipagtatawid búhay ang kapisánan, ay magpápakalayô-layô na di na maáapúhap kahi’t na nakakayanan ang halagáng hinihing̃î? ¡¡Samantaláng kapág ang isáng sáyawan ang paguukúlan, ay malúwag na malúwag at galák na gálak táyong nagkakaloób ng̃ píso, piso’t isang salapì, at kung minsan pa’y hanggang dalawá!!

“¡Ah, mg̃a kabábayan!... Kung ang mg̃a katotohanang itó na sakdál ng̃ papaít ay nakasusúgat [109]sa inyóng mg̃a damdámin, ako’y di nagsisisi! ¡Tinutupád ko ang áking katungkúlan!

“Karápatdápat at kailáng̃ang mabatíd nating lahát ang hubád at wagás na katotohánan, na, ang kabatáan sa bayang itó ay kúlang pa ng̃ lakás, kulang pa ng̃ tyagâ, pagtitiis, at siglâng walâng máliw! Walâ pa ditong tunay na kalakasan ng̃ loob na kinakailang̃an upang maisagawâ ang isang adhikâng mataas!

“Ah, Kabatáan, Kabatáan! Kay lakás mong mang̃árap, dapwa’t kay dalî mong masawan, kay dalîng manglumó ng̃ iyong pusò, kay dalî kang panghináan ng̃ túhod!...

“Iyán ba ang kabatáang pinang̃ápang̃árap ng̃ Dakilàng Rizal?

“Iyán ba ang kabatáang inaasahang tútubós sa Báyang itó na ng̃ayo’y nábibing̃it sa bang̃in ng̃ kamatáyan?

“Iyán ba ang mg̃a kawal ng̃ tagumpay Bukas?

“¡Ah, Kabatáan! kung ang mg̃a malilíit na kapisanan ay di mo mapagtiyagaang buháyin, papaáno kayâng pagbúhay ang iyong gágawin sa isâng Bayang malayà?

“Kaunti pang paghuhunosdilì, kaunti pang pagling̃ap sa dang̃al ng̃ katungkulan! Kauntî pang pag aáalaála sa kinábukasan!

“Samantálang ikáw, Kabataan ay waláng hanap [110]kundî sayá at ligaya, samantálang di ka natutútong umibig sa walâng likát na pagpapágod, pagbabatà ng̃ hirap, at pagsusunóg ng̃ kílay; samantalang, di ka natutútong tumalikod sa mapanghalinang kawáy ng̃ mg̃a bulaklák, sa matatamis na awit ng̃ mg̃a sirena, úpang makatupád sa isáng katungkúlan; samantalang ikáw ay nabúbuhay sa himpapawíd ng̃ mg̃a pang̃árap at di sa párang ng̃ paggawâ; samantalang ikaw ay walâng loob na íukol sa sarili mong bayan ang bawa’t galaw ng̃ iyong isip, bawa’t tibók ng̃ pusò, bawa’t sandalî ng̃ iyong panahón, bawa’t paták ng̃ iyong dugô; samantalang nananatili ka sa mg̃a ganyáng kalagáyan, ikáw, kabataan, ikaw ay di dapat tawaging Pag-asa ng̃ tinubuan mong lupà; ang dápat itáwag sa iyó ay Hampas ng̃ Diyós sa iyóng Lahì!”

Pinútol dito ni Gerardo ang kanyáng talumpatì. Dátí-dáti tuwî siyáng magsasalitâ nang hayág, ay di maúbos-úbos ang papuri sa kanyá ng̃ madlâ; ng̃uni’t ng̃ayón, maánong nagtamó siyá nang kahi’t gaputók na palakpák!

Sa mg̃a binatà marámi ang sa kanya’y ng̃ung̃usò-ng̃usò at iírap-irap; may iláng dadábog-dábog at búbulong-bulóng.

Si Choy ay tuwâng-tuwâ nang maalámang di mátutulóy ang ipinang̃akong sayáwan. Kamuntî na siyáng makalápit sa naka-lana upang [111]ito’y mábigyan ng̃ isáng mabining “Hiilatt!” Ang mukhâ ng̃ naka-lana ay di maipintá noón. Hindi nagkásiya sa isinimásimáng̃ot at ipinisépshe. Sa huling bahági ng̃ talumpatì ni Gerardo ay walâng ibinubugá ang nagkakangng̃ing̃iwi niyang mg̃a labì, kungdî payak na:

Suplado! Hambug! Hi...! Palalò! Yabang!... Para ka riyang isang lélong na nang̃ang̃aral sa amin ah! Cu...!

Pabulóng kun bigkasín ang mg̃a salitáng itó, na anopa’t walâng nakáririníg kundî yaong mg̃a malalapit sa kanyá!

Hindî lang ang bibig ng naka-lana ang nang̃ung̃usap: ang mg̃a matá niya ay may lalong mahalagáng bágay na inihahayág. Ang mg̃a namumutèng matáng iyón kun titígan si Gerardo nang siya’y nagsasalitâ ay parang tumitítig sa isang nag-papaálam na bibitayin, kundi man sa isang kabaong na, sa isang tigmak na sa dugô!

Ang naka-lana ay si Juancho!—si Juanchong masidhing kaaway ni Gerardo sa lahat ng̃ bagay; ang nabigông kandidato sa kamay ni Elena, ang bunsong kapatid ni Kápitang Memò na kanyang kinasapakat sa madugô niyáng paghihigantí kay Gerardo!—paghihigantíng gáganapin nilá sa gabí ding iyón!....


[112]

Nang matápos ang talumpatì ni Gerardo, ang pang̃ulo namán ng̃ “Dakilàng Mithî” ang pumagitnâ. Siyá ay isáng táo na di-masalitâ; at kung magsalitâ man siyá ay banayad, parang tinitimbáng ang mg̃a sinasábi; hindi siyá gumagámit ng̃ mg̃a salitâng labis at di kailang̃an; walâng bulá-bulaklák, waláng pahá-paháng̃in, gaya ng̃ daan-daan diyang mg̃a mananalumpatî na tuwing magsasalitâ ay walang nagagawâ kundi lunurin sa háng̃in ang sa kanila’y nakíkinig. Ang pang̃ulo ng̃ “Dakilang Mithî” (kun ibig ng̃ bumábasa na siya’y lalong mákilala) ay isang nagaaral ng̃ Derecho sa isang bantóg na paaralán sa Maynilà; ilang taón na lang at siya’y tútupad na sa dakilàng tungkuling pagtatanggól sa kápwa.—“Hindî bagay sa iyó ang mag-abogado, Abraham!”—ang láging iginigiit sa kanyá ng̃ mg̃a kaibigan—“Ang dapat mag-abogado ay yaóng mg̃a táong masalita, hindî ang mg̃a walang kibó na gaya mo!” Labis na batid ni Abraham ang kaululan at kahang̃alang isinisiwálat ng̃ mg̃a gayóng pang̃ung̃usap; kaya’t lalò niyang tinikís. Samantalang hinihigpitán ang kapit niyá sa pagaaral ng̃ Derecho ay lalòng pinag-ibáyo niya ang pagtitipid ng̃ salitâ. Sa paninikis na ito ni Abraham, ay ibig mandín niyang ipamatâ sa mg̃a bulág na pag-iísip ng̃ kanyáng mg̃a kakilála na upang maging isáng [113]mapagwagîng abogado ay di kailang̃an na magíng isang daldalero!... Kay rumami ng̃â namán ang nagkakamalî sa bahaging ito ng̃ Karunúng̃an, ang akalà nila’y sa pamamagìtan ng̃ isáng bung̃ang̃ang walang tahán ng̃ kábubugá, ay mapasusukò ng̃ isang abogado, sa alin mang usapin, ang kanyáng kalában; at ang isang táong bung̃ang̃ero ay pílit na magíging isang maningníng na abogado.

Kung gayo’y dapat manding imungkahì sa pamahaláan, na magtatág ng̃ isang Escuela de Derecho sa loób ng̃ Hospicio de San Jose para sa mg̃a nakukulóng doón, na kahi’t nagiisa ay... ¡usáp pa rin ng̃ usáp!...

Oh, magsipagtahan kayó mg̃a úlong marurupok!

Hindî pa ninyó batíd yaong mg̃a palásak na kasabihang: “Ang pantas ay walang kibo” alalaong baga’y hindì daldalero ni daldalera. (He who is wise, keeps still.) (Hombre de poco habla mucho piensa.) At, “ang salita ay Pilak (¡ng̃unì’t!) ang pananahimik ay GINTO!” (Speech is Silver, silence is GOLD!)

Hindî pa rin ninyó batid ang mg̃a katotohánang sumusunód:

1.—Na, upang maging pantás sa alin mang hánapbuhay, maging sa pag-aabogado at maging sa pag-memedico, atb., ay dalawáng bagay ang [114]kailang̃an: Una, Magmasid; ikalawa, Kumuro. Ng̃ayon, ako’y nagtatanóng, sino ang lalong malínaw magmasid at kumuro: ang isang walâng humpay ng̃ katututtuttut, ó ang isang tahímik na nakíkiníg at umiísip, maíng̃at na tumíting̃in at tumitimbang sa bawa’t tamaan ng̃ matá?

2.—Ang abogado, ó sino mang táong di masalitâ, tang̃i na lang ang mg̃a mangmang, ay may panahon upang pagarálan at lubáhing mabúti sa kanyáng ulo, ang isang pagkukurò, bago ihayág; nakapipilì siyá ng̃ mg̃a salitang angkóp at matitíbay; napipilì niyá ang lalong matíbay na paglalahad sa ibig sabíhin. Ano ang ibinubung̃a? Kaliwanagan! Lakas! Ang kaliwanágan ng̃ pang̃ung̃usap ay kapangyaríhan sa isang pagtatalo!

Samantalang sa kabilang dáko, ang isáng walâng pahing̃a ng̃ daldál, tang̃i pa sa nakayáyamót at nakaaaksayá ng̃ panahón (hindî lang ng̃ kanyáng panahon kundî patí ng̃ panahón ng̃ kausap) ay di nagagáwing timbang̃in at kuruìng mabuti ang isáng bágay bago ihayág; di napipilì ang mg̃a salitang dapat gamítin; walâng mahúsay at makatwirang pagkakasunódsunód ang kanyáng isinásalaysáy; nálalahók ang mg̃a bágay na waláng kabuluhán at di kaíláng̃an, at kun minsan pa’y sa kadalasán ng̃ salitâ ay di naiísip ni naaalaman ang [115]mg̃a pinagsasabí! Anó ang napapala? Kahinàan! Kagusután! Kalabuan!

At ang isang abogadong mahinang mang̃atwíran, magusút kung umisip at malábong mang̃úsap ay isáng abogadong ... ¡kahabág-habág!

3.—Ang mg̃a abogado na kapag nagtatanggól sa isáng paglilítis, ay walang nalálakasán kundî payák na paháng̃in at daldal, mg̃a paikot-ikot at walâng katuturáng pang̃ung̃úsap, ay paraparang kinasúsunukán, kinarírimaríman at hindi pinagdídidiníg sa loób ng̃ mg̃a hukúmang ináabot ng̃ liwánag ng̃ siglo XX... Ang tinatangkílik, ang kinasasabikán, ang dinídinig, ang kiníkiling̃an, di man sinasadyâ, ng̃ hiyáng ó simpatía ng̃ isang taál at pantás na hukom, at yaóng abogado na di nagaaksáya ng̃ salitâ, yaóng di nagsasalitâ kundi kailáng̃an, yaóng maalam ihayág ang ibig sabihin sa íilan at pinilìng salitâ, yaóng malumánay, banáyad, dapwa’t matibay at matalínong mang̃ang̃atwíran, yaóng bawa’t bigkasín ay may kahulugán, bawa’t isalaysáy ay malínaw at mahúsay—iyán ang túnay na abogadong dapat kilalánin ng̃ lahat.

Dápwa’t, gíliw na bumabasa, tayo mandin ay lubhang napapakálulong sa pagkakalayo sa sinúlid ng̃ ating kasaysáyan. Tayo’y búmalik at pakinggan natin kung anó ang sásabihin ng̃ [116]pang̃ulo ng̃ “Dakilang Mithî” sa kanyáng mg̃a kasamahán.

“Mg̃a kasáma:

“Upang tayo’y magkatipon, at makapagdáos ng̃ púlong, ako’y náyag na kayo’y dayàin.

“Ang pagdadayà ay masamâ.

“Ng̃uni’t kung minsán ay kailang̃ang gumawâ ng̃ masamâ upang matamó ang isang kabutihan.

“Kailang̃ang barilín ng̃ isáng pinunò ang sundálo niyáng tumátakbó sa labanán upang ang ibá ay huwag magáyang umúrong.

“Kailang̃ang sugátan ang bató upang mapalabás ang kanyáng apoy.

“Ng̃ayon: alam na ninyó kung bakit kayo’y aming dinayà.

“Ayókong aksayahín pa ang mahalagá ninyóng panahón.

“Pasimulán nátin ang púlong.

“Mg̃a ginoó: anó ang inyóng pasiya? Sa áking akala’y ang kapisánang itó ay dapat nang lansagín.

“Dapat lansagín ang sabí ko sapagka’t walang kabutihan siyang nililikhâ; bagkus pa ng̃ang payak na kasamâan ang kanyang ibinubung̃a.

“Sa kapisánang itó nagbubúhat ang pagbibigátan ng̃ loób, díto nababanáag ang lahat ng̃ mg̃a ugáling karumaldúmal ng̃ kabataang Libis; dito nádadamá ang maráming katotohanang [117]masasakláp na dápat ikahiyâ ng̃ ating mg̃a nunò sa kabiláng búhay.

“Hindî kayâ marápat na lansagín ná ang kapísanang iyán?

“Hintáy ko ang pasiyá ng̃ kapulúng̃an.

Ang kapulúng̃an ay di sumásagot. Ang banáyad ng̃uni’t matitinding pang̃ung̃usap ng̃ pang̃ulo, ang nang̃ing̃inig niyáng bóses, ang kanyang nagbabagang paning̃in, ay nagpayukô sa lahat. Ni si Juancho, ni si Choy, ni ang naka-itim ay walâng naihumá.

Naghaharì sa boóng báhay ang piping katahimikan. Nakaraan ang limang minuto; walâ pa ring sagót.

Walang kamalák-malák ay nang̃agtilian ang mg̃a babáe.

“Demónyo! Tatay ko! Demónyo! Nanay ko! Demónyong sung̃ayan! Demónyong may buntot!”—ang sigaw niláng dî magkamáyaw.

At demónyo ng̃â namán!... (Noon ay kasalukúyang nagdadaos ng̃ Karnabál sa Maynilà.)

Sinalúbong ng̃ pang̃ulo sa hagdánan ang nakabalat-kayô. Isáng liham para kay Gerardo ang taglay niyá.

—“Síno kayâ itó?”—anang naka-itim at pagdaka’y lumápit sa demonyo na nakating̃in kay Gerardo samantalang binabasa nito ang tinanggap na liham. [118]

—“Sino ka bagá, ha?”—ang mulîng tanong ng̃ naka-itim, at pagdaka’y sinulot sa tagilíran ang nakabalatkayô.

—“Aruy! Tinamaan ka ng̃...!”

Ang ¡aruy! ay ibinung̃a ng̃ isáng tábig ng̃ demonyóng nakilitî—tabig na tumamà sa sikmurà ng̃ pang̃ahas. Dalì-dalìng umupo ang naka-itim na tutóp ang tiyán.

Humúgong sa tawa ang boong bahay.

Ang pang̃ulo ay pumukpók sa kanyang laménsa. Naputol ang tawánan dapwa’t di ang bulúngbulúng̃an, di ang pagsulyáp sa demónyo at sa tinábig niyáng napang̃iwi’t súkat.

Síno ng̃a kayâ iyan?” ang mulîng usisa ng̃ bálana.

—“Ah, kilala ko na! iyán ay si Tunyò”—anang isa.

—“Hindî, si Basio iyán!”—anang isa pa—“tingnán mo’t ang katawán ay Basiong-basio!

—“Hindî; maniwalà kayó,”—ang sabád namán ni Choy—“iyan eh si kumpáring Kulás.”

Malî silang lahat. Si Juancho lámang ang nakababatid kun sino ang demonyóng iyon!

—“Pagsalitaín ng̃â natin”—ang bigkas ng̃ isang pingkaw—“Hoy demónyo! demónyo! magsalitâ ka ng̃â.” [119]

Ang demónyo’y parang bing̃í. Hindi ináalis ang ting̃in kay Gerardo na pagkatápos na mabása ang sulat ay lumapit sa may dalá at tumanóng:

—“Sino kayo?”

Ang demonyo’y parang pipi. Kumumpás-kumpás na lang at iginaláwgaláw ang ulo na tila ang ibig sabihi’y:

“Manáog ka sa lupa’t doón táyo magkakaalam!”

Si Gerardo ay napang̃itî na lang sa ikinumpás-kumpás ng̃ nakabalatkayô. Dapat kayâ siyáng sumáma? Tiningnán ang liham at sandaling nag-alinláng̃an; pagkwa’y,

—“Táyo!”—anya, at inakbayán pa mandín ng̃ demonyo, bágo silá nanáog.

Naku! Si Gerardo!—ang di man kinukusa’y nalaglág sa mg̃a labì ni Pacita na malakíng totoó ang tákot sa demonyo, palibhasa’t noón lang siyá nakakita ng̃ gayóng gayák.

Si Elena namán ay putlâng-putlâ; kákabá-kabá ang kanyáng dibdib.

—“Kilalá mo ba iyón?”—ang pang̃atál na tanóng kay Florante na kanyáng kaibigan, at noó’y kasiping sa upô.

—“Hindi, ah!”

—“Masamâ ang kutob ng̃ áking loób. Nagíisá [120]si Gerardo—Baka siya’y kung anhin!... Ako’y nang̃ang̃ambá!”...

—“Susundán ko!”

—“Para mo nang awà Florante.”

Noón di’y nanáog ang binatà.

[Nilálamán]

XV

“Gerardo, Násaán ka?”

Ang púlong na binagabag ng̃ demonyo ay mulîng pumayapà.

Maging ang mg̃a laláki at maging ang mg̃a babáe ay áayaw sumukò; áayaw pumáyag na lansagin ang kapisánan.

Aywan kung dáhil sa anóng kababalaghán, aywan kung dáhil sa talumpatì ni Gerardo ó kung dáhil sa pagsipót ng̃ demonyo, ang lahat ng̃ mg̃a taga-“Dakilàng Mithî” ay nakitáan noóng mg̃a sandalîng iyón ng̃ isáng kagúlat-gúlat na pagbabágo. Katúlad sila nina Adán at Eva na nang mapagkurò ang kaniláng pagka-hubád ay nang̃ahiyâ’t dálidáling nagsipágtapî; katulad silá ni San Lázaro na nang patindigin ni Krísto, sa kanyáng libing ay tumindíg ng̃â’t muling nabúhay. Anopa’t sa minsáng [121]sábi, ang naunsiyaming siglá ng̃ “Dakiláng Mithî” wari baga’y muling nanariwà.

Pinagkáisahan na ipatutúloy ang lahát at báwa’t isá ng̃ mg̃a panukalàng nabibitin; álalaóng bagá’y ang úkol sa páaralán, aklátan papúlong, mg̃a campaña, atb. At noón ding gabing iyón ay nag-ambágan ang lahát, máliban na lang ang ilán na talagáng ibig nang tumiwalág sa samahán; kaya’t walang kamalák-malák ay nakatípon at súkat ang ing̃at-yáman ng̃ salapîng sapát at katamtáman upang maisagawâ ang kaniláng mg̃a matatáyog na pang̃árap na muntî nang mabulók.


Sa hulîng bahági ng̃ púlong ay nagkaroón ng̃ kaunting pagtatálo; pinagtalúnan ang kung nararápat ó hindî na ang kapisánan ay manghimások sa politika.

Si Faure ay nagsasabing nararápat; at siyá ang nagpalagay na ang kapisanan ay maaáring lumahok sa polítika; samantálang sa kabilang panig si Juancho namán ay nagmamatigás na di nararápat. Itóng hulí ay bumigkás ng̃ isáng mahabàng talumpatì na dinulúhan ng̃ mg̃a ganitóng pang̃ung̃usap:

—“Manghimasok táyo sa polítika?... Kay samâng palagáy!... Táyo na mg̃a batàng-batà [122]pa, ¿anó ang áting masasápit sa gáwaing iyán?... Huwag táyong pakasúlong, mg̃a kabinatà, huwág mang̃ahás sa di nátin káya... Kailang̃an dito’y mahabàng pag-aáral, mg̃a malalálim na pagkukurò at pag-iísip na hinóg at di hiláw na gáya ng̃ átin. Ipaubayà iyán sa mg̃a matatandâ; iya’y di nábabágay sa kabatàan”....

Si Juancho ay umupô; pagdáka nama’y tumindíg sa dákong likod niyá si Faure.

—“G. Pang̃ulo”—anya—“di ako namamanghâ sa pagsalung̃át ni ginoóng Santos sa áking palagáy; kamí ay láging magkalayô ng̃ damdámin; siya’y isá sa mg̃a sumásambá sa bandilàng áyaw hiwalayán ng̃ mg̃a Pederal; ang ng̃álan ko nama’y nakatítik sa plataforma ng̃ Partido Nacionalista.... Wikà niya’y di táyo dápat manghimások sa polítika, sapagka’t táyo raw ay mg̃a batàngbatà pa, sapagka’t tayo’y walâ pang káya.... Di ko hinahanápan ang ginoó ng̃ ibáng paghahakà.... Walâng káya! Iyán ang bukáng-bibig ng̃ mg̃a gaya niyáng Pederal at ng̃ kaniláng mg̃a amá-amáhan; iyán ang kaniláng pang̃arap araw gabi, iyán ang lagì niláng naguguni-gunitâ, dinádasál-dasál, ibinúbulóng-bulóng... Ipinahihiwátig ko sa aking katálo na sa pagnanasà kong pumások ang kapisánan sa bakúran ng̃ polítika, ay walâ akóng minimithî kundi ang pagsikápang liwanágan ang [123]mg̃a tungkúlin ng̃ mg̃a mámamáyan sa kaniláng Tinubúan; bakáhin iyáng ating namamalas ng̃ayóng mg̃a kahálay hálay na pagwawalang bahalà, mg̃a kasagwâan ng̃ ilán sa ating mg̃a pinunò, at ang mg̃a duwág na pagyuyukô ng̃ ulo sa haráp ng̃ mg̃a mapagharì-harìan. Hiláhin sa liwánag ng̃ áraw at ihantád sa matá ng̃ Bayan ang mg̃a kaáway niyáng lihim, sina Masasakim, sina Mapagbalatkayó, sina Kukong-lawin. Pukáwin ang lakás ng̃ lahì upáng palayasin dito ang mg̃a dayúhang magdarayà na sumasalung̃at sa kanyáng pinakamámahal na damdámin at náis, at yumuyúrak nang líhim sa karapatán at kalayàan na pamána ng̃ Diyós sa kanyá. Ipaála-ála sa kanyáng lagì na ang Báyang di kumikilos ng̃ ganitó, ang Báyang nagtítiís sa pagwawalâng kibô at nagkakasya na lamang sa lihim na pananang̃is, kapág siya’y dinudusta, ang bayang iya’y alípin, busabos, duwág... Itó, mg̃a kababayan, ang pinakamimithi kong layunin ng̃ ating kapisánan. ¿At alin ang kaluluwáng may dang̃al, matandâ man ó batà, na makapagsasabing siya’y walang lakás at káya na tumupad na ganitóng dakilang katungkúlan?

“Mg̃a batà pa raw táyo! Ang isip yata’y pulós na matatandâng hukluban lamang ang marúnong sumurì sa mg̃a bágay na iyán!... Sa isáng binatà ay walâng dápat makasindák, walang dápat makapígil [124]sa kanyáng paglakad, waláng dapat makahadláng sa kaniyang iniíbig; kaya’t walâ sa matwid ang isang magsábing tayo’y walâng káya na maghimasok sa polítika.”

Si Juancho noo’y kasalukuyang ninenerbyos. Di magkantututo sa pagsigaw ng̃:

—“G. Pang̃ulo; hindi ko maáayunan ang mg̃a ipinahayag ng̃ hulíng nagsalitâ, hindi ng̃a po, at makásanglibong hindî!!...” (at dito’y pinang̃inig pa mandin ang boses na ubos-diin) “Ipinalálagay ko pong ipaliban ang pagtatalo sa...”

Isáng malakás na pukpok sa lamesa ng̃ Pang̃ulo ang ikinaputol.

—“Di matátanggap ng̃ mesa ang inyóng palagáy,”—anya—“sapagka’t di pa napasisiyahán ng̃ pulong ang palagay ni G. Faure na kinatigan ni G. Lauro.”

Dali-daling umupô si Juancho. Nagpatuloy ang Pang̃ulo:

—“Mayroón pa bang pagtatalo tungkól sa bagay na ito?... Kung wala, lahat ng̃ umaáyon sa mungkahi na ang kapisanan ay maáaring manghimasok sa polítika, ay magsitindig.”

Sa apat na pu’t tatlong kaanib na naroroón, ay anim lang ang di tumindig.

—“Ginoóng Pang̃ulo”—ang mulîng bigkás ni Faure—“Ipinalálagay ko pô na ang ‘Dakilàng Mithî’ sa pamamagitan ng̃ kaníyáng pang̃ulo, [125]at kalihim ay magpadalá ng̃ isáng kalatás sa bawa’t kapisánan ng̃ kabatáang natátatag sa Sangkapulûan, upang sila’y anyayáhan na umánib sa átin sa paghing̃î sa Báyang amerikano ng̃ lalòng madalî at karakarakang Pagsasarilí ng̃ Filipinas.”

—“Kinakatigan ko pô ang palagáy ni G. Faure”—ang pagdaka’y isinunod ni Pacita.

Lahát ng̃ matá ay nakasulyap kay Juancho, na sapagka’t leader ng̃ mg̃a pederal sa “Dakilàng Mithî” ay siyang lalòng may katungkúlang sumalung̃at sa gayóng mungkahì.

Nakaraan ang iláng sandalî.

Si Juancho ay dî umiímik! Nakapakò ang paning̃ín sa kanyáng orasán na para bagáng binibilang ang mg̃a ¡tiktak-tiktak! nitó. Manaká-nakáng ting̃alaín at pakiramdaman ang bubóng na páwid ng̃ báhay. Ang boông anyô niyá ay gaya ng̃ sa isáng mang̃ang̃áso, na mulâ sa malayò ay nakikiníg sa takbuhan ng̃ mg̃a usá.

Sa gayóng lagay ni Juancho, ay di niyá nápapansín ang ikinindát-kindát sa kanyá ng̃ kanyáng mg̃a manók na ang ibig sabihi’y “Lantakan mo!”; di niya nararamdamán ang mg̃a kalabít sa kanyá ng̃ mg̃a násalikod; di niya alumána ang pang̃ung̃unot ng̃ noó ng̃ naka-itim na nang di na makapagbatá ay bigláng [126]lumundág at úbos lakás na inahiyáw ang isáng matápang na

—“G. Pang̃ulo!!”

—“G. Kabúyas”—ang tugón namán ng̃ pang̃ulo.

Si Kabúyas ay naghágis muna kay Juancho ng̃ isáng nanglilísik na ting̃in, bágo nagpatuloy:

—“Sa ng̃alan pô ng̃ dang̃ál ng̃ ‘Dakilang Mithî’ ay tinututúlan kong mahigpit ang mungkahì ni G. Faure.

“Hindî ko mapagkurò kung bakit ang isáng magiting na ginoóng gaya ni G. Faure ay makaísip na magharáp dito ng̃ isáng palagáy na waláng kaúlo-úlo at walâng maibubung̃a kundî libo-libong pulà sa katalinuhan ng̃ ‘Dakilang Mithî!’”

—“Bravo! Bravo!!”—ang di magkamáyaw na sigaw ng̃ mg̃a pederál. Ito’y lalò pa manding nagpainit kay Kabúyas.

—“Oo ng̃a pô, mg̃a binibinì at ginoó, kapag ang kapisánang ito ay tinanggáp ang palagáy ni G. Faure, ang kakamtán natin ay di lang libo-libo, kundî yutà-yutàng pulà!!

“Anó pô ang ating mahihitâ sakali ma’t umanib sa atin ang ibáng mg̃a Kapisánan sa paghing̃î ng̃ karakarakang pagsasarilí sa Báyang amerikano?

“Didinggín bagá táyo ng̃ pamahaaán? Makikitúng̃o [127]ba ang pamahalaáng iyan sa mg̃a gáya nating musmós?

“Kung ang Kapulung̃ang Báyan ng̃â ay di pinakitung̃uhan nang huming̃î itó ng̃ Pagsasarili, ¿táyo pa kayâ?

“Malaking katiwalìan ang nilaláyon ni G. Faure!

“Kung ang kapisánan ay may talino at dang̃ál, ang palágay na ito’y di niyá sasang-ayúnan.

Si Kabúyas ay naupô sa gitnâ ng̃ boông kasiyaháng loób. Si Faure namán ang tumindíg.

—“Mg̃a kasamahan,”—anyá—“itinatanóng ni G. Kabúyas kun anó raw ang mahihitâ ng̃ kabatàan sa paghing̃î ng̃ karakarakang Pagsasarilí. Hindî pulà gáya ng̃ maling hinágap ng̃ áking katálo kundî pagpúri pa ng̃â ng̃ ating báyan sa ganitong pagkilos.

“Hindî man táyo dinggin ng̃ Báyang amerikano ¿ay anó? Makagaganáp tayo sa isang katungkúlan! Katungkúlan ng̃ bawa’t táo na hing̃in ang Kalayàan ng̃ kanyáng Lupà kapág ito’y handâ nang lumayà. Mg̃a busabos lang ang ayáw huming̃î ng̃ Kalayàan. Ang Pilipinas ay maláon nang handâ sa isáng Malayàng Búhay. Ibig ba nátin na ang kabatàang Pilipino ay pang̃anláng mg̃a busábos?

“Hindî lang pagganáp sa isáng katungkúlan ang nilalayon ng̃ áking mungkahì. Ibig ko ring [128]ipamatá sa Pamunúang amerikáno ang katotohánan na di lang ang mg̃a matatandâng pilipino, kundî patí ang kabatàan ay nagkákaisá sa pananalig na ang pagsasarilí ng̃ Pilipinas ay dápat nang ibigáy sa kanyá; at dáhil sa katotohánang ito ay panahon na ng̃ayóng ang Pamahalaáng iya’y magbágo ng̃ kilos; dápat na ng̃ayóng manaíng̃a at mag-áral gumálang sa damdáming isinisigáw ng̃ Káluluwá ng̃ Báyang namamanhík sa gitnâ ng̃ dúsa. Panahón na ng̃ayóng dápat ipamálas ng̃ Amerika, di lamang sa haráp ng̃ Kapilipinúhan kundî patí sa harap ng̃ Sangsinúkob, na siyá ay may isáng púsong túnay na bayáni ng̃ Kalayàan. Panahón na ng̃ayóng dapat isagawâ ang pang̃ung̃úsap ni McKinley, na ang hang̃ad ng̃ Báyang amerikano, sa kanilang panghihimasok díto, ay di ang pagsúpil kundî ang pagpapalayà sa mg̃a pilipino, (not as a conquering, but rather as a liberating nation.) At panahón na rin ng̃ayóng dapat ipagsigáwan sa mapagbing̃íbing̃íhang Amérika ang di maitátakwíl na katotohánan, na isáng panglulúpig at walâ kundî panglulúpig ang magharì sa áyaw paharì; na isáng ásal-ganid ang pagsikíl sa buhay ng̃ may karapatáng mabúhay nang malayà; na isáng ásal-háyop ang pagsasamantala ng̃ Malakás sa Mahinà!... [129]

“Anó pa ang hinihintáy ng̃ Pamahalaáng nakasásakóp? Ibig ba ng̃ Pamahalaáng iyán na si Washington at ang kanyáng mg̃a kapanahóng namuhúnan ng̃ dugo, sa pagtatagúyod sa hang̃ád ng̃ báyan nila nang maghimagsik; ibig ba ng̃ Pamahalaáng amerikano, aking inuulit, na magsibalikwás ang mabubunying kaluluwang itó sa kaniláng libing̃an at siyá ay sisíhin sa di pagtupád sa kanyáng tungkúlin? Alin pang áraw ang ibig dumating? Kun kailan ba pumutî ang uwak?”...

Napútol dito ang talumpatì ni Faure. Si Juancho noón ay biglang lumundag mulâ sa kanyáng upô at nagsisigáw ng̃—“Sunog! Sunog!! Sunog!!!”

At siyá ng̃â namang totoo! Nagliliáb ang palupo ng̃ báhay!

Nang̃amutlâ ang lahát. Di magkamáyaw ang mg̃a “tubig!” at “Diyos ko!” Nang̃agtilían ang mg̃a babáe. Nang̃ag-iyákan ang mg̃a batà.

Takbó ríni at takbó roón; sigáw dini at sigáw doón.

Nang̃ag-unahán ang lahat sa pagpanáog.

Lumalakí ang apóy! Tupók na ang bubóng ng̃ báhay.


Samantalang nagkákaguló ang lahat sa lupà, doon naman sa itaás ay may ibang nangyayári. [130]

Dalawáng táo ang nakatayô sa punò ng̃ hagdan: isang babáe na pinipigil ng̃ isáng lalaki.

—“Elena,”—ang mabang̃ís na wikà nitong hulí—“sasáma ka sa ákin ó ikáw ay mamámatay!

—“Ulól! at síno kang sasamáhan ko?”

—“¡Ang katawán mo ó ang iyong búhay!!—ang muling sigaw ng̃ lalaki at lalòng hinigpitán ang pigil sa kamay ni Elena.

—“Háyop! bitíwan mo akó!”

—“Di maaarì!”

Sa kapipitlág ni Elena ay nabitáwan ng̃ pumipigil ang kanyáng kamáy. Hálos palundág na nanáog. Ng̃uni’t di pa hálos nararatíng ang kalahatìan ng̃ hagdán, siya’y inábot na namán ng̃ taksíl. Ang pang̃ing̃ibábaw ng̃ Malakás sa Mahinà ay mulíng napatunayan.

Sinapúpo ng̃ lalaki ang binibining nanglalambót; ipinanhík mulî, at saka ipinanáog doón sa kabiláng hagdán, sa bandáng likód ng̃ báhay. Walâ doón ni isáng táo, sapagka’t ang lahát ay nagkakatípon sa harapán.

—“Gerardo, oh Gerardo! násaan ka?”—ang táng̃ing naisigáw ni Elena.

—“Gerardo?, anóng Gerardo?”—ang pairíng na tugón ng̃ lalaki.—“Anó pa ang Gegerarduhin mo ng̃ayón? Si Gerardo’y patáy ná!”

—“Tampalasang táo!!” [131]

—“Yaóng nanhík kanínang suót demónyo ang siyáng umutás sa kanyá!”

—“Oh mg̃a tampalásan!!

Si Elena ay hinimatay.

—“Lalong mabuti!”—ang sa sarilí’y nawikà ni Juancho, at pagdaka’y inalúlan ang abâng si Elíng sa kalesa niyáng doo’y inihandâng talagá.—“Kutsero, pika!!” [132]

[Nilálamán]

XVI

Sa iláng ng̃ mg̃a Aswáng

Ang líham na tinanggáp ni Gerardo ay lábis nang nag-úlat sa kanyá na sa gabing iyón ay pilit siyáng makasasagupà ng̃ isang kataksilán.

Lábis din niyáng alám na ang pagpáyag na sumáma sa demónyo ay lubhâng mapang̃ánib.

Dápwa’t umúrong sa pang̃anib ay ugalì lang ng̃ mg̃a pusong marurupók, hindî ng̃ mg̃a gaya niyáng walâng tákot na kinikilala kundî ang tákot sa kaniláng Diyós at Báyan; hindî ng̃ mg̃a

“Mapagbiróng lagì sa tampó ng̃ buhay

“Mapaglarô kahi’t sa labì ng̃ hukay.”

Ang gabí noón ay sakdal ng̃ dilim. Sa maulap at masung̃it na lang̃it, ay walâ ni isa mang bituin.

Nang siná Gerardo ay mapaláot na sa gayong kadilimán, ang demonyo ay nagtumúlin ng̃ lakad. Si Gerardo naman ay nagliksí din.

—“Sabihin na, páre, kung kayo’y sino;”—ang patawang wika ng̃ binatà sa kanyang kasama. [133]

Ang pagkapípi ng̃ demonyo ay patúloy pa rin. Walang itinugón kay Gerardo kundî mg̃a di mawatásang bulóng; at lalòng binilisán ang hakbáng.

Saán silá patúng̃o? Itó maráhil ang ibig na maaláman ng̃ bumabasa.

Dapat munang unawain na ang báhay nina Pepe na kanilang pinanggaling̃an ay nagíisang nakatayô sa labás ng̃ báyan ng̃ Libis, sa tabi ng̃ isang mahabàng dáan na patung̃o sa Maynilà. Mulâ sa bahay na iyón, ang isáng maglalakbay sa Maynilà ay kailang̃ang lumakad ng̃ mg̃a isáng óras bago dumating sa kapwà báhay. Ang dáang itó na patung̃o sa Maynilà, ay siyáng tinatalakták nina Gerardo. Kalahating óras na siláng naglálakad ng̃uni’t di pa tumitigil. Naiinip na si Gerardo, dapwa’t gayón na lang yatà ang kagandahan ng̃ kanyáng ugalì na kahi’t ang isáng pagkainip ay áayaw ipahalatâ kahi’t sa isáng demonyo. Bukód sa rito’y talagá namáng nátigasán niyá ang pakikipagtagálan sa kanyáng kasáma saan man siya dalhín palibhasa’t malaki ang nais niyáng mabatid kung tunay ng̃ang matutupad ang mg̃a sumbat sa kanyá na natatalâ sa tinanggáp na liham.

Sa di kawasa’y lumikô ang demonyo sa isáng landás. Ang binatà nama’y lumiko din. [134]

Di naláon at sila’y sumápit sa isáng iláng, na dáhil sa kasukálan, ay matatawag nang gúbat. Isang bahagi ng̃ iláng na íto ay pinang̃ing̃ilagang lubhâ ng̃ mg̃a matatakuting taga-Libis túlad ng̃ pang̃ing̃ilag nilá sa isáng libing̃an. Di umano’y may mg̃a lunggâ doón ang mg̃a aswáng. Di umano’y ang mang̃ahas na máglagalág doón sa kalalíman ng̃ gabí ay nawawalâ’t súkat. May mg̃a báboy daw na sung̃ayan, mg̃a kalabáw na parang bága ang mg̃a matá, at mg̃a ásong singlalakí ng̃ kabáyo, na parapárang nanghaharang doón.

Itó ang lugal na tinutung̃o ng̃ demónyo.

—“Abá pare,”—ang birò ng̃ binatà—“¡baka tayo’y harang̃in diyán ng̃ aswang!”

Lalòng nagtumúlin ng̃ lákad ang demónyo at saka tumigil ng̃ biglâng-biglâ.

Dinukot sa bulsá ang isang aywan kung anó, bago inalápit sa mg̃a labì. Hinipan. Ang tunóg ay katúlad ng̃ huni ng̃ ahas. Noon di’y pahang̃os na tumátakbo sa kanilang kinatatayuán ang isáng... ¿aswáng na kayâ?... putót na putót ng̃ damit na itím—tulad sa itím ng̃ gabí.

Ang bágong-datíng at sakâ ang demónyo ay lumayo sa binatá ng̃ iláng dipá, at nagbulung̃an.

Sandalî lamang at ang demónyo’y pasugód na lumápit kay Gerardo. Sinaklót itó sa liig, at sakâ nagng̃i-ng̃itng̃it na tumanóng: [135]

—“Walâng-hiyâ, ¿kilalá mo ba akó?”

Kumulô ang dugô ni Gerardo sa ginawâng iyón sa kanyá. Isang suntók na úbos diín sa sikmurà ng̃ demonyó ang kanyang iginanti. Ang liíg niya’y nabitiwan at súkat ng̃ pang̃ahás na ng̃atál na ng̃atál sa poot, at di magkantutúto sa pagsigáw ng̃ sunódsunód na.—

—“Waláng-hiyâ!! magsísi ka ná ng̃ iyóng kasálanan! ng̃ayón, ng̃ayon mo akó makikilala!!”

Sa sasál ng̃ gálit, at sa gitnâ ng̃ pagng̃i-ng̃itng̃ít, ay di nabatá ang di damukúsin ang mukhâ ni Gerardo.

Si Gerardo na noó’y pigil sa bisig ng̃ kasapakát ng̃ kanyáng kaáway, palibhasá’t nadaíg siyá noón sa lakás, ay walâng naitugón kundî mg̃a sipà.

—“Ulupóng!! mg̃a duwág!! Ganyán ang mg̃a duwág!!”

—“Pápatayin, pápatayin kitá, salbáhe!!” ... Umúrong ang demonyo ng̃ isáng hakbáng; itinaás ang kanang kamáy, at nagpatúloy:

Nakikíta mo ito, anák ng̃...?”—Noón ay kumidlát; at sa pamamagitan ng̃ liwanag nito, ay napagmalas ng̃ binatà ang kakilakilabot na talibong ng̃ kaaway.—“Itó, itó, ang sa iyo, ng̃ayóy uutás! Uutás! nauunawàan mo ba?”

—“Sa mg̃a duwag akó’y di natatákot!”—ang nakabibing̃ing sigaw ni Gerardo; at úbos lakas [136]na nagpumilit makakulagpós sa pumipigil sa kanyá. Walâng nasapit ang abâng binatà sa mg̃a bakal na bisíg ng̃ yumáyapós sa kanyáng katawan ¡Isa pang saksi ng̃ pang̃ing̃ibabaw ng̃ Lakás sa Hinà!

—“Binagábag mo ang mapayapà kong buhay;”—ang dugtóng ng̃ demonyo—“isiniwálat mo ang mg̃a lihim na pinakaiing̃at-ing̃atan ko, ginising mo ang poot sa akin ng̃ isang báyang dati’y nakayukô sa aking bawá’t maibigan, pinakalaitlait mo ako, pinakadustâdustâ sa matá ng̃ lahat,—ano ang sa aki’y nalálabí? Anó ang dápat kong gawín? ¡Hindì akó isáng babáe na sa gitnâ ng̃ pagkasawî, ay masisiyahan sa pagtutukmol, sa pananambitan, at pananang̃is! ¡Hindî ako ang ulól na magsisisi sa aking mg̃a nagawâ; hindî ako batàng musmos na mapalúluhód sa aking mg̃a ipinahámak úpang sila’y hing̃an ng̃ tawad! Ah, hindî!... ¡Akó ay isáng tunay na laláki—isáng laláking buháy na lagì ang loób!—Akó ang bantóg na si Kapitang Memò na di nagugúlat kahima’t sa kamatayan! ¡Akó ang laláki na marúnong maghigantí!!... Ah, walâng hiyâ! Tálastasin mo na isinumpâ ko ang ikáw ay patayín! patayín!! patayín!!! Unawâin mo patayin!!! Nárito, nárito akó, nárito si Kapitang Memò upang tumupád sa kanyáng sumpâ!!” [137]

Mulîng itinaás ng̃ sukáb ang kánang kamáy; ¡dápwa’t ang karawaldawal na náis ay di nagwagí!... Isáng sing-bilís ng̃ kidlát ang noo’y namagitnâ, pumigil sa nakayambáng kamáy, at umágaw sa matúlis na patalím.

Sa sumunód na sandalî, si Kapitang Memò ay nábulagtâ. Si Gerardo’y ligtas; iniligtas siyá ni Florante, na sa gitnâ ng̃ gayóng kabayanihan at pagwawagí, di kinukusa’y napasigaw ng̃—“Oh mg̃a swail!! Ang Diyos ay hindî natutúlog!”

Nang mámalas ang pagkakátimbuwáng ni Kapitang Memò, ang kanina’y pumipigil kay Gerardo ay kumaripas ng̃ takbó.

Sinundán siyá ng̃ dalawáng magkatóto, dapwa’t di inabutan. Biglâng nawalâ. Kinupkóp ng̃ dilím!...

Oh ang nagagawâ ng̃ dilím ng̃ gabí!

Ang kadilimán bagáng iya’y nilaláng na talagá úpang makatúlong sa mg̃a karúmaldúmal na adhikâ, at mapagtagúan ng̃ mg̃a sukáb?

Kung túnay na ang Diyós ay siyáng lumaláng sa kadilimáng iyán, .... ang katotohánang itó, kung katotohánan ng̃â, ay nakapagpapa-alinlang̃ang lubhâ sa pagka-makatwiran ng̃ Diyós na iyán!... [138]

[Nilálamán]

XVII

Diyata’t buháy ka pa?

Dumating ang magkatoto sa mahabang daan na patung̃o sa Maynilà.

Kaginsaginsa’y naulinigan nilá mulâ sa malayò ang isang sasakyang humahagunot... Lumaláon ay lumalakas, sa kanilang pakinig, ang kalugkog ng̃ mg̃a gulong; lumalaon ay tumitingkad, sa kanilang paning̃ín, ang dalawang ilaw ng̃ sasakyan. Di nagtagal at nálapit ang kalesa sa magkaibigan.

Tuming̃in ang dalawang binatà sa loob. Nakilala nila ang lulan: si Elena at ang taksíl! Nagulamihanan si Gerardo. Natigilan sandalî, at ... kagaya ng̃ isang ulol na hinagad ang sasakyang lumilipad. Sinundan siya ni Florante.

Sino ang makatatatáp sa makamandág na mg̃a damdaming noo’y gumigiyagis at sumásakal sa pusò ni Gerardo?... Oh! Diyatà? Ang kanyang kasi sa piling ng̃ ibá, sa piling ng̃ isang kaaway? Diyatà? At sa gayóng dilím ng̃ gabi? At sa gayóng mg̃a pook?... Oh! Kataksilan!... At yaong mabilís na takbóng iyon, ¿anó ang kahulugan?...

Paninibughô, poot, pagka-awà sa kanyang [139]irog, ay sunod-sunod na dumatál sa boô niyang katauhan. Ang sigaw ng̃ kanyang dang̃al, ng̃ dang̃al ng̃ kanyang pagkalalaki, ay daglíng pinukaw ang bang̃ís at init ng̃ silang̃an niyang dugô, pinawì ang pagkahapò ng̃ kanyang katawan, at nagdulot ng̃ ibayong lakás at siglá sa nanglulumóng dibdib.


Walâng tugot ng̃ katatakbó ang dalawang magkatóto. Lumalaon ay lumalaki ang pagitan nila at ng̃ sasakyan. Sasabihin ng̃ mg̃a pusòng mahihinà, na sila’y walâ nang pag-asa. Dapwa’t di gayon. Sa mg̃a kawal na iyon ng̃ kabayanihan, ang pag-asa sa isang pagwawagí ay lalong kumikinang at nagbabaga habang napápabíng̃it sa pang̃anib, pagkasawî at kamatayan.

Talagáng ganyan ang mg̃a bayani!

Talagang ganyán ang mg̃a naghahabol at umuusig sa ng̃alan ng̃ Matwíd, sa ng̃alan ng̃ Dang̃ál, sa ng̃alan ng̃ isáng dalisay na Pag-ibig! Parating buháy ang Pag-asa! Papaano’y buháy na lagi ang pananalig na, sapagka’t katwiran ang hánap, ay may isáng makatwirang Bathalà sa Lang̃it na sa kanila’y tutulong at magdudulot ng̃ tagumpay.


[140]

Pagkaráan ng̃ ilang sandalî, ang sasakyáng hinahábol ay sumapit sa isáng tuláy na lumà. Sa isáng dulo ng̃ tuláy na iyon ay may isáng malakíng bútas na, sapagka’t di pa natatagalan ay di alám ni Juancho, ni ng̃ kutserong si Kikò, ni ng̃ kanilang kabáyo.

Nangyari ang di hinihintáy: Ang mg̃a páang unahán ng̃ hayop ay tumamà sa butas,—kaya’t dagling napatigil. Ang kabáyo ay di makabáng̃onbang̃on sa pagkasubásob. Nagkangbabalì ang latiko at nagkangmamálat si Kikò sa pagsigáw, dapwa’t maanong natinag ang hayop sa pagkápang̃aw!

Si Juancho ay galít na galít sa kanyang kutsero. Bumaba sa kalesa at pagdaka’y binatukan nang makalawa ang abang si Kikò.

—“Torpe! animal! bruto! Mang̃utsero lang ay di ka marunong!... Bakit di kalagin ang tirante, cabrón?”

Si Kiko nama’y susukot-sukot na isinauli ang latiko sa lalagyan, at saka susukot-sukot ding kinalág ang tirante. ¡Kay bait na tao! Pagkababàbabà ng̃ loob! ¡Kay gandang ugalì! Mg̃a taong gayá niya’y dapat pagkawang-gawaan ng̃ lahat ng̃ mg̃a nang̃ang̃arap at nagmamalasakit sa isang maligayang bukas ng̃ Bayang Pilipino! Dapat patulugin ang mg̃a taong ganyan sa isang palasio na may isang dinamita [141]sa ilalim!... ¡Ang busabos ay busabos lang ang iaanák!... Kung kayâ may mapangbusábos na pang̃inóon, ay sapagka’t may napabubusabos!...


Samantalang tinutupad ni Kikò ang banal na utos ng̃ kanyang mahal na amo, ay siyang pagdating ng̃ dalawang binatang hang̃ós na hang̃ós.

Lumapit ang isa kay Elena na noo’y nakahilig sa loob ng̃ sasakyan at kasalukuyang hinihimatay na naman, samantalang ang isa nama’y sinugod si Juancho at pasigáw na tumanong:

—“Síno ka?”

—“At ikaw, sino ka?”

Si Juancho’y biglang napaurong ng̃ mamalas ang tindig ng̃ nang̃ang̃alit na si Gerardo.

—“Ha? Gerardo?”—ang kanyang pamanghang tanóng.—“Diyata’t si Gerardo ka? Diyata’t buháy ka pa?”

Inaunat ni Gerardo ang kanang kamay na may pigil na isang patalim at nang̃ing̃inig na nang̃usap:

—“Taksil, anó ang ginawâ mo kay Elena?... Sumagot kaagad ó ikaw ay mamámatay!”

Si Elíng noo’y nasaulian na ng̃ diwà. Nadinig niya ang boses ni Gerardo; at nakilala ang kanyang irog na ibinalitang namatay. Lumuksó [142]ang binibini sa kalesa at hihikbî-hikbîng niyakap ang binatà.

—“Oh, Elena!”—ang mapanglaw na bigkas ni Gerardo;—“Anó ang ibig sabíhin ng̃ lahat ng̃ ito?—Ako’y námamanghâ!... Bakit ka nápaparito?”

—“Ginahás akó ng̃ táong iyan!”

—“Oh tampalasang lalaki! Walang pusò! Di mo na inalaálang akó ay may kamay!”

Ang mapusok na binatà ay biglang lumundag sa kinatatayuan ni Juancho. Tangka niyáng itarak sa dibdib ng̃ sukáb ang hawak na patalím. Dapwa’t di itó nangyari. Si Elena ay namagitnâ.

—“Gerardo, oh Gerardo!”—ang kanyang hibik;—“huwag kang papatay ng̃ iyong kapwà, tang̃ing pamanhik!”

—“Bayaan ako, Elena!—Alam ko ang aking ginágawâ!—Pumatay ng̃ kapwà ay di laging kasalanan!—Ang kamay ko ay di nang̃íng̃imìng magpatulò sa dugông maitím!—Inibig ng̃ lalaking itó na iluksó ang iyong puri, at nang sa gayo’y madung̃isan ang aking karang̃alan!”

—“Ha! ha! ha!”—ang pairíng na halakhak ni Juancho—“Tinatawanan kita, Gerardong hambog! ha! ha! ha!”

Muling sinugod ni Gerardo ang kaaway, dapwa’t namagitnâng mulî si Elena. [143]

—“Giliw ko, nalalabuan ka ng̃ isip, napadadaig ka sa kainitan ng̃ iyong dugô; huwag oh, huwag! Maghunós dili ka!

—“Bayaan mo akó Elena!”

—“Gerardo, may mg̃a hukuman, may Justicia, may Diyós!”

—“At may Juancho na di nagugulat sa sanglibong gáya mo, palalò!!”—ang pagdaka’y isinabad ng̃ swail.

—“Diyatà, Elena, at ipagtatanggol mo pa ang isa kong kaaway?”

—“Hindî ko ibig na siya’y ipagtanggol. Ang kalulwa mo ang siya kong alaála. Ayokong madung̃isan ang kanyang linis; ayokong sumuway siya sa bilin at utos ni Bathalà!”

—“Malayò, Elena malayò sa akin! Ni Dios, ni ikaw, ni sino pa man ay di ako dapat sisihin sa aking gagawin!... Malayò!”

Nagpumiglás si Gerardo; nabitiwan ni Elena ang kanyáng katawan, dapwa’t hindi ang kamay na may hawak sa sandata.

—“Pumayapà ka, Gerardo! Huwag mong ikikilós ang iyong kamay, kung ibig mong huwag akong masugatan. Bitiwan mo iyáng patalim, ó mahihiwá ang mg̃a dalirì ko! Bitíw, aking irog, bitíw!”

Sumukò din sa wakás ang kapusúkan ng̃ binatà. [144]

—“Duwag! ha! ha! ha! talagá kang duwag!”—ang sigaw ni Juancho na anaki’y isang bukod na matapang.

Si Florante na mulâ nang dumating sa tulay ay di umi-imik, ng̃ayo’y humarap kay Juancho at banayad na nang̃usap:

—“Ang táo ay malayà hanggan siya’y gumagalang sa matwid; kapag binaluktot niya ang katwiran, kapag siya’y lumabag sa makatwirang mg̃a utos, ang kanyang kalayaan ay dapat bawiin. Ikaw ay sumalansang sa inaáatas ng̃ matwid. Kami ay may karapatang kumatawan sa Justicia. Isukò mo sa amin ang iyong kalayáan.

—“Ha! maginoong Florante! At sino pô kayo na aking susukuan?”

—“Walang maraming salitâ! Sasáma ka sa hukúman ó hindî?”

—“At sino pô kayó na aking sásamahan?”

—“Mg̃a kapantay mo, na ng̃ayo’y may karapatáng makapangyári sa iyó!... Sasáma ka ó hindî?

—“Baka ikaw ay nahihílo!”

—“Sumagót ka ng̃ tapát, sasáma ka ó hindî?”

—“Híndî!!”

—“Ulol! Ibig mo pang ikaw ay gamítan ng̃ lakás?

—“Hitsura ninyong iyán ang aking uurung̃an!” [145]

Si Juancho ay naglilís ng̃ manggás at inawasíwas ang kanyáng sundang. Si Florante nama’y biglang inalantad ang dala-dalang talibóng na inagaw kang̃ína kay Kapitang Memò.

—“Halíng!”—ang kanyang sigaw—“Nakikita mo ito?”

Tiningnan ni Juancho ang sandata. Napaurong. Nangdididilat. Nakilala ang talibong.

—“Bakit iya’y nasa sa iyó? At bakit iya’y may dugô?—ang pahiyaw na usisà—“Inanó mo ang aking kapatid?”

—“Ginawâ ko sa kanya ang gagawin ko sa iyo kapag di ka sumunod sa amin!”

—“Anó ang ginawâ mo sa kanya?”

—“Siya’y pinatay ko!”

Isang pailalím na saksák sa sikmurà ni Florante ang itinugon ni Juancho. Si Florante sa lakás ng̃ saksák ay daglíng nabaligtad, dapwa’t noon sandaling iyon ang kanyang kaaway ay dinaluhong ni Gerardo, nagkágulong-gulong sa tulay at sa wakas ay nahulog sa ilog.

Ang tubig ng̃ ilog na iyon ay may labinglimang dipá ang lalim; at si Juancho ay di marunong lumang̃oy.

Si Kiko na may kaunting pagkabinabae ay nápakurús nang makalawá, pagkukurús na sinalíwan ng̃ sunód-sunód na “Susmariosep” at “Kaawàan ka ng̃ Diyós!” Sa kalakihán ng̃ [146]tákot ay dalì-dalìng lumulan sa kalesa at talagáng tangkâ niya’y patakbuhíng mulî ang kabáyong nakawalâ ná sa pagkakásilat, dapwa’t nang hahagkisín ná ang háyop ay siyang pagsigaw sa kanyá ni Gerardo ng̃:

—“Hoy!! Saan ka paparoon?”

Si Kiko’y kinilíg at parang tulíg na bumulalás ng̃ di mawawàang mg̃a:

—“Aba hindî pô, dine pô lang, walâ pô!”

Pagdaka’y inalúlan ni Gerardo sa kalesa ang sugatáng si Florante at si Elíng, na noo’y putlângputlâ, nang̃ing̃inig, at nanghihinà.

Nilísan nilá ang tuláy na iyon, na ayon kay Kikò ay lubhâng kakilakilabot. [147]

[Nilálamán]

XVIII

Pahimakás ni Florante.

Sa sumunód na sanglinggóng singkád, sa boông bayan ng̃ Libís, ay walâng napaguusápan ang síno-síno man, saán mang súlok magkatatagpô kundî ang matalinghagàng gabí na sumaksi sa gayóng mg̃a pangyayáring nakapanghihilakbot na lubhâ, at hálos di mapaniniwaláan ng̃ mg̃a di mapaniwalâing taga-Libís, dáng̃an lang at may isáng Gerardo, isang Elena, at isáng Floranteng sugatán, na nagpapatúnay sa mg̃a nangyári.

Lahát ng̃ makadinig sa kasaysáyan ng̃ gabíng iyón ay nagkakaisá na ang sinápit ni Kapitang Memò at ng̃ kanyáng kapatid ay “isang marápat na gantíng palà ng̃ Lang̃it sa kanilang mg̃a inasal.” Subalì, anó ang nangyári kay Kapitang Memò? Walâ táyong nababatíd kundî ang katotohánan na siya’y nasugátan. Dápwa’t namatáy kayâ ang bantóg na mámamatay? Ni si Florante, ni si Gerardo ay di itó masagót nang tahásan. At tila ng̃â di matitiyák nino man ang bágay na itó, sapagka’t kung túnay man na mabisà ang pagkakasaksák ni Florante,—bágay na pinatotohánan nang [148]pagka-walâng malaytáo ni Kapitang Memò ng̃ siya’y iwan nina Gerardo—ay túnay din naman na dáhil sa kadilima’y di matiyák ng̃ binatà kung saáng bahági ng̃ katawán tumamà ang patalím, kung sa dibdib, kung sa sikmurà ó kung sa tiyán. Tang̃í rito nang dalawin kabukasan ang mg̃a poók na iyón ay walâng napagkita kundî ang namumuông dugô ng̃ nasawîng pinunò. Maaárì na siya’y namatáy noón ding gabing iyón, at ang kanyáng bangkáy ay dinalá sa ibáng pook at ibinaon ng̃ kasama niyáng nakataanán kina Florante. Maaárì na hindî siya nagtulóy sa pagkamatáy; na nang masaulían na ng̃ diwà ay nakapag-inót na lumakad at tumung̃o sa isáng kublí at maláyong bahági ng̃ iláng.

Sa dalawang “maaarìng” itó, alín kayâ ang túnay na nangyári? Mag-gáwad ng̃ pasiyá ang bumabása.


Iniaátas ng̃ kahusáyan na usigin kaagád ng̃ hukuman ang madugông sigalot, upang sa gayo’y mapatunáyan kun sino ang may sála sa boông kasiyaháng-loób ng̃ lahát, at sa ibáyo ng̃ lahat ng̃ mg̃a pag-aálinláng̃an.

Tatlóng áraw na ang nakararáan. May mg̃a higing na sina Gerardo’y ipadadakip, dapwa’t [149]higing lang. Kundang̃a’y sa boông bayan ng̃ Libis, sina Kapitáng Memò ay walâ ni isang kamag-ánakang malápit ni kaibigan na nagkaloób na pumúkaw sa kapangyaríhang nagwawalâng-bahalà. Ng̃uni’t saán útang ang pagwawalâng-bahálang itó ng̃ mg̃a pinunò? Aywan natin. Lubhâ siyang kataká-taká.

Hindî masasábing mahírap dakpin sina Gerardo; sapagka’t ang mg̃a itó ay walang alís sa Libis. Si Gerardo’y waláng iniintay óras-óras kundî ang siya’y ipatáwag ng̃ hukúman; samantalang si Florante namán ... oh, si Florante! Lalòng madalî siyáng hulihin!

Kahabaghabag na binatà! Pagkatapos na masagip sa pang̃anib ang isáng kaibigan, pagkatapos na masunód ang átas ng̃ matwid, ay siyá pa ng̃ayón ang papagdudusáhin sa gitnâ ng̃ isáng mapaít na kapaláran! Ang kanyáng súgat ay lumulubhâ. Walâng lagót hálos ang di maampát na tulò ng̃ dugô. Araw-áraw ay humihinà ang dati’y malusóg, sariwà, at malakás niyáng katawán; tumatamláy ang mg̃a matá na dati’y maningning na lagì; pumapangláw ang dati’y masayá at palang̃itíng mukhâ.

Si Gerardo ay balisángbalisá sa paglubhâng itó ng̃ mahál na kaibigang nagligtas sa buhay niyá. Hindî siya humihiwalay kahi’t sumandalî [150]sa piling ni Florante, tang̃ì na lamang kung kailang̃ang totoo.

Siyá ang nagpapakain, siya ang umaalíw, siyá ang nagbibihis, siyá ang tumatánod sa may sakít araw-gabí. Kusang nilimot, isinatabí na muna ang ligayang tuwî na’y hinihing̃î ng̃ kanyáng pusò, ang pakikiuláyaw, ang matamis na pakikipagtitigan, ang paghalík sa bang̃ó, at pagtatamasá ng̃ boong luwalhatì at láyaw sa kandung̃an ng̃ kanyáng Julieta.

Dapwa’t sáyang na pagpapágod ang kay Gerardo! Sa likód ng̃ maíng̃at niyáng pagaalagá sa maysakít, ay walâ siyáng námalas kundî ang lalò pa manding paglubhâ nitó, ang lalòng panghihinà ng̃ katawan, ang lalòng pagdalang ng̃ tibók ng̃ buhay, hanggang sa wakas ay sumápit ang mapaít na sandalî nang ang mg̃a manggagámot sa gitnâ ng̃ di masáyod na pang̃ang̃ambá ng̃ lahat ay tahásang nagpahayag na sila’y walâ nang pag-ásang mailigtás pa ang may sakit.

—“Ginámit na namin ang lahát ng̃ paráang sakláw ng̃ áming kaya”—ang wikà nila—“Walâ na kaming magágawâ. Gayón ma’y magsidulóg kayó sa ibáng manggagamot na lalòng pantás kay sa ámin,—siná Valdez, Angeles, halimbawà.”

Háting gabíng malálim nang ang pagsukòng itó ay ipahayag.

Minabuti ni Gerardo ang pagtáwag ng̃ [151]ibáng manggagámot sa Maynilà. Tinangkáng lumuwás, ng̃uni’t kailán? Pagbubukáng liwayway? Makasanglibong hindî! Si Gerardo ay isáng táo na kapag iníbig na gawín ang isáng bágay, ay di marunong magpabukás. Noon din sandalîng iyón siya’y napa-Maynilà. Ni tren, ni bapor, ni kalesa ay walâ; kaya’t nang̃abayo, nang̃abáyong sumagupà sa gayóng dilím ng̃ gabí!

Sa pagdáan niyá sa tapat ng báhay ni Elena, ay nagkatáong nakadung̃aw ang kanyáng kasi. Tumigil sandalî, ipinahiwátig sa tatlóng salitâ ang lagay ni Florante, at daglîng nawalâ: parang palasô na lumipád sa Kamaynilàan.

Si Elíng ay balisáng-balisá; nagbihis, at noón din ay napasáma sa bahay ni Florante.

Nang siya’y dumatíng ang may sakit ay kasalukuyang nagsasalitâ.

—“Nanay”—ang wikà sa iná, kay aling Tinay.—(Si Florante’y wala nang amá.) “Ayoko nang nakahigâ, ibig ko’y nakasandal.” Nang masunod ang hilíng ay tinitigan ang lahat ng̃ nang̃ároon. Bukod kay Elena at sa kanyang iná ay nakilala ng̃ may sakit ang mg̃a katoto niyáng si Faure, si Lauro, si Baltazar, at saka ang magagandáng Pacita, Nena, at Milíng.

—“Elena, si Gerardo?—ang pagdaka’y itinanóng ng̃ makitang walâ roón ang tang̃i niyang kaisáng-loób. [152]

—“Lumuwás siyá, upang tumáwag ng̃ manggagámot.”

—“Para sa akin?”

—“Oo.”

Nagbuntong-hining̃a ang may sakít.

—“Oh!”—anya,—“bákit kayâ at nagpapakapagod ng̃ ganitó si Gerardo? Papaano kayâ ang dapat kong gawín úpang makagantí sa kanyá?”

—“Florante, malakí ang útang ng̃ loób ni Gerardo sa iyó. Iniligtás mo ang kanyáng búhay!”

—“O, ay anó iyón? Bakit siya kikilala ng̃ útang ng̃ loób sa akin gayóng walâ akong ginagawâ kundî tumupád ng̃ katungkulan?... Para namang siya’y di si Gerardo!”

—“Kung gayón, Florante, ni ikáw ay di rin dápat kumilála ng̃ utang sa kanya, sapagka’t ang pagpapágod niyáng ginugúgol sa iyó ay isang katungkúlang nagbubúhat sa alin mang mabuting pagtiting̃ínan ng̃ mg̃a magkakaibigan, magkakasáma, at magkakapatid sa isáng adhikâ.”

Si Florante ay napang̃itî nang maunawàang siya’y nadaíg sa pang̃ang̃atwiran ni Elena.

—“Tálo mo akó, Elíng”—ang kanyáng wikà—“At ako’y sumusukò... Sabihin mo kay Gerardo na maraming salamat!”

Pumikít ang may sakít at may kalahating-óras na di kumibô. [153]

Walâng anó-ano’y dumilat, at pagkatapos na maibaling ang paning̃in sa lahát ng̃ dáko ay binigkás ng̃ hálos pautál-útal ang sumúsunod:

—“Mg̃a kaibígan,—ano bagáng bagay na mahalagá ... ang umípon sa inyó ... sa aming marálitang tahánan? Batíd ba ninyó ... na dito’y inyóng madadamá ... ang mg̃a hulíng galáw ng̃ ísip ... na dito’y inyóng madidiníg ang mg̃a hulíng anás ng̃ kálulwa ... ang mg̃a hulíng tibók ng̃ pusò ... ng̃ isang sawîng palad na gaya ko?

“Oo, sawíng pálad! Iyán ang dápat itáwag ... sa akin na mamámatay nang walâ man lang nagagawâ ... sa kanyáng Bayan!

“Sawing pálad ang gaya kong ... hihimláy sa libing ... na tagláy ang alaálang masung̃it ... na inaangkin ng̃ isáng bandílang dayuhan ... ang Lúpang sa kanya’y paglilibing̃an!

“Sawing pálad ako, na walâng napagkita ... sa boô niyang buhay ... kundî mg̃a úlap, mg̃a luhà, mg̃a paták ... ng̃ dugông ninanakaw! Ah! mamámatay ako ... nang di ko nakikita ... ang paghihiganti ng̃ sugatáng pusò ng̃ isáng Apí! Mamámatay ako ng̃ di ko namamálas ... ang pagbabang̃ong puri ng̃ isáng Dinuduhagi! Mamámatay ako ng̃ di ko naitataás yaring kamay ... sa ng̃alan ng̃ Kalayaan! Mamámatay akó ... ng̃ di ko mamamálas yaong alapaáp ... na lilitawán ng̃ Dakilang Lintík ... na tutúpok sa lahat ... ng̃ mg̃a pusòng duwág [154]mahihina’t walang dang̃al ... ang Lintík na magpapalubóg ... sa lahát ng̃ Kapangyarihang dáyo, at magpapasikat ng̃ boông ding̃ál sa isáng ... Araw at tatlong Bituin!!”

Kinapós ng̃ hining̃á ang may sakít. Ibig pang magsalitâ, dapwa’t di na maarì. Tináwag ang iná, hinagkán at niyákap.

Tumahimík. Itinirik ang mg̃a matá. Akalà ng̃ lahát ay patáy ná. Dapwa’t hindî. Mulìng nang̃usap sa isáng mahinà at paós na boses:

—“Nánay, balútin ang aking katawán ... at ataúl sa bandilà ng̃ Bayan...!

“Paálam na ... giliw kong Pilipinas ... Isáng malayàng ... Bágong Búhay!...”

Tumigíl ang tibók ng̃ pusò; napútol ang galáw ng̃ ísip; pumaitaás ang kálulwa, úpang kailán ma’y huwag nang magbalík. Walâng naíwan kundî isáng bangkáy, isáng ng̃alan, isáng halimbawà, isáng alaala, isáng binhî ng̃ katapang̃an.... [155]

[Nilálamán]

XIX

Paghihigantí ng Dang̃ál

Gayón na lang ang pagmamahal ni aling Tinay sa kanyáng anák, gayón na lang ang pagkabúlag ng̃ kanyang pag-ibig, na kahì ma’t alam niyáng siyá’y sasalansáng sa isáng mahigpit na utos, kahì ma’t alam niyang siya’y pilit na uusigin, at magdurusa sa bilangguan, ay hindî nangyáring huwag pagbigyán-loób ang kahulíhulihang bilin ng̃ táng̃ing bulaklák ng̃ kanyáng pag-ibig, ang katapustapusang hibík ng̃ isáng pusòng bayáni—ng̃ isang pusòng makabayan, ang pahimakás na hilíng ng̃ pinaglagakán ng̃ boô niyang pag-ása, ang kahulíhulíhang tibók ng̃ búhay niyaóng masunurin, masipag, mabaít, at magalang na anák, na sa gitnâ ng̃ gayóng katandáan, ay siyáng ligaya ng̃ kanyáng matá, paraluman ng̃ mg̃a pang̃arap, at dang̃ál ng̃ kanyáng pagka-iná.

Lahát halos ng̃ mg̃a kamag-ának at mg̃a kaibigan ni aling Tinay ay nagkakaisang di mabuti ang kanyang inaakalàng pagsunod sa bilin ni Florante.

—“Alalahánin mo, Tinay”—anilá—“na tayo’y nasásakóp ng̃ ibáng kapangyarihan. Ang [156]gagawin mo ay isang malinaw na paglapastang̃an, isang talampákang paghamon sa pamunúang amerikano!”

—“Ay anó sa ákin?”—ang tugon namán ni aling Tinay sa gitnâ ng̃ pagpipighatî—“Anó sa ákin ang kapangyaríhang iyan, anó ang lakás ng̃ pamunúan, anó ang bisà ng̃ isáng mabang̃ís na útos, anóng kailang̃ang magdúsa sa harap ng̃ tagubilin ng̃ mahal kong anák?”

—“Tinay, maghúnos dilì ka; ikaw ay nabubulágan.”

—“Masasábi ninyó iyán sapagka’t siya ay di ninyó anák, sapagká’t kayó ay di naghírap sa kanyá, sapagka’t di ninyo alám ang halagá ng̃ aking Florante!”

Si aling Tinay ay humagulhól ng̃ iyák kagáya ng̃ isáng batàng musmos.

—“Ang nakakahirap sa iyó, Tinay”—anang isáng matandâng lalaki—“ay napadádaig ka sa mg̃a udyók ng̃ pusò: áyaw kang mang̃atwíran nang mahináhon. Makiníg ka sumandalî. Si Florante ay naghihing̃alô ná nang hiling̃in ang tungkol sa bandilà, hindî ba?... Kung gayo’y dápat mong tantuin na kapag ang tao ay naghihing̃alô, ang pag-íisip niya’y humihinà, lumalabò, nakalilimot, at...”

—“Siyana ná, tio Kulás”—ang biglâng pútol ni áling Tinay—“Masasáyang lang ang inyóng [157]mg̃a salitâ sa ákin. Dapat ninyóng matalastás na nóon pa mang araw, ay nabanggit na rin sa akin ng̃ anak ko, ang kanyang náis na kapag siya’y namatay, ay huwag papalamutihan ang kanyáng ataúl ng̃ anó pa man maliban na ng̃â lang sa isáng bandilàng pilipino...

“Ah, magpahing̃á kayó, mg̃a pusòng mahihinà! Di ninyó batid ang linaláyon ni Florante!... Ibig ipakíta ng̃ anák ko na walâng bandilà siyáng iginagálang, at walâng kapangyarihan siyang niyuyukûan kundî ang bandilà’t kapangyaríhan ng̃ Tinubúang Lupà!

Ibig niyáng ipahiwatig na di ang lahat ng̃ utos ng̃ pamunúan ay dápat sundín; na kapág ang isáng kautusan ay walâ sa matwid, ang magtaás ng̃ noo, ang magmatigás, ang tumutol, ay di isáng kasalanan, kundî isáng átas ng̃ kabayanihan, isang tandâ ng̃ katinuán, isang taták ng̃ karang̃álan!”...

Si tandâng Kulás ay napang̃ang̃a’t sukat. Kailán má’y di niyá naapuhap sa kanyáng gunita; ni natunghan sa lalòng malalim niyang panaginip ang larawan ng̃ isáng babáe na pinúpulásan sa mg̃a labì ng̃ gayong mg̃a salitâng sakdál ng̃ titigás!

Iiling-iling na lumayô sa harap ni aling Tinay. [158]

—“Eh, eh! Katakot-takot na babáe itó!”—ang tang̃ing naibulóng sa kanyang sarili.


Ibig ni aling Tinay, áywan kun bákit, na kapag namatay ang isáng táo, ay málibing kaagád; áayaw ng̃ búrol-búrol. Dahil dito’y kanyáng inihayág na ang libing ni Florante ay idadáos sa ika ánim na oras ng̃ umaga ng̃ araw ding iyon ng̃ pagkamatay.


Nagbubukang liwaywáy.

Sa tapát ng̃ namatayang báhay ay may isáng binatàng luksâng-luksâ, nakatung̃ó, nakasalikód kamay, at walang tigil ng̃ kayayaó’t dito. Banayad ang mg̃a hakbáng. Kagaya ng̃ isang may iniisip na malálim. Walâng kamalákmalák ay biglang napatigil. Tining̃alâ ang isang kimpal na alapáap sa mukhâ ng̃ lang̃it, at pinagalaw-galáw ang úlo na animo’y may kinákausap doon.

Sino ang binatàng ito? Si Faure. Pakinggan natin ang tibok ng̃ kanyang damdamin:

“Florante, kay ligáya mo ng̃ayon!—Nilisan mo na itóng Lupàng maligalig—at ng̃ayo’y náriyan ka na sa Bayan ng̃ kapayapaán, sa Báyan ng̃ pagkakápantáypantáy, diyán sa walâng [159]naghahari kundî ang isáng Bathalàng sumasagisag sa banál na Katwiran...

“Oh, laki ng̃ kaibhán ng̃ iyóng kalagáyan, kay sa ámin dito sa lupà.

“Kayó diyán ay tahimik, walâng íring̃an, walâng paghihigantí, iisa ang pananampalataya, iisa ang damdamin, waláng sinusunod kungdî iisang bandilà, waláng iginagalang kungdi iisang dambanà; ang bandilà ng̃ Matwid at ang dambanà ng̃ Katotohanan...

“Samantalang kamí sa bahaging itó ng̃ Sangdaigdig, ay walang nalalasap sa tuwituwi na, kungdi ang mapaít na latak ng̃ buhay. Sa lahat ng̃ dako ay himutók, pananáng̃is, panambitan, hinagpís ng̃ mg̃a ináapí, ng̃ mg̃a tinaksíl na sawing palad, ng̃ mg̃a isinilang sa baníg ng̃ hirap, na kahima’t may katutubong karapata’t dang̃al ay lagì na lang niyuyurakan, dinadayà, hinahamakhamak, dinudustadusta... ng̃ mg̃a palalòng mapagmataás na nangbubúlag at nang-aalipin...

“Ah! sinong nagbabatá ng̃ ganitong kalagayan namin ang di makapagsasábing kayóng naririyan ay mapapalad?

“Kung gayon...

“Bakit itatang̃is ang inyong pagpanaw?

“Bakit ipagluluksâ ang inyóng paglípat sa kabilang búhay? [160]

“Mahang̃a’y—ipagsayá, pagka’t nariyan kayó sa lubós na kapayapaan.

“Ng̃uni’t—¡sinung̃áling!—Bakit di mapigil ang pagluhà niyaring pusò tuwi kong magugunitâ ang mapangláw na tinig niyaong bating̃áw?

“Ah! Sapagka’t ang tinig na iyon ay nagsasabing si Florante na giliw kong kaibigan ay pumanaw sa akin. Sapagka’t ang tinig na iyon ay nagsasabing nalagasan na naman ng̃ isáng kawal ang kabinataan—iyáng kabinatàang sa araw ng̃ bukas ay siyang magtatagúyod at magsasanggalang sa isáng Bayang mahinà’t hapô upang huwag muling mahulog sa hukay ng̃ pagkaaba.

“Ng̃uni’t...

“Kung dini sa Lupa’y nagkakailang̃an ang ating lahì ng̃ hukbó ng̃ mg̃a bayani upang makapagtanggol sa kanyang Karang̃alan, Kalayaan at Buhay, diyan namán sa Lang̃it ay nagkakailang̃an siya ng̃ mg̃a kinatawán upang idaláng̃in sa haráp ni Bathalà ang kanyang ganáp na Katúbusan!

“Idalang̃in ang Katúbusan!—ang Katúbusan ng̃ isang Bayang laging nanglulumó ang puso sa hápis at uhaw sa tunay na ginhawa; ang katúbusan ng̃ isang lahìng pinipilit ng̃ walang karapatán sa isang kalagayang salung̃át sa kanyang ninanasà at lagì nang pang̃arap. [161]

“Idalang̃in ang Katubúsan!

“Sa dakilàng tungkuling ito, ay huwag nawang makalimot ang mg̃a kaluluwang pilipino na lumuluwalhatì sa kabilang búhay...”

Ang binatá’y mulíng tumung̃ó, lumákad nang kauntî, bago dinúkot sa bulsá ang kanyáng orasán. Mag-iíkaánim ná ng̃ umága. Si Faure ay nanhík.

¡Kay panglaw doon sa bahay! Bihiráng matá ang walâng patak ng̃ luhà; bawa’t mukhâ ay larawan ng̃ isáng di masayod na lumbáy ng̃ kalulwá; sa bawa’t labì ay walâng pumupúlas kundî pawàng pagkahabág, panghihináyang, panaláng̃in, mg̃a buntong-hining̃á...

¡Kay kapal ng̃ mg̃a makikipaglibíng! Ang malakíng báhay ni Florante ay lumíit sa karamihan ng̃ táo. Lahát halos ng̃ mg̃a kaanib sa “Dakilàng Mithî” ay nahandoón. Si Gerardo lang ang walâ, papaano’y noon mg̃a sandaling iyon ay karárating lang niyá sa Maynilà.

Ika ánim na ganáp ng̃ umága nang ipanáog ang ataúl, na pinápalamutihan ng̃ isang matandâ at malápad na Bandilàng Pilipino.

Sa sambahan muna dinalá ang bangkay. Nang mulîng málabás, at nang tutung̃úhin na ang libing̃an, ay siyáng pagdatíng ng̃... (¡sinasabi na ng̃â bá ni tandâng Kulás!)... limáng kayumangging kawal ng̃ konstabulario at isáng [162]putêng pinunò, na taglay sa báywang ang isáng kumíkináng na sandata na sa kahabaan ay humíhiláhod sa lupà!...

Nagdidilim ang mukhâ ng̃ pinunò. Nang malapit sa ataul ay daglíng tumigil, nilabnót, iniwálat at niyurákan ang Bandilà!

Isáng kasíng bilís ng̃ lintík ang noón din ay humaráp sa walâng-pitagang pinunò, at walâng sabi-sabi’y ikinintál pagdáka sa mukhâ nitó ang dalawâng sampál na sunód.

¡Kinilabútan ang láhat!

¡Gulóng katákot-tákot!

¡Ang gayóng kapang̃ahasán ng̃ isang kayumanggi sa isang nakasableng pute, hanggá nang hanggá ay noón lang násaksihan ng̃ mg̃a táong iyon!

Sa sumunód na sandalî, ang Lakás at ang Kapangyarihan ná, ang siyang nagharì.

Ang kayumanggíng pang̃ahás ay pinagsunggabánan ng̃ mg̃a kawal ng̃ pamahalàan. Mg̃a dágok, tadyák, tung̃áyaw, pagláit, ang naghatid sa kanyá sa bilanggúan.

¡Kataka-taká ang kapal ng̃ táo na natípon sa sigalot na itó! Boông báyan halos! Karamíhan sa kanilá ay mg̃a lálaki—mg̃a laláking may mg̃a bísig at pag-iisip!... Gayón ma’y lahát ay walâng ginawâ kundî ang tumang̃á, manóod! mang̃iníg!! mamutlâ!!! matákot!!!! [163]

Untî-untîng naáyos ang guló. Ang nabagabag na libíng ay naipatúloy din.


Noóng gabíng iyon, ang pinunò ng̃ “Konstable” ay dinalaw ng̃ isang kakilákilabot na panagínip. Isáng bangkáy ang napaginipan niyang tumayô nang dahan-dahan, lumákad, humaráp sa kanyá, itináas ang dalawâng kamay at nagkakangdidilat sa pagsigaw ng̃: “Mane, Thecel, Phares!

Sa katakutan yatà at pagkágulantáng ang makisig na pinunò ay kamuntî nang makálundág sa dung̃awán ng̃ kanyáng silid. [164]

[Nilálamán]

XX

Si Elíng at si Gerardo.

Katanghalìang tapát.

Sa isáng báhay na malíit at sa tabí ng̃ isáng dung̃awán, ay nakaupông magkaharáp si Elena at ang bathalà ng̃ kanyáng pusò, na noón lamang dumating.

Ang binibini’y walâng kakibôkibô; nakatitíg sa dibdib ni Gerardo ang mapupung̃ay niyang matá, na pára bagáng pinipilit na mahuláan ang mg̃a damdaming doo’y nakukulóng. Ang binatà nama’y nakatung̃ó, kagát ang labì, sapúpo ang malápad na nóo ng̃ kánang kamáy, at... walâ ding imík; ang maminsan-minsang pagbuntóng-hining̃á, ang nagsisikláb na paning̃ín, ang nagdidilím na mukhâ, ang nóong kunót ay nagkákaisa sa pagpapahiwátig na hindî kaligayáhan ang itinitibók ng̃ pusò. Anó ang nangyayari sa táong itó? Dinadalaw kayâ ng̃ panibughó? Nagsisisi kayâ sa isáng nagawâng kasalanan?

—“Ang mg̃a taksil!”—Itó ang nawikà ni Gerardo pagkaraan ng̃ ilang sandalî.—“Nagawâ nila iyón, at,.. diyatà nama’t ang bayang iya’y nakatiís?... Wala na namáng ginawâ kungdî [165]ang humalukipkip? Diyatà ba nama’t walâ ni isáng tumulong, walâ ni isáng nagsanggálang kay Faure? Walâ ba roón sina Leon, siná Marcelo? Walâ ba ni isáng laláki?”

Si Elena ay íiling-iling na sumagót:

—“Pusòng laláki?... Ay, Gerardo! Ni isa’y walâ! Siná Leon ay handoóng lahát.”

—“Ng̃uni’t sa ng̃alan ng̃ Diyós, ano ang kaniláng ginawâ?”

—“Walâng walâ kundî ang tuming̃ín!”

—“Oh, tuming̃ín! tuming̃ín!!—ang mapangláw na úlit ng̃ binatà.—“At patí bagá siná Leon ay nakiting̃ín? Díyata’t ang mg̃a ginoóng iyán na kung tawagi’y mg̃a makabayan—silá na sa tuwing magtatalumpati’y walâng ipinang̃ang̃alandákan kundi dugo hangga’t kailang̃an!—díyata’t ang mg̃a ginoóng iya’y nakiting̃ín patí? Oh, tuming̃ín! Mang̃alandákan! Talagá bagáng táyo’y hanggán diyan na lang? Pulós na dilà at matá na lámang ang gagamítin? Ang áting bagáng mg̃a bísig sa habang panahon ay pananatilíhin sa pagkakahalukipkip? Di na bagá tayo magkakalóob na sila’y igaláw?...

“Oh báyan! báyan!! Násaán ang iyóng dang̃al?... Násaán ang iyóng lakás?

“Makapangyarihan ka sa lahát, ng̃uni’t,”

—“Diyós lang ang makapangyayári sa kanyá;—ang kaagad ay ipinútol ni Elíng.—“Ang mg̃a [166]mapanglúpig na táo at ibáng báyan ay hindî! Di ba gayón, Gerardo?”

—“Túnay ang sábi mo, dapwa’t di siyang nangyayári.”

—“Sawîng pálad na lahì ang átin!”

Ang binata’y mulíng tumung̃ó at mulíng napipi. Nakaráan ang iláng sandalî. Kaginsaginsa’y itinaás ang úlo, at tumindíg.

—“Bakit, Gerardo?”—ang usisà ni Elíng—“Anó ang nangyayári sa iyó? Bakit ka nagkákaganyán?”

—“Walâ, Elena! Akó muna’y magpapaalam.”

—“Bákit, saán ka páparoón?”

—“Walâ, may gágawin lang akó.”

—“Matutulung̃an ba kitá?”

—“Maraming salámat, Elíng!”

—“Ano ang gágawin mo?”

—“Tútupad ng̃ isáng katungkulan.”

—“May miting ka bang dadaluhan?”

—“Walâ.”

—“Alíng katungkulan ang sinasábi mo?”

—“Si Faure ay hahang̃úin ko sa bilangúan!...

—“Hahang̃úin mo?... sa bilangúan?”

—“Oo, Elena, ililigtas ko, ililigtas kong pilit ang may loób na nagtanggol sa Dakilàng Watáwat!... Isáng kautusáng di tumpák sapagka’t udyók ng̃ simbuyó ng̃ loob, ang nagbabáwal sa paggamit ng̃ Bandilàng Pilipino; [167]ng̃uni’t hindî dáhil sa pagbabáwal na iyán, ay maáarì nang siya’y yurákyurákan at dustâdustâin ng̃ síno mang harì-harìang ganid... Oh hindî!... Iyán ang watáwat na pinagkamatayáng sagipín ni Rizal, ni Bonifacio, at ng̃ libo-libo pang bayani ng̃ ating Kalayàan. Dahil sa watáwat na iyán nagpakamatáy ang aking nunò, ang aking mahál na amá, at mg̃a kapatíd!... At sakâ ng̃ayo’y hahamákin? Ah!... Ang pagtatanggól ni Faure ay isáng gawâng dakilà! isang kabayaníhan!... Dápat ko siyang abulúyan. Palalayáin ko at palalayáin ko kaagád ang bayáning laláki!”

—“At papáno ang iyóng gágawin?”

—“Kun hindî siya makúha sa pamamagitan ng̃ malulumánay at mapayapàng pang̃ang̃atwiran,... dadaánin ko sa dahás! Dahás ang sa kanya’y nagpások doón, maaárìng dahás lamang ang sa kanya’y magpápalabas!”

Ang boses ni Gerardo ay nang̃ing̃inig. Ang mg̃a matá niyá ay nakapang̃ing̃ilabot.

Si Elena’y kagyat namutlâ at warì baga’y nangliliít sa kanyáng pagkakáupô.

—“Diyós ko!”—anya—“Ano ang iyong gagawín, Gerardo? Ako’y nahihintakútan!”

—“Bakit, Elena? Hindî ba matwid ang aking úusigin?”

—“Ipagpalagáy ko nang matwíd, subali’y bákit ka gagámit ng̃ dahás?” [168]

—“Hindî akó gagámit kundî kailang̃an; at ang lahát, kapag kailáng̃an ay dapat pang̃áhasán!”

—“Dápat pang̃ahasán hanggáng di nalalábag sa mg̃a útos!”

—“Oo, kung ang mg̃a útos na iya’y nasasálig na lahát sa katwiran!...

“Matwíd ba ang ginawâng pag-lúpig at ang pagkábilanggo kay Faure?”

—“Siya’y nagbúhat ng̃ kamáy sa kanyang kapwà!”

—“Túnay! Dapwa’t bákit? Ah! Sapagka’t ang gánid na iyón sa kanyáng pagyúrak sa Dakilàng Watáwat, ay niyurakan ang púri, ang dang̃ál, ang kálulwá ng̃ boông Kapilipinuhan!...

“Ah! Hindî mg̃a sampál ang sa kanya’y dápat igantí! Oh, dapat siyang magpasalámat at siya’y nasa sa gitnâ ng̃ mg̃a táong matiisin at mababait. Dápat siyáng magpasalámat at.... Kung nagkátaon, oh! ¡ang báyang iyan na binubúlag ng̃ kaduwágan, ay nakamálas ng̃ mg̃a paták.... niring dugô!”

—“Oh, Gerardo! Ikaw, kung minsán, ay kakilákilábot! Pinanglálamig mo akó!”

—“Bakit, Elena? Natatakot ka bang mamatay akó sa pagtataguyod sa púri ng̃ mahál na Bandilà?”

—“Oh hindî, Gerardo! Alám mo nang ang [169]pinakamatamís kong pang̃árap, ang pinakamaálab na nais niríng pusò na sa iyóng iyó lang umaása, ay ang makita kang namamayáni sa ikatutubós at ikalalayà ng̃ tinubúang lupà, ang makíta kang bangkáy sa piling ng̃ Sagisag ng̃ áting Búhay!... Hindî kailang̃ang ako’y maulíla sa iyó, hindî kailáng̃ang ako’y magdúsa, hindî kailáng̃ang ako’y magluksâ, tumáng̃is, at mag-isá sa habàng panáhon! Titiisín ko ang lahat álang-álang sa Inang-Báyan!”

Napang̃itî si Gerardo. Ang mg̃a pang̃ung̃usap na iyón ay sumagád hanggang pusò niyá. Kinintalan ng̃ isang halík sa nóo ang kanyang paralúman, bago tinabánan ang nanglalamíg na kamay nitó.

—“Maráming salamat, Elíng,”—anya—“Ng̃ayon ay tulutan mo nang ako’y yumáo.

—“Hintáy muna, Ardíng”—ang magíliw na samó ng̃ binibini—“Hindî mo pa nasásagót ang tanóng ko sa iyó kanina.”

—“Alín iyón?”

—“Ang pagpapalayà kay Faure. Sakali’t di mo matamó ang iyong hang̃ad sa pamamagitan ng̃ mabuting salitaan, papáno ang iyong gagawín?”

—“Ah, sakâ mo na maaaláman!”

—“Sabihin mo ng̃ayón sa ákin!”

—“Sakâ ná!” [170]

Si Gerardo ay hindi na napapígil at nanáog agád. Si Elíng nama’y walâng nagawâ kungdî ang dumúng̃aw, sundan ng̃ ting̃in ang binatà, bilang̃in ang kanyang mg̃a hakbáng, at masdán kung saán siyá tutung̃o.

Nang si Gerardo’y hindî maabót ng̃ kanyang matá, ang binibini’y mulíng humílig sa dúyan at inahágis ang ala-ála sa salitáan kang̃ína niláng dalawa.

—“May katwiran si Ardíng!”—ang pabuntóng-hining̃áng nábigkas sa sarili, pagkaráan ng̃ ilang sandalî—“Kay hírap ng̃â namán ng̃ walâng kalayàan! Kung ang Pilipinas ay malayà, ang mg̃a gayong panglulúpig, at pag-alipustâ sa ating dang̃ál ay hindî mangyayari...

“Kasákitsákit at pagkápait-pait na kalagáyan itong átin.

“Ng̃uni’t lagì na ba lang táyo sa ganitó,—lagì na ba lang susúkot-súkot sa ilalim ng̃ isáng watawat na hindî átin? Lagì na ba lang talúnan at apí itóng áting báyan?...

“Oh, hindî! Hindî, hindí mangyayari ang gayón! Nang lalang̃in ang Pilipinas ay hindî isinulat sa kanyang mukhâ ang pamagat na alipin. Hindî nilalang ang táo upang bumusábos ó pabúsábos sa ibá! Ang pagka-kayumanggí ng̃ ating balát ay hindî tandâ ng̃ isang kapalárang [171]mababà; iyán ay búng̃a ng̃ sing̃aw ng̃ ating mg̃a kaparáng̃an at bundók!

“Oh, di mangyayaring ang kalagáyan nating itó ay sa habang panahón ná! Ang Kasaysayan ng̃ Sangsinúkob ay boông linaw na inauúlat ang katotohánan na, kapag ang isang báyang nasasakúpan ay natútong huming̃î ng̃ kalayàan at pagsasarili, kapag ang báyang iyan ay napatunayan sa gawâ ang karapatán niyá sa minimithîng mg̃a biyayà,—ang báyang iyan madalî ó maláon, sa pamamagitan ó ng̃ kapayapàan ó ng̃ paghihimagsík, ay pilit na kakamtán ang kanyang nilaláyon....

“May nagsasábing nagkakailáng̃an mulî ng̃ isáng paghihimagsík sa Pilipinas, upang mátamo ang pagsasariling pinipita.

“Hindî akó sang-ayon sa gayóng madugông paghahakà. Hindî nararapat, hindî napapanahón, ni hindî kailáng̃an ang isáng paghihimagsík. Ang patalim ay dapat lamang hawakan kapág napadiwarà ná ang kahulihulíhang patak ng̃ pag-asa sa mapayapà at makatwirang pamamanhik sa báyang nakasasakop. Ang Pilipinas ay may pag-asa pa... Ako’y nananálig na may isang dakilàng Amerika na, sapagka’t may puri at dang̃al ay di papáyag magpakailan man na siya’y sumpâ-sumpáin ng̃ isang báyang inamis, at tawag-tawáging magdaraya! bulaan! [172]taksil! magnanakaw!... Ako’y nananálig na sapagka’t siya’y namayani at nagbuhos ng̃ dugông sarili sa dambanà ng̃ Kalayáan, ang báyang Amerikáno ay di malilinláng ang isang lahìng sa twî-twî na’y uháw sa isang malayàng búhay! Ako’y nananalíg na, sapagka’t siya’y matalino at hindî mangmang ang Amérika ay hindî magpapakáulól na magbibing̃ibing̃ihan sa mg̃a ipinagsisigáwang áral, balà at sumbát ng̃ Kasaysayan ng̃ Sangdaigdig. Ako’y nananálig na hindî siya magpapakáulól na papáris sa ipinamalas na mg̃a hidwâng kaasálan ng̃ mapanglúpig na Inglaterra at ng̃ mapangbusábos na España!

“Oo, ang Pilipinas, ay mayroón pa ng̃âng pag-ása! At dahil dito’y isang katiwalìang dî mapatatáwad ang bumang̃on ng̃ayón at maghimagsík!

“Ng̃uni’t... sa haráp ng̃ mg̃a pagdayà, pagláit, at pagdustâ sa dang̃ál ng̃ bayan, sa harap ng̃ mg̃a panglulupig at mg̃a kaasalang hidwâ na ginagawî dito ng̃ mg̃a harìharìan, ¿ay sino kayâ ang di mang̃ang̃ambá, sino kayâ ang di sasagìan sa gunitâ ng̃ maiitim na guníguní at madudugông ala-ala?...

“Ah!... Pag ganyán nang ganyán, kapag di napútol ang mg̃a ganyang gawâ, kapag ang mg̃a nasaitaas ay di susugpuin ang kanilá ding [173]kasagwâan, kapag ang mg̃a daing, hibik at sigaw ng̃ nang̃a saibabâ ay di didinggín... oh! ¿sino ang makapagsasabi, kapág nagkagayón ná?.... ¡Maaárì na ang Bayang iyan na ulirán sa pagtitiis, ay di makabatá sa anták ng̃ sugat!!... ¡Maaárì na ang Bayang iyan ay mabúlag sa laot ng̃ kanyang pagkaamis!!... ¡Maaárì na siya’y makalimot sa sarili, makalimot sa Diyos, makalimot na siya’y mahinà!... ¡¡Maaarì na ang mabang̃ís niyang dugô ay mágising at... kumulô!! ¡Maaárìng sumipót diyan ang mg̃a Bonifacio, ang mg̃a Elias, ang mg̃a Simoun, ang mg̃a Matanglawin, ang mg̃a Kabisang Tales!!...

“Oh! Kapag nagkátaón!!...

“Pagkasaklapsakláp na dilidilihin!...

“Oh huwag! huwag, makatwirang Lang̃it! huwag tulutang mangyari ang gayong pagkapaitpait na bágay!!”...

Ganitó ang mg̃a paghahakang sunod-sunod na sumagì sa pag-iisip ni Elena—mg̃a paghahakang kaipala’y dulot sa kanya ng̃ tang̃ang aklát na kinababasahan sa likod ng̃ mg̃a salitáng: “Noli me Tángere at El Filibusterismo.” [174]

[Nilálamán]

XXI

Matwíd ó Baluktót?

Hating-gabí.

Kinúkubkob ang boông báyan ng̃ isáng kadilimang nakapanghihilakbót.

Ulap na sakdál ng̃ itím ang nagpápasung̃ít sa mukhâ ng̃ láng̃it.

Walâ ni buwán, ni bitúin, ni talà. Ang lahát ng̃ mg̃a kaigá-igáyang hiyás na iyán ng̃ kalang̃itan ay áayaw pasilay, nagtatagòng parapara na anaki’y nagtatampó, nagsasawà at nasusuklám ná sa mapagkunwarî, at magdarayàng Sangkataúhan...

Máliban sa manakâ-nakâng táhulan ng̃ mg̃a áso, maliban sa mg̃a idinahák-dahák at iniubó-ubó ng̃ mg̃a natutuyô, máliban sa huni ng̃ sári-sáring ibong nagdapò sa mg̃a púnong kahoy, maliban diya’y walâ ng̃ ing̃ay na madidinig.

Lahát ay katahimíkan, dilím, kapanglawán.

Sa isáng súlok ng̃ pinakaplaza ó liwasán ng̃ Libís, ay may isáng táong nakatayô. Sino siya? Aywan. Ang kanyáng nóo, mg̃a matá at hanggang ilóng ay natataklubán ng̃ malapad na [175]pardyás ng̃ sambalilo; samantaláng ang babà nama’y nakukublí sa mahabàng pangliíg ng̃ kanyáng kapote.

Ang pang̃ing̃iníg ng̃ katawán, ang pang̃ang̃atál ng̃ mg̃a labì, ang hawak na balaráw, ay paraparang nagpapahiwatig na ang táong itó ay may gagawin! may gágawíng isang bagay na kakilakilábot!...

Nagkakanghahabà ang liíg ng̃ lalaki sa pagtanaw sa isang bahay na nakatayô sa kabilang panig ng̃ liwasán. Ang pintô ng̃ bahay ay nakabukás at sa loób ng̃ sílong ay may isáng ílaw na maliit. Sino ang nasa báhay na iyon? Ang kasintahan kayâ ng̃ lalaki? Ng̃uni’t bakit ang laláking ito ay may tagláy na sandata, bakit gayón na lang ang pang̃ing̃iníg ng̃ kanyáng kataúhan? Naglilo kayâ ang iniíbig? At itó bagá ang gabíng napilì niya úpang idáos ang paghihigantí?... Baká namán hindî, baká namán hindî naglílo ang kanyáng sinisintá, kundî may isáng taksil na ibig maglugsò noóng gabíng iyón sa púri ng̃ búhay ng̃ kanyáng búhay?

Aywán din ng̃â.

Samantala’y ating masdán ang mg̃a kílos ng̃ laláki. Hindî na siya ng̃ayón nakatigil, lumalákad ná at tinutung̃o ang báhay.

Ang báhay na itó ay may tánod palá! isang nakabaril na ng̃ayo’y lumabás sa silong at [176]lumuklók sa isang bangkô na nása sa labás ng̃ pintùan.

Sandalî nating matyagan ang tánod. Siya’y may katandâan ná. Bukód pa sa pandak, ang katawán niya’y hukót at payát na payát. Ang mg̃a matá, ay di lang nagpapahiwatig na ang katawáng iyón ay pinanáwan ná ng̃ lahát ng̃ siglá, ng̃ lahat ng̃ ínit; inihahayág din namán nilá ang katotohanánan na, ang kahabághabág na tánod ay may dalawáng gabí nang di nakatitikím ng̃ túlog.

Sabíhin pa ba! Sa gayóng pátag at tahimik na pagkakaupô ay walâ siyáng nararamdamán kundî ang sa kanyang balintataw, ay ikínulbit-kulbít ni áling Antók; walâ siyáng nauulinígan kundî ang mahinhíng áwit ni Antok din; walâ siyáng nakikita kundî ang kanya ring kumaring Antok na sásayawsayaw at pupúng̃aypúng̃ay sa kanyang haráp.

Ang bayáning bantay ay humikáb nang sunód-sunód; untî-untîng nalitó; untî-untîng umamín kay Antok; untî-untîng nayukáyok...

Na siya’y guardia at dahil dito’y di dapat yumukayok? Ay ano naman kun siya’y guardia, sa ang pinag-guguardiahan namán eh, iisa-isa at nakukulóng sa isang kulung̃an—isáng kulúng̃ang bakal ang mg̃a réhas, at nakasusì pa, at ang susì, ay nasa loob ng̃ kanyang bulsá? [177]

Na, baká siya’y lusúbin ng̃ mg̃a kaaway, samantálang nayuyukayok? Hús! Ay anó iyon? Gasino ná ang kalabitín ang kanyang baríl at gasino ná ang humiyáw ng̃ “Magnanákaw!!”

Na, baká siya’y masubukan ng̃ teniente—ng̃ tenienteng mabang̃ís?... Pshe! Síno ang masusubúkan—siyá? siyá na kung matulog eh kay bábaw-bábaw, na sa isang kaluskós ng̃ dagâ, sa isáng ing̃ít ng̃ bubwit, ay nagigising? At síno ang susúbok? ang teniente?—ang tenienteng lumákad lang eh, nayáyanig ang lupà,—ang tenienteng walâng tigil ng̃ ká-uubó at kadadahák, ang tenienteng paglákad eh, humihilahod sa lupà ang sable—paghiláhod na kay ing̃ay-ing̃ay—ing̃ay na bumubuláhaw sa mg̃a áso, hanggáng mg̃a manók—mg̃a manók at áso na kapág nagpuputák at nagtatahól ay pilit na ikagigísing ng̃ lalòng matákaw sa pagtúlog?—Iyan ang tenienteng makasusúbok sa kanyá?... Malayòng malayò, sing-layò ng̃ lang̃it sa lupà!

At sakâ, bukód sa rito, mayukayok man siya, ay hindî naman tangkâ niyá ang matulog ah! ¡¡Kundî ang umiglip lang ah!! ¿Ay anó ang iglip?...

Sa dúlo ng̃ mg̃a ganitóng paghahakà ang bibig ng̃ bantáy ay dáhandáhang nábuka, ang mondo’y dáhandáhang nalímot at dáhandáhang tumulò ang ... aywan kung anó... mulâ sa... aywan kung saán. [178]

At sa gitnâ ng̃ gayóng pagkábuka ng̃ bibíg, sa gitnâ ng̃ gayóng pagkalímot sa mondo, sa gitnâ ng̃ gayóng pagtulò ng̃ ... aywan kung anó—ay siyang pagsulpót sa liwánag ng̃ ilaw, at paglundág sa kanyáng haráp ng̃ lálaking kanina’y tatayôtayô sa isang súlok ng̃ liwasán—ng̃ laláking may háwak na balaráw—balaráw na ng̃ayo’y nakatiín sa sikmurà ng̃ tánod!

Ang nágulantang sa kanyáng pakikiuláyaw kay Antok, ay walâng nagawa kundî ang umígtad sa pagkakaupô, ipagng̃ang̃áhang lalò ang bibig at pandilatin ang mg̃a matá!

Ang salitang “Magnanákaw!” ay hindî maisigaw!

Ang baríl ay hindî mákalabít!

—“Isáng kilos, isáng sigáw, at ikáw ay patay!”—ang pasalubong ng̃ kanyáng panaúhin...

—“Naku pô!” ang marahang tugón.

—“Ibíbigay mo ang bilanggô ó hindî?

—“Naku pô!”

—“Sstt!... Sagutín akó... at madalî!

—“Ay papáno pô bá... ang gágawin ko sa iyá’y... itiniwalà... sa ákin!”

—“Huwag mag-alaala... Ililigtás kitá... ako’y nang̃ang̃akò sa ilálim ng̃ áking dang̃ál.”

—“Ay bakâ pô ako’y inyóng ululín... ay kaawà-awà pô...”

—“Ha? at ipinalalagáy mo akong magdarayà?” [179]

—“Naku pô! hindi pô! patawád pô!”

—“Anó? Ibibigáy mo ang bilanggô ó hindî?”

—“Ay inakú pô! Huwag mo pong ididiín ang sundáng, at parang hinahalúkay ang aking tiyán!”

—“Maúlit ka! Ibibigáy mo ó hindî?”

—“Ibibigáy pô!”

Noón din ay lumayà si Faure! Sa bugsô ng̃ ligaya, at pagmamahalan ang dalawáng magkatoto ay waláng naigáwad na pasalubong sa bawa’t isá kundî ang pipíng pagyayakapán.

Kasáma ang tánod na kagyát nilísan ng̃ dalawá ang bilanggúan.


Kinabukásan ang tenienteng yumúrak nang walâng patumanggâ sa Bandilàng Pilipino, ay nabalitàng patáy.

Isang talibóng daw ang nakatárak sa dibdib ng̃ kahabaghabag na lumaláng sa kanya ring pagkasawî...

Si Faure ay nakatákas sa ibang lupáin.

Doón sa mg̃a kaparang̃á’t bundók ng̃ mg̃a báyang malalayà—doón sa di kilala ang kapangyarihan ng̃ táo sa kapwà tao,—doón sa di abót ng̃ mapanglúpig na mg̃a útos ng̃ isang pamahalàang mapagbusábos—doón siyá naniráhan, [180]sa pilíng ng̃ mg̃a Tell, nang panátag ang pusò, payapà ang kalulwá’t pagiísip,—malayà katulad ng̃ ibon sa himpapawid,—maligáya katulad ng̃ bulaklák na hinahagkán ng̃ hamóg....

WAKAS
NG
Bulalákaw ng̃ Pag-ása.

[181]

[Nilálamán]

Halaga: 40 Centimos.

Talaán ng̃ Nilálamán

Kolopon

Mg̃a Maaaring Gamit

This eBook is for the use of anyone anywhere at no cost and with almost no restrictions whatsoever. You may copy it, give it away or re-use it under the terms of the Project Gutenberg License included with this eBook or online at www.gutenberg.org.

This eBook is produced by Jeroen Hellingman and the Online Distributed Proofreading Team at www.pgdp.net.

Bulalakaw ñg Pag-asa (falling star of hope) is a social-realist Tagalog novel set during the American colonial period. The town of Libis is ruled by the corrupt presidente municipal Kápitang Memò. Gerardo, an idealistic and patriotic young man who has always been at odds with Kápitang Memò, has exposed the latter’s shady past.

Pagkaka-enkowd

Editorial notes:

In the foreword (Mga Paunang Talata)

In the main text

Tala ng mga Ginawang Pagbabago

Mg̃a Di-Nakapaloób na Reperénsiya

Ang elektrónikong aklát na itó ng̃ Proyektong Gutenberg ay may mg̃a reperénsiyang hindî nakapaloób. Ang mg̃a link para sa mg̃a itó ay maaaring hindî gumana.

Mg̃a Pagwawastô

Ang mg̃a sumúsunód ay ang mg̃a pagwawastóng ginawâ sa teksto:

Páhina Orihinál Pagwawastô
12
13, 77, 96, 111, 113, 114, 115, 127, 169 [Walâ sa orihinál] .
13, 64, 117 , .
15 Resurreción Resurrección
17 daguno’t dagunot
19, 22, 23, 36, 43, 43, 43, 45, 45, 45, 45, 51, 54, 82, 82, 85, 85, 92, 99, 106, 111, 117, 118, 119, 130, 130, 143, 144, 144, 144, 145, 151, 165, 165, 166, 178, 178 [Walâ sa orihinál]
23, 49, 80 mán man
25, 31 na sa nasa
25, 50, 107, 111, 118, 119, 135, 157 [Walâ sa orihinál]
26, 34 kahit kahi’t
27 Maynila Maynilà
31 tinangap tinanggap
31 mukhâng—hudas mukhâng-hudas
31 hangang hanggang
31, 31, 84, 172 . [Tinanggál]
33 dapwa,t dapwa’t
34 kapatúpatumangâ kapatúpatumanggâ
34 mata matá
35 tangô tang̃ô
37 naáring maáring
42 pagka—Kápitang pagka-Kápitang
43 Vamus Vamos
43 ng̃ ni
44
51 ma pa— mapa-
51 iyón iyóng
51, 130 ”! !”
52 katungakang katunggakang
52 ng̃ayo,y ng̃ayo’y
58 ng̃unit ng̃uni’t
62 Memô Memò
62, 69 pa
66, 143, 144 [Tinanggál]
69 sapagkát sapagká’t
78 láng lang
78 natutwâ natutuwâ
79 mukhà mukhâ
81 . ,
82 Kúng Kung
82 . ?
84 tatangapín tatanggapín
84 Iniíbig iniíbig
86, 131, 164 Eling Elíng
87 pagng̃ingitng̃ít pagng̃ing̃itng̃ít
88 bawa,t bawa’t
90 sumangunì sumanggunì
90 mga mg̃a
93 munà muna
96 pagsinilabán pag sinilabán
97 pulúpulutó ng pulúpulutóng
102 na sasakamay nasasakamay
102 Eléna Elena
102 dapwát dapwá’t
105 kaya,t kaya’t
106 ”—
109 . !
114 pagkakasunósunód pagkakasunódsunód
118 ”? ?”
120 taga— taga-
126, 132 tinangáp tinanggáp
127 ng̃â
127, 143 [Tinanggál]
129 maghimaksik maghimagsik
131 .,,
134 ¡ ¿
135, 179 mo
140 ng̃ [Tinanggál]
143 pamán pa man
145 ko
150 mangagámot manggagámot
156 gitnà gitnâ
162 gasíng kasíng
163 -
165 kailañgan kailang̃an
166 nang̃yayári nangyayári
168 ? !
172 ,
176 kahabághahabág kahabághabág
178 pagsilpót pagsulpót